Ganito Kami Ngayon, Paano Kayo Bukas?

Wednesday, October 26, 2005

Jueteng

Iligal ngunit napakalaki ng pulitikal at kultural na implikasyon, napaka-popular at masasabing "timeless" ang Jueteng bilang isang uri ng panunugal. Tiningnan ni Edlyn Llanes ng Math department ang kulturang ito.

Jueteng Kabisote, Cabo ng mga Suwerte:

Mga Salita sa Buhay ng isang Administrador ng Sugal sa

Hagonoy, Bulacan

ni Edlyn C. Llanes

INTRODUKSIYON

Ito ang dahilan ng pagbagsak ni Erap. Ito rin ang dahilan kung bakit ang presidente ng ating bansa ay nalulugmok ngayon sa eskandalo. Hindi ito droga, hindi rin naman ito alak. Pero ito ay nakakaadik. . . nakakalasing. Nakakabuo ng bagong dimensyon ng buhay. Isang buhay na nabibigyan ng panibagong pag-asa.

Ito ang jueteng.

Isang salitang naging bahagi na nang pang-araw-araw na pamumuhay ng mga Pilipino – maging siya man ay isang ordinaryong mananaya, cobrador, cabo, banca o kung ano pa man. Isang salita na nauunawaan hindi lamang ng mga mahihirap kundi maging ng mga taong nasa alta-sosyedad o ang mga naghaharing-uri. Isang salita na nakaukit na sa ating kultura. Mananatili ang jueteng sa bokabularyo ng mga Pilipino hangga’t may mga taong naghahalu-halo ng mga numero para matsambahan ang tamang kombinasyon nito.

Nakakasira. . . Nakakabuo ng buhay . . . Alin man sa dalawa. . .

Ito ang jueteng.

TESIS NA PANGUNGUSAP

Ang jueteng ay patuloy na nanunuot sa ating lipunan. Marami man ang nagnanais na ito ay buwagin, ito ay hindi tuluyang nawawasak. Marami ring mga Pilipino ang nakadepende ang kabuhayan sa jueteng tulad ng isang cabo sa Hagonoy, Bulacan. Kinapapalooban din ang jueteng ng jargon o mga espesyal na salita na naiintindihan lamang ng mga taong may kinalaman dito.

SULIRANIN

Bawat buhay ay may kanya-kanyang kayarian. Tayo ay may kanya-kanyang karanasan na nakaharap. Paano naman kaya ang buhay ng isang cabo? Anu-anong mga bagay o pangyayari ang kanyang kinaharap bilang isang administrador ng sugal tulad ng jueteng? Gaano kalaki ang epekto ng jueteng sa kanyang buhay?

Kung ang mga dalubhasang manggagamot ay mayroong ginagamit na sariling jargon, mayroon din ito sa mga taong may kaugnayan sa jueteng. Anu-ano kaya ang mga salitang ito? Ano ang mga kahulugan o depinisiyon ng mga ito? Saan kaya hinango ang mga salitang ito?

Hindi rin lingid sa ating kaalaman na laganap ang jueteng sa ating bansa. Pilit man itong pigilan ng ating pamahalaan, maging ng ating kapulisan, hindi pa rin ito tuluyang nabubuwag. Pansamantala lamang ang pagtigil ng kanilang mga operasyon kung sila ay mainit sa mga mata ng mga mambabatas. Ngunit patuloy pa rin itong lumalago habang dumadaan ang panahon. Bakit kaya hindi mamatay-matay ang jueteng? Bakit patuloy itong nanunuot sa ating lipunan? Anong mayroon ito na kinagigiliwan ng masang Pilipino?

SARBEY KAUGNAY NG PAG-AARAL

Pagkataong Pilipino

Ang mga pag-aaral sa librong ito ng mga iskolar tungkol sa damdamin, hilig at pag-unlad sa pagkatao lalo na sa mga Pilipino ay tinipon ni Virgilio G. Enriquez. Ang isang pag - aaral dito ay may kaugnayan sa pag-aaral ng mananaliksik hinggil sa jueteng. Ito ang papel ni Ursula V. San Pablo na pinamagatang “Ang mga Sugal na Laganap sa Pilipinas at ang mga Epekto nito sa Tao.”

Sa papel na ito ni San Pablo, tinalakay niya ang iba’t ibang kahulugan ng sugal, mga dahilan kung bakit nagsusugal ang isang tao, mga uri nito at mga epekto nito sa manunugal. Tinalakay rin niya rito ang kasaysayan ng sugal sa Pilipinas. Ang metodolohiyang ginamit niya rito upang makakuha ng mga datos ay pagsurvey.

Ilan sa mga nakasaad na kahulugan ng sugal ay ang pagpupusta ng isang bagay na may halaga, pagbabakasakali o pagsubok sa suwerte at pagkakaroon ng kaligayahan sa pakikipagbuno sa kapalaran. Pampalipas-oras, katutubong hangarin, bisyo at daan upang sumandaliang makalimutan ang problema ang ilan sa mga dahilan ng mga tao kung bakit sila nagsusugal. May mabuti at masamang epekto naman ang sugal sa mga tao – depende na sa isang manunugal kung paano niya ito dadalhin.

Apat naman ang uri ng sugal na nabanggit sa papel. Ito ang sugal – bata, sugal ng matatandang babae o mga may bahay, sugal ng mga kalalakihan at sugal para sa lahat. Ang jueteng ay kabilang sa uri ng sugal na para sa lahat. Tinalakay rin nito ang kasaysayan ng sugal sa ating bansa. Ayon dito, bago dumating ang mga dayuhang mananakop sa bansa, iisa lang ang kinagigiliwang sugal ng mga Pilipino – ang karera ng kalabaw at hilahan nito. Hindi nagtagal ay itinigil rin nila umano ito sapagkat napagtanto nila na malaki ang naitutulong ng mga kalabaw sa kanilang pagsasaka. Nang dumating ang mga Kastila sa bansa, dala nila ang Kastilang baraha at sabong na kanilang pinalaganap sa buong kapuluan. Lalo pang lumaganap ang sugal noong panahon ng Amerikano. At noong ipataw ang Martial Law, nakabawas ito nang malaki sa paglaganap ng sugal sa bansa. Ngunit hindi pa rin tuluyang huminto ang pagsusugal ng mga Pilipino. Likas na nga raw sa ating mga Pilipino ang kahiligan sa pagsusugal.

Anatomiya ng Jueteng

Ang librong “The Anantomy of Gambling” na isinulat ni Ret. Police Director Wilfredo R. Reotutar