Ganito Kami Ngayon, Paano Kayo Bukas?

Wednesday, October 26, 2005

Isang Pagsusuri sa Post-kolonyal na Identidad ng Lahing Pilipino

Sino nga ba si Bob Ong? Maaring wala pa ring may alam kundi si Bob Ong na lang mismo, ngunit tiyak na mula sa award-winning website na bobongpinoy, patok na patok na ang kanyang mga aklat sa buong bansa. Pinag-araln ni Chrissie Macaraig ng Communication Research department ang iba't ibang naisulat na mga akda ni Bob Ong at ang post-kolonyal na pagtanaw dito.

Isang Pagsusuri sa Post-kolonyal na Identidad ng Lahing Pilipino

sa Mga Libro ni Bob Ong

ni Christine Elizabeth J. Macaraig

INTRODUKSYON

Sumasaklaw ang katagang post-kolonyal sa lahat ng kulturang dumaan sa proseso ng imperyalismo simula noong panahon ng pananakop hanggang sa kasalukuyan. Maaari rin itong tumukoy sa kalagayan ng isang teritoryo o bansa na nagkamit na ng kalayaan mula sa mananakop nito.

Masasabing nagsilbing daan sa pag-aaral ng post-kolonyalismo ang paglabas ng librong Orientalism ng Palestinyong si Edward Said noong 1978, na tumalakay sa pananaw ng mga taga-Europa sa mga Arabong Islam. Dahil sa nasabing libro, nagkaroon din ng bagong perspektibo sa pag-aaral ng pananaw sa Tsina, India at iba pa. Isang patunay sa patuloy na lumalaking saklaw ng mga pag-aaral sa post-kolonyalismo ay ang paglabas ng librong The Empire Strikes Back: Theory and Practice in Post-colonial Literatures nina Bill Ashcroft, Gareth Griffiths at Helen Tiffin noong 1989.

May mga pagtatalo pa rin sa eksaktong kahulugan ng post-kolonyalismo, ngunit para sa pag-aaral na ito, ang post-kolonyalismo ang tumutukoy sa iba’t ibang pamamaraan at teorya na ginagamit upang maintindihan ang epekto at impluwensya ng kolonisasyon. Upang ito’y lubusang maunawaan, nararapat na malamang hindi lang ang panahon pagkatapos lumisan ng mga mananakop ang pinag-aaralan, kung hindi ang panahon bago makamit ng isang teritoryo o bansa ang kasarinlan nito. Hindi maikakaila na may tuwirang resulta ang pagiging panginoon ng mga mananakop sa mga bansang naging kolonya nito, maging maikli man ang panahon na ito.

Ang Pilipinas ay naging kolonya sa ilalim ng mga Espanyol sa loob ng 333 taon, sa mga Amerikano ng 45 na taon, at sa mga Hapon ng 3 taon. Kung susumahin, 381 na taon naging kolonya ang ating bansa sa ilalim ng iba’t ibang manananakop. Para sa mga katutubong Pilipino, ito’y nangahulugan ng mariing pagbawal sa pag-aalsa, pagpataw ng mga bagong batas at ang pag-abuso sa ating mga likas na yaman. Ngunit sa loob din ng panahong ito, tayo’y binigyan ng relihiyon, pinagkalooban ng edukasyon at binahagian ng iba’t ibang sining at literatura. Dahil dito, hindi maaaring sabihin na puro masama o puro mabuti lamang ang naidulot ng mga mananakop sa ating bansa.

Sa panahon ng mga Espanyol nagkaroon ng status quo kung saan ang katutubong Pilipino ang itinuring na may pinakamababang antas sa lipunan, kumpara doon sa mga may lahing Espanyol. Maituturing ang abilidad na makapag-salita ng wikang Espanyol noong panahong iyon na isang armas laban sa pang-aabuso ng mga mapang-aping Espanyol, ngunit maraming Pilipino ang nanatiling bobo sa wikang ito. Nabansagan ang katutubong Pilipino bilang mangmang, tamad at pagano ng hindi niya mariing napagtatanggol ang kanyang sarili.

Sa pagtuturo naman ng Ingles sa atin ng mga Amerikano, nagpakilala sila ng mga konsepto na nabuo sa mundong ginagalawan nila, na wala namang puwang sa Pilipinas. Isang halimbawa na ang terminong white Christmas, na nangangahulugang pag-ulan ng nyebe sa kapanahunan ng Pasko. Dahil sa posisyon ng Pilipinas sa mundo na malapit sa ekwador, malabong maranasan ito. Sa kabila nito maraming Pilipino pa rin ang nag-iibang bansa sa tuwing Pasko, sa pag-iisip na sa white Christmas lamang nila mararanasan ang tunay na diwa nito.

Noong panahon ng giyera lumabas ang pinakamaganda at pinakapangit na ugali ng mga Pilipino. Naipakita ng Pilipino ang nasyonalismo sa pamamagitan ng pakikitunggali sa mga hukbo ng Hapon, ngunit matinding pagbaligtad naman sa kanyang sariling lahi ang kanyang pagiging isang makapili, na nagtuturo ng mga Pilipinong sumali sa pag-aalsa upang maparusahan ng mga Hapones.

Mahalagang pag-aralan ang kasaysayan ng Pilipinas, sapagkat ang bansa ay produkto ng iba’t ibang impluwensya at kaugaliang namana o kusang umusbong sa lahing Pilipino. Ngunit hindi sa pag-aaral ng kasaysayan nagtatapos ang hamon ng mga minsang sumakop sa ating bansa. Ang pagsusuri sa kalagayan ng ating lahi sa post-kolonyal na panahon ay higit na kailangan din.

Maituturing na penomena ang paglabas ng mga libro ni Bob Ong. Patunay ito na hindi lamang komiks at tabloid na dyaryo ang binabasa ng masang Pilipino. Nagsimula si Bob Ong[1]webmaster ng “Bobong Pinoy,” isang website na naglalaman ng mga kwento tungkol sa kahinaan ng ating lahi. Layunin niyang magtatag ng isang komunidad na may kulturang magbubuklod sa mga Pilipino sa Internet. Hindi niya inasahan na papatok ito at sisikat pa sa ibang bansa. Sa kauna-unahang Philippine Webby Awards tinanghal ito bilang People’s Choice sa Weird/Humor category. noong 1998 bilang

Ngunit sa kakulangan ng panahon at resources, hindi naipagpatuloy ang pangangalaga ng nasabing website. Itinuloy ni Bob Ong ang mahabang diskurso ng “Bobong Pinoy” sa kanyang librong A B N K K B S N P L A K o?! Mga Kwentong Chalk ni Bob Ong, na nasundan naman ng tatlo pang libro: Bakit Baligtad Magbasa Ang Mga Pilipino? Mga Kwentong Barbero ni Bob Ong, kung saan ibinahagi niya ang kanyang buhay bilang estudyante at ang kanyang naging propesyon sa pagtuturo, Ang Paboritong Libro ni Hudas, na tumalakay sa mga “pagkakasala” ng mga Pilipino at ang Alamat ng Gubat, na tungkol sa pakikipagsapalaran ng talangkang si Tong sa gubat upang ihanap ang kanyang amang hari ng puso ng saging.

Masusukat ang katanyagan ni Bob Ong sa mga sumusunod: Ang dumaraming rekomendasyon ng kanyang mga isinulat na libro sa loob at labas ng bansa, ang kanyang pagkakaroon ng “official website”, “forum” at “yahoogroups” sa Internet, at ang panananabik sa kanyang ikalimang libro na hindi pa lumalabas ngayon. Bakit nga ba patok na patok ang mga libro ni Bob Ong? Ang mga pangkaraniwang sagot ay a) ang mga ito ay nakakatawa, at b) ang mga ito ay magandang pampalipas-oras. Isang malalim na pagsusuri sa mga libro ni Bob Ong ay makakapagsabing hindi lang ang mga ito ang nais niyang ipamahagi sa mga mambabasa, kung hindi kamalayan sa post-kolonyal na identidad na namamayani sa lahing Pilipino. Ito ang nais patunayan ng mananaliksik sa pag-aaral na ito.

TESIS NA PANGUNGUSAP

Ang post-kolonyal na identidad na namamayani sa lahing Pilipino ay naipapakita ni Bob Ong sa apat na libro sa pamamagitan ng kanyang paggamit ng satira.

SULIRANIN

  1. Ano ang mga paksang tinalakay ni Bob Ong sa kanyang mga libro?
  2. Anong pamamaraan ng pagsulat ang kanyang ginamit upang talakayin ang mga paksang ito?
  3. Paano naipakita sa apat na libro ni Bob Ong ang post-kolonyal na identidad ng mga Pilipino?

SARBEY NA KAUGNAY SA PAG-AARAL

Pag-aaral sa kasaysayan ng Pilipinas sa ilalim ng mga mananakop

Sa kasaysayan ng bansa, lampas na rin ng isang siglo noong maraming katutubo ang lumaban at namatay sa ngalan ng Pilipinas. Ngunit masasabing ang mismong pangalan ng Pilipinas ay kolonyal pa rin, sapagkat hango ito sa Espanyol na si Prince Philip II, at tuwing tinatawag natin ang ating mga sarili na Pilipino, parang nagpro-proklama na rin tayo ng allegiance sa kanya at sa kanyang mga descendants (Quimpo, 2003).

Nakaranas ng racial, class at ethnic na diskriminasyon ang mga Pilipino sa kamay ng mga mananakop na Espanyol sa unang pagkakataon. Ang kanilang pagtrato sa mga indio bilang primitibo at inferior ay nakatalaga sa lahat ng libro sa kasaysayan ng Pilipinas. Masyadong binigyang halaga ng mga Espanyol ang “unblemished birth,” na kahit ang mga purong Espanyol na isinilang sa Pilipinas ay naging mas mababang uri na rin. Malinaw na namayagpag ang “hierachy of inferiority” sa panahon ng mga Espanyol (Duldulao,1987). Napasama ang mga Tsinong mestizo sa grupo ng mga Pilipino, at sa kanilang pagiging matiyaga at praktikal ay naka-ahon naman sa kadukhaan at kasalukuyang bumubuo sa mayamang sektor ng bansa.

Noong sinakop ng Estados Unidos ang Pilipinas gamit ang sandatahang lakas, nagkaroon na ng mahigit 200 na pag-aalsa ang mga Pilipino laban sa mga Espanyol. Minulat ng mga Propagandistang tulad nina Jose Rizal, Marcelo del Pilar at Graciano Lopez Jaena ang Katipunan at ang unang republika ng Pilipinas sa mga prinsipyo ng rasyonalidad at soberanya. Sa kanyang mga nobelang Noli Me Tangere (1887) at El Filibusterismo (1891), ginamit ni Rizal ang satira at mga kumbensiyon ng realismo upang ilantad ang pang-aabuso ng Katolikong Simbahan at buhayin ang dignidad ng mga naaping katutubo. Siya ay binitay ngunit naging simbolo ng patriotismo ng Pilipinas (San Juan,1996).

Sa kagustuhan ng mga Amerikanong magtalaga ng consensual rule sa bansa, ginamit nila ang kanilang wikang Inggles bilang opisyal na midyum sa pangangalakal, eduksyon at pamahalaan.

Pag-aaral sa Orientalismo

Ang Orientalismo ay ang pag-aaral sa kultura ng Near at Far East ng mga taga-Kanluran. Dahil kadalasang naikakabit ang salitang ito sa imperyalismo ng Europa noong 18th at 19th siglo, ito’y nagkaroon ng mga negatibong konotasyon, tulad ng pagiging old-fashioned at prejudiced sa interpretasyon ng tao at kultura ng Silangan. Ang sumusunod ay mga kahulugan ng ilang salitang kapatid ng Orientalismo sa wikang Ingles na hango sa http://en.wikipedia.org/wiki/Orientalism:

The Orient signifies a system of representations framed by political forces that brought the Orient into Western learning, Western consciousness, and Western empire. The Orient exists for the West, and is constructed by and in relation to the West. It is a mirror image of what is inferior and alien ("Other") to the West.

The Oriental is the person represented by such thinking. The man is depicted as feminine, weak, yet strangely dangerous because poses a threat to white, Western women. The woman is both eager to be dominated and strikingly exotic. The Oriental is a single image, a sweeping generalization, a stereotype that crosses countless cultural and national boundaries.

Latent Orientalism is the unconscious, untouchable certainty about what the Orient is. Its basic content is static and unanimous. The Orient is seen as separate, eccentric, backward, silently different, sensual, and passive. It has a tendency towards despotism and away from progress. It displays feminine penetrability and supine malleability. Its progress and value are judged in terms of, and in comparison to, the West, so it is always the Other, the conquerable, and the inferior.

Manifest Orientalism is what is spoken and acted upon. It includes information and changes in knowledge about the Orient as well as policy decisions founded in Orientalist thinking. It is the expression in words and actions of Latent Orientalism.

Sinasabing ang Kristianismo at Islam ang pinagmulan ng pagkakaiba ng Silangan at Kanluran. Maaari din tignan ang klase ng kultura na umusbong sa dalawang teritoryong ito. Napag-alaman na may progresibong kultura sa Tsina at India kung saan nag-aangkat na ng tela at ceramics, at literado na ang mga tao, habang sa bahagi ng Americas ay hindi pa.

Ang mga unang Orientalists ay mga iskolar ng 19th siglo na nagsalin ng mga kasulatan ng Orient sa Ingles, sa paniniwalang ang totoong mabisang pananakop ay nangangailangan ng kaalaman sa mga sinakop.

Marami nang pamantasan sa North America ang gumagamit ng Asian Studies sa halip na Oriental studies, at hinati ang mga ito sa Near Eastern Studies, South Asian studies at Far Eastern studies. Nangangahulugan ito na maraming sibilisasyon ang sinasaklawan ng Orient, at hindi lamang ito isang rehiyon na hiwalay sa Occident[2].

Isang mahalagang konstruksyon ng mga iskolar ng Orientalismo ang konsepto ng Orient. Ayon sa kanila, sinasakop nito ang iba’t ibang kultura sa Gitnang Silangan at Asya. Inilalarawan ang Orient na may kahinaan ng babae, at “culturally backward, peculiar and unchanging.” Hinihintay daw nito ang kalakasan ng Kanluran sapagkat ito ay “defenseless” at “unintelligent,” at nabubuhay lamang para sa Kanluran.

Ang ebalwasyon ni Edward Said sa indibidwal, akademiko at politikal na mga paniniwala sa Orientalismo ay nagsilbing importanteng haligi sa pag-aaral ng post-kolonyalismo[3]. Ang ideyang “knowledge as power” ay binigyang-diin ni Said sa kanyang sumikat na aklat na Orientalism. Ayon dito:

By knowing the Orient, the West came to own it. The Orient became the studied, the seen, the observed, the object; Orientalist scholars were the students, the seers, the observers, the subject. The Orient was passive; the West was active.

Para kay Said, bumuo ng dikotomiya ang Kanluran sa realidad at sa romantikong pagtingin sa Orient. Sinabi niya na may diskriminasyon sa pag-aaral ng Orient, na hindi alam ang sariling kasaysayan at kultura. At upang panagutan ito, lumikha ang Kanluran ng kasaysayan, kultura at hinaharap para sa kanila. Samakatwid, hindi lang sa pag-aaral ng Orientalismo umiikot ang teorya ni Said, kung hindi sa politikong imperyalismo ng Europa sa Silangan.

Sinabi rin ni Said na mahalagang maunawaan na ang kabuuan ng representasyon ng literatura, kultura at “stereotype” ng mga taga-Kanluran ay ang siyang lumilikha at nagpapatibay ng dikriminasyon sa mga kulturang hindi mula sa Kanluran, kung kaya’t sila’y kinilala bilang Oriental Ang pagiging kabilang ng Orient sa isang power relationship kung saan ito’y inuunawa at ginagamit ng Occident sa sarili nitong pamamaraan ay nangangahulugan na ang Orientalismo ay ang indikasyon ng lakas na mayroon ang Kanluran sa Silangan. At sa paglikha ng Occident ng imahe ng Orient upang ito’y mapag-aralan, nagkaroon din ito ng kontrol sa politika, ekonomiya at iba pang mga aspekto ng Orient.

Pag-aaral sa Satira

Ang satira ay teknik na nagbibigay kritisismo sa isang partikular na tao o organisasyon upang ito’y mabigyang-pansin at mabago. Kadalasan ito’y may layuning magpatawa pero mayroon ding mga anyo ng satira na tragic.

Katawa-tawa ang satira sapagkat ito’y naka-base sa juxtaposition ng satira at realidad. Gayunpaman, ang layunin ng satira ay hindi komiko kung hindi politikal at moral (http://en.wikipedia.org/wiki/Satire).

Maaaring hatiin ang satira sa dalawa: high burlesque, kung saan ang pinag-uusapan ay crude in nature ngunit ginagaanan ang pagtrato, at low burlesque kung saan ang pinag-uusapan ay dinadaan sa epikong estilo upang ito’y duruin.

Ang pagbababago sa isang partikular na bisyo ay ang pangunahing layunin ng satira, sapagkat nais ng manunulat ng satira na makapagpabago ng isang buong lipunan, at hindi iilang tao lamang. Alam ng mahusay na gumamit ng satira ang kahinaan ng tao at mga institusyon at gumagamit siya ng pagpapatawa upang pag-isipin ang mga mambabasa (Thrall, 1960). Maaari rin niyang ipakita ang mga epekto ng patuloy na pagkakaroon ng vice na ito.

Ang pagtukoy ng satira sa mga kamalian at kapangitan ng ugali o sistema sa mga mambabasa o manonood ay maaaring maging daan sa pagbabago. Isang halimbawa ay ng nangyari sa comic strip na Doonesbury, na gumamit ng satira upang ipakita ang racist na batas sa isang bayan sa Florida kung saan kailangan ng minority groups ng passcard. Ipinagbawal ang ganitong pamamalakad at ang pagbabawal na ito ay tinawag na Doonesbury Act.

Marami na ring palabas sa telebisyon ang gumagamit ng satira, tulad ng The Simpsons,social commentary at ng Father of the Pride, kung saan ang mga hayop ay nabubuhay na parang tao rin, na may mga parehong problema sa diskriminasyon, bawal na gamot at kung ano pa. na napupulutan ng iba’t ibang

Upang mapalakas ang bisa ng satira, ginagamit ang mga sumusunod na literary techniques: wit, humor, irony, exaggeration, distortion, understatement, innuendo, zeugma, ambiguity, oxymoron, parable at allegory. Kasama rin dito ang “listahan,” na listahan ng mga bagay, tao o ideya na magkakapareho, maliban sa isa o dalawa na may ibang value o halaga. Mahalagang baguhin ng manunulat ng satira ang kanyang critical approach upang malibang pa rin ang mambabasa (Harris, 2004).

LAYUNIN

Nais patunayan ng mananaliksik na naipakita ni Bob Ong ang post-kolonyal na identidad ng lahing Pilipino sa pamamagitan ng paggamit ng satira sa mga sumusunod niyang libro:

1. A B N K K B S N P L A ko?! Mga Kwentong Chalk ni Bob Ong

2. Bakit Baligtad Magbasa ng Libro Ang Mga Pilipino?! Mga Kuwentong Barbero ni Bob Ong

3. Ang Paboritong Libro ni Hudas

4. Bob Ong’s Alamat ng Gubat

TEORETIKAL NA BALANGKAS

Upang mabuo ang balangkas, gumamit ang mananaliksik ng teorya ng Orientalismo ni Edward Said at teorya ng Identity Development ni Hussien Abdila Bulhan.

Teorya ng Orientalismo

Sa teorya ng Orientalismo ni Said, pinaniniwalaan ang mga sumusunod:

1. Pinag-uugnay ng kapangyarihan ang Orient at Occident. Ayon kay Said, ang kapangyarihan na ito ay ang karunungan ng Occident sa kasaysayan at kultura ng Orient. Ang Orientalismo ay indikasyon ng lakas na mayroon ang Kanluran sa Silangan.

2. Ang Orient ay ang negatibong kabaligtaran ng Occident. Nagkakaroon ng diskriminasyon sa pag-aaral ng Orient sapagkat ito ay itinuturing na inferior at iba kumpara sa Occident. Halimbawa, itinuturing ang Orient na passive habang ang Occident ay active.

3. Ang politikong imperialismo ng Europa ang ugat ng pagkakaiba ng Orient at Occident. Sinasabi na ang Occident ang lumikha ng kasaysayan, kultura at hinaharap ng Orient.

Teorya ng Identity Development

Isang teorya na makakapagpaliwanag sa identidad na nabubuo sa mga sitwasyon ng oppression tulad ng kolonyalismo ang inihain ni Hussien Abdilahi Bulhan sa kanyang librong Frantz Fannon and the Psychology of Oppresion, na inilabas noong 1985. Sinabi niya na sa kondisyon ng matagalang oppression, nagkakaroon ng tatlong pamamaraan ng psychological defense o identity development: kompromiso, pag-iwas at paglaban. Ipinaliwanag niya sa wikang Inggles ang bawat isa:

The first stage, based on the defensive mechanism of identification with the aggressor, involves increased assimilation into the dominant culture while simultaneously rejecting one’s own culture. I call this the stage of capitulation. The second stage, exemplified by the literature of negritude, is characterized by a reactive repudiation of the dominant culture and by an equally defensive romanticism of the indigenous culture. I call this the stage of revitalization. The third phase is a stage of synthesis and unambiguous commitment toward radical change. I call this the stage of radicalization.

Ang bawat pamamaraan ay itinuturing na mga tendencies o patterns din. Paano man ito tignan, mahalagang tandaan na lahat sila ay nagco-coexist sa indibidwal, kung saan ang isa ay maaaring higit na mamayani kaysa sa iba sa isang partikular na panahon o pagkakataon. Ayon pa kay Bulhan, kapag ang mga tao ay masyadong naging fixated sa isang phase, ito na ang nagiging katauhan ng henerasyon nila.

Pagsasama sa dalawang teorya

Ang pagsasama ng dalawang teoryang nabanggit ay bumubuo ng isang modelo ng balangkas ng teorya na makakapaglarawan sa relasyon ng Orientalismo at teorya ng Identity Development sa identidad ng tao.

Sa modelo ng mananaliksik, nakikita ang tatlong pamamaraan ng psychological defense at identity development, ang dominant culture (nangingibabaw na kultura) na pumapanig sa Occident, ang indigenous culture (kulturang atin) at ang imperyalismo ng Europa sa Silangan.

Nakapalibot ang imperyalismo sa modelo ng teoretikal na balangkas, sapagkat ito ay ang sinasabing ugat ng pagkakaroon ng pagkakaiba sa Orient at Occident. Dahil ito ay bahagi na ng kasaysayan ng bansa, hindi ito nagagalaw ng iba pang mga variables. Ito ay binakuran ng parisukat upang ipakitang nasasaklawan nito ang kulturang nangingibabaw at ang kulturang sariling atin.

Gamit ang isang baligtad na tatsulok, ipinakita ng mananaliksik ang saklaw ng kapangyarihan at impluwensya ng Occident kumpara sa Orient. Ang malawak na bahagi ng tatsulok ay ang kulturang nangingibabaw habang ang makipot na bahagi ay ang kulturang sariling atin. Ipinapakita rin ng tatsulok na ang Orient ay ang negatibong kabaligtaran ng Occident.

Nakapaloob naman sa tatlong stages ng identity development ang capitulation, revitalization at radicalization. Ang mga ito ay ang sinasabing pinagdadaanan ng tao o lipunan na sumailalim sa pananakop. Mas malapit ang capitulation sa kulturang nangingibabaw sapagkat ito ay ang katangian ng pagiging immersed sa kulturang ito habang inaayawan naman ang sariling kultura, sapagkat nakaka-identify ang tao sa kanyang aggresor. Samantala, ang revitalization ay mas malapit sa sariling kulturang dahil ito ang katangian ng pagkakaroon na romantikong pagtingin dito habang inaayawan naman ang kulturang nangingibabaw. Bilog ang mga ito upang ilarawan na sila ay psychological defense ng tao o lipunan na hindi madaling matinag.

Ang radicalization, bagamat isa ring psychological defense, ay inilarawan gamit ang starburst sa kadahilanang ito’y kumakawala sa hugis ng tatsulok sa pagsasama ng dalawang bilog. Ang radicalization kasi ang katangian kung saan nagkakasundo ang unang dalawang stages at nagkakaroon ng kagustuhan ng pagbabago sa katauhan o lipunan.

Ang mga interaksyong ipinapakita sa modelo ng balangkas ng teorya ng pinagsamang Orientalismo at teorya ng Identity Development ay ginamit ng mananaliksik upang tukuyin kung paano naipakita sa mga libro ni Bob Ong ang post-kolonyal na identidad ng lahing Pilipino.

DEPINISYON NG MGA TERMINO

Ang Post-kolonyalismo ay tumutukoy sa iba’t ibang pamamaraan at teorya na ginagamit upang maintindihan ang epekto at impluwensya ng kolonisasyon.

Ang Orientalismo ay pag-aaral sa kultura ng Near at Far East ng mga Westerners. Maaari din nitong tukuyin ang depiksyon ng mga mununulat at mangguguhit ng Kanluran sa kultura ng Silangan.

Ang Satira ay ang teknik na nagbibigay kritisismo sa isang partikular na tao o organisasyon upang ito’y mabigyang-pansin at mabago.

Ang Irony ay ang pagsasabi sa kabaligtaran ng gustong ipahiwatig.

Ang Exaggeration ay ang labis na pagbibigay-pansin sa isang bagay.

Ang Distortion ay ang pag-iiba ng perspektibo sa isang kundisyon o sitwasyon sa pamamagitan ng pagbukod sa sarili nitong kalikasan.

Ang Understatement ay ang pagbibigay ng konting pansin sa mga bagay na malubha.

Ang Innuendo ay ang pagbibigay-diin sa isang bagay na hindi tuwiran ang atake.

Ang Zeugma ay ang paghahalintulad sa mga bagay na lubusang magkaiba.

Ang Ambiguity ay ang paghahalintulad kung saan malabo ang koneksyon sa pagitan ng target at sa bagay kung saan ito ikinukumpara.

Ang Oxymoron ay ang pagtatabi sa dalawang salita o konsepto na magkasalungat.

Ang Parable ay ang paggamit ng kwento upang iparating ang moral na nais sabihin.

Ang Allegory ay ang paggamit ng mga simbolo upang iparating ang konseptong nais sabihin.

Ang Listahan ay ang listahan ng mga bagay, tao o ideya na magkakapareho, maliban sa isa o dalawa na may ibang value o halaga.

Ang Post-kolonyal na identidad ay ang katangian ng tao na nabuo sa kondisyon ng matagalang oppression ng mga mananakop at nakikita sa ugali, opinyon, kagustuhan, uri ng pamumuhay at iba pang aspekto ng tao.

Ang Capitulation ay ang post-kolonyal na identidad kung saan may pagtanggi sa sariling kultura kung kaya’t mas pumapanig sa nangingibabaw na kultura.

Ang Revitalization ay ang post-kolonyal na identidad kung saan may romantikong pagtingin sa sariling kultura kung kaya’t itinatanggi ang nangingibabaw na kultura.

Ang Radicalization ay ang post-kolonyal na identidad na may paghahangad ng radikal na pagbabago sa pagsasama ng nangingibabaw na kultura at ng sariling kultura.

METODOLOHIYA

Gumamit ang mananaliksik ng content analysis para sa pag-aaral na ito. Ang kanyang instrumento sa pananaliksik ay isang table of conceptual indicators para sa bawat libro. Ang table ay naglaman ng mga sumusunod:

Pamagat ng libro

Pahina

Kategorya

Konsepto

Post-kolonyal na identidad

Teknik ng satira

Ang mga sumusunod naman ay ang conceptual indicators:

Sa pagsusuri ng teksto ng mga libro ni Bob Ong, napag-alaman ng mananaliksik na maaaring i-grupo ang mga artikulo sa limang kategorya na may sinasabi sa ugali at kultura ng mga Pilipino at ang magkaka-sunod na pahina kung saan sila matatagpuan:

a. Mga tauhan – ang artikulo ay tumutukoy sa pag-uugali o behavior ng tao o grupo ng mga tao

b. Mga morals at values ng Pilipino – ang artikulo ay tumutukoy sa mga pangit o magandang ugali at prinsipyo ng Pilipino

c. Mga simbolo ng pagka-Pilipino – ang artikulo ay tumutukoy sa mga nagre-representa ng pagiging Pilipino

d. Mga tradisyon at kaugalian sa Pilipinas – ang artikulo ay tumutukoy sa mga nakagisnan at patuloy na ginagawa ng mga Pilipino

e. Mga impluwensya ng ibang bansa – ang artikulo ay maaaring tumukoy sa katangian, kaganapan o paniniwala sa ibang bansa

f. Mga politikal at panlipunan na komentaryo – ang artikulo ay bumabatikos sa politikal o panlipunan na kondisyon ng Pilipinas

Sa konsepto, nagbahagi ang mananaliksik ng kanyang sariling titulo o maikling deskripsyon sa bawat artikulo upang maipakita ang iba’t ibang paksa sa mga libro ni Bob Ong.

Tinukoy naman ng mananaliksik kung anong post-kolonyal na identidad ang nangibabaw sa artikulo sa pamamagitan ng mga sumusunod:

Ang artikulo ay kabilang sa capitulation kung mayroong pagtanggi sa sariling kultura at pagpanig sa nangingibabaw na kultura.

Ang artikulo ay kabilang sa revitalization kung mayroong romantikong pagtingin sa sariling kultura at pagtanggi sa nangingibabaw na kultura.

Ang artikulo ay kabilang sa radicalization kapag may paghahangad ng radikal na pagbabago sa pagsasama ng nangingibabaw na kultura at ng sariling kultura.

Mula sa pag-aaral sa satira, tinukoy naman ng mananaliksik kung alin sa mga sumusunod na teknik ng satira ang ginamit ni Bob Ong sa kanyang mga libro:

a. Irony - pagsasabi sa kabaligtaran ng gustong ipahiwatig

b. Exaggeration - labis na pagbibigay-pansin sa isang bagay

c. Distortion - pag-iiba ng perspektibo sa isang kundisyon o sitwasyon sa pamamagitan ng pagbukod sa sariling nitong kalikasan

d. Understatement - pagbibigay ng konting pansin sa mga bagay na malubha

e. Innuendo - pagbibigay-diin sa isang bagay na hindi tuwiran ang atake

f. Zeugma - paghahalintulad sa mga bagay na lubusang magkakaiba

g. Ambiguity – paghahalintulad kung saan malabo ang koneksyon sa pagitan ng target at sa bagay kung saan ito ikinukumpara

h. Oxymoron - pagtatabi sa dalawang salita o konsepto na magkasalungat

i. Parable - paggamit ng kwento upang iparating ang moral na nais sabihin

j. Allegory - paggamit ng mga simbolo upang iparating ang konseptong nais sabihin

k. Listahan - tumutukoy sa listahan ng mga bagay, tao o ideya na magkakapareho, maliban sa isa o dalawa na may ibang value o halaga

Halimbawa:

A B N K K B S N P L A k o?!

Mga Kwentong Chalk ni Bob Ong

Pahina

Kategorya

Konsepto

Post-kolonyal na identidad

Teknik ng satira

Pp. 107 - 108

Tauhan

Ang principal na kakain ng bulate kapag nagbasa ang mga estudyante niya

capitulation

parable

Upang mapag-aralan ang significance ng mga datos, gumamit ang mananaliksik ng marginal frequency method, kung saan ang mode o ang pinakamadalas na lumabas sa mga conceptual indicators ang hinahanap at sinusuri.

SAKLAW NG PAG-AARAL

Inilimita ng mananaliksik ang pagsusuri sa apat na libro ni Bob Ong, sapagkat ang mga ito pa lamang ang na-ilimbag sa kasalukuyan.

KAGYAT NG PAGSUSURI

Ang mga sumusunod ay resulta ng paggamit ng mananaliksik ng marginal frequencies upang ilarawan ang nangingibabaw na tema sa apat na libro ni Bob Ong. Ang pagtatala ay ayon sa pinagsama-samang figures na lumabas sa lahat ng libro, at hindi sa bawat libro. Ito ay sapagkat nais bigyang-pansin ng mananaliksik ang tema ng pagsusulat ni Bob Ong, at hindi ang tema ng bawat libro.

Mula dito, masasabi na nangingibabaw sa mga libro ni Bob Ong ang mga paksang ukol sa Morals at Values ng Pilipino. Masasabi rin na hindi gaanong itinalakay ang Mga Impluwensya ng Ibang Bansa sa mga libro ni Bob Ong. Sa kanyang mga libro, naipakita ni Bob Ong ang mga pangit at magandang ugali ng Pilipino, mga manipestasyon ng post-kolonyal na identidad ng mga Pilipino.

Mula dito, masasabing ang parable, allegory at innuendo ang mga pinakamadalas na ginamit na teknik ng satira sa mga libro ni Bob Ong.

Minabuti ng mananaliksik na hindi na isaad ang mga mismong bahagdang natamo ng bawat teknik ng satira sapagkat nais lamang niyang ipakita kung alin sa mga teknik ang pinakamadalas na ginamit ni Bob Ong.

Ang pagbabahagi ng kwento, paggamit ng mga simbolo at pagpapahiwatig na hindi tuwiran ang atake ay mga teknik ng satira na ginamit ni Bob Ong upang maipakita ang post-kolonyal na identidad ng lahing Pilipino sa kanyang mga libro.

Mula dito, masasabi na nangingibabaw ang capitulation bilang post-kolonyal na identidad ng lahing Pilipino sa mga libro ni Bob Ong. Masasabi rin na ang radicalization ang pinakamadalang na post-kolonyal na identidad na ipinakita sa mga libro ni Bob Ong.

Pinakita ni Bob Ong sa kanyang mga libro na ang mga Pilipino ay mayroong pagtanggi sa kanilang sariling kultura at pumapanig sa kulturang na-impluwensiyahan na ng iba pang mga lahi.

Sumangguni sa Apendiks upang makita ang kalahatan ng mga datos sa apat na libro.

KONGKLUSYON

Itinalakay sa mga libro ni Bob Ong ang mga sumusunod na paksa: ang pag-uugali ng Pilipino bilang tauhan sa mga artikulo, ang kanyang morals at values, mga sumisimbolo sa kanyang pagiging Pilipino, mga tradisyon at kaugalian sa bansa, mga impluwensya ng ibang bansa at mga politikal o panlipunang komentaryo. Nangibabaw ang pagsusulat tungkol sa mga morals at values ng Pilipino. Sa kanyang mga libro naipakita ni Bob Ong ang mga pangit at magandang ugali ng Pinoy, mga manipestasyon ng post-kolonyal na identidad ng mga Pilipino.

Ginamit niya ang satira upang talakayin ang mga paksang ito. Sa iba’t ibang uri ng teknik ng satira, ang kanyang mga pinakamadalas na ginamit ay parable, allegory at innuendo. Sa pagbabahagi ng kwento, paggamit ng mga simbolo at pagpapahiwatig na hindi tuwiran ang atake, nailarawan ang post-kolonyal na identidad ng lahing Pilipino.

Sa pagkakaroon ng mga artikulo na may katangiang capitulation, revitalization at radicalization, kung saan ang capitulation ang nangibabaw, naipakita ni Bob Ong na ang mga Pilipino ay mayroong pagtanggi sa kanilang sariling kultura at pumapanig sa kulturang na-impluwensiyahan na ng iba pang mga lahi.

IMPLIKASYON

Mula sa kongklusyon ng pag-aaral na ito, maaaring sabihin na patok sa mga Pilipinong mambabasa ang parables, allegories at innuendos na tungkol sa mga pangit o magandang ugali at prinsipyo ng Pilipino, kung saan ipinapakita ang kanyang pagpanig sa nangingibabaw na kultura. Ito ay generalization lamang ng mananaliksik sa apat na libro ni Bob Ong, na naging posible sa pamamagitan ng content analysis at marginal frequency method.

REKOMENDASYON

Iminumungkahi ng mananaliksik ang patuloy na paghanap sa totoong katauhan ni Bob Ong. Ika nga sa forum ni Bob Ong sa Internet, “Bob Ong hunting season na naman, mahina ang kalaban.”

Ini-rerekomenda rin ng mananaliksik ang pagsusuri sa mga libro bilang makabagong literatura na may Pinoy na panlasa.

Nais ring ibahagi ng mananaliksik na magandang halimbawa ang mga libro sa kasabihang “You learn more when you laugh.”

BOB ONG AT KULTURANG POPULAR

Malinaw ang ugnayan ng mga libro ni Bob Ong sa kulturang popular. Ang ating kamalayan sa post-kolonyal na identidad na namamayani sa lahing Pilipino ay napagpapatibay ni Bob Ong sa pamamagitan ng kanyang mga isinusulat. Hinirang ng iba bilang ang bagong bayani ng kontemporaryong literatura, si Bob Ong ay nagpapatunay na hindi lang hanggang komiks at tabloids ang binabasa ng Pinoy.

BIBLIOGRAPIYA

Primary references

1. A B N K K B S N P L A ko?! Mga Kwentong Chalk ni Bob Ong (2001)

2. Bakit Baligtad Magbasa ng Libro Ang Mga Pilipino?! Mga Kuwentong Barbero ni Bob Ong (2002)

3. Ang Paboritong Libro ni Hudas (2003)

4. Bob Ong’s Alamat ng Gubat (2004)

News articles on Bob Ong

BobongPinoy: This Ain't Virtual - Manila Times, November 1999

Paano Kumain ng Kapitbahay? - Philippine Post, June 2000

A Satirical Look at Campus Experience - Philippine Daily Inquirer, July 2001

The Pinoy for Dummies - Philippine Daily Inquirer, August 2002

Bobongpinoy.com: Beyond the Sarcasm - http://www.bobongbooks.com/scripts/php/phpbb/phpBB2/index.php (visited Aug 2005)

Online references for Bob Ong

Official website - http://www.visprint.net/publications/bob/ (visited Aug 2005)

Forum - http://www.bobongbooks.com/scripts/php/phpbb/phpBB2/index.php

(visited Aug 2005)

Yahoo group - http://groups.yahoo.com/group/bobongpinoy/?yguid=229166940 (joined Aug 2005)

Postcolonialism

Ashcroft, Bill, Griffiths,Gareth and Tiffin, Helen. (1989) The Empire Strikes Back: Theory and Practice in Post-colonial Literatures. London: London Publishing House.

Discourse on Postcolonialism - http://www.scholars.nus.edu.sg/landow/post/poldiscourse/discourseov.html

(visited Aug 2005).

Duldulao, Manuel (1987). The Filipinos: Portrait of a People. Philippines: Oro Books Inc.

Introduction to Postcolonial Studies -

http://www.english.emory.edu/Bahri/Intro.html (visited Aug 2005).

Postcolonialism Today - http://www.semioticon.com/virtuals/postcol.htm

(visited Aug 2005)

Quimpo, Nathan Gilbert (2003). Colonial Name, Colonial Mentality and Ethnocentrism. KASAMA Vol. 17 No. 3, Solidarity Philippines Australia Network.

San Juan, Epifanio Jr. (1996) From Postcolonial to Alter/Native National Allegory: Dialectics of Nation/People and World-System in Philippine Writing. http://www.boondocksnet.com/centennial/sctexts/esj_96b.html (visited Aug 2005).

Orientalism

Dexheimer, Jix (2002). Orientalism. http://www.wmich.edu/dialogues/texts/orientalism.htm (visited Aug 2005).

Said, Edward (1979). Orientalism. New York: Vintage.

Sered, Danielle (1996). Orientalism. http://www.english.emory.edu/Bahri/Orientalism.html (visited Aug 2005).

Windschuttle, Keith (1999). Edward Said’s Orientalism revisited. http://www.newcriterion.com/archive/17/jan99/said.htm (visited Aug 2005).

http://en.wikipedia.org/wiki/Orientalism (visited Aug 2005)

Satire

Harris, Robert (2004). The Purpose and Method of Satire. http://www.virtualsalt.com/satire.htm (visited Aug 2005).

Thrall, William, Addison Hibbard, and C. Hugh Holman (1960). A Handbook to Literature. New York: Odyssey Press.

http://en.wikipedia.org/wiki/Satire (visited Aug 2005)

Framework

Bulhan, Hussein Abdilahi (1985). Frantz Fanon and the Psychology of Oppression. New York: Plenum Press.

Said, Edward (1979). Orientalism. New York: Vintage.




[1] Sa pagbabasa ng mananaliksik, mas nakararaming sources ang nagsaad na pen name lamang ang Bob Ong.

[2] Ang Occident ay ang kumakatawan sa Kanluran, habang ang Orient ay ang kumakatawan sa Silangan.

2 Comments:

  • Gusto ko yung mga sinulat ni bob ong. Bagamat yug una nyang aklat na pinamagatang ABNKKBSNPLAKO?! ay nakapaghatid sakin ng malaking kasiyahan, ay pawang wala siyang pinapakitang motibo sa pag-sulat. Pero gayon pa man, kakaiba ang pananaw nya sa buhay sa mga sinundan nyang aklat at obra.

    By Blogger tam_ad2008, at 9:34 AM  

  • [url=http://yljeavag.100webspace.net]Порно видео! / Free porn video![/url]

    By Anonymous Anonymous, at 10:05 AM  

Post a Comment

<< Home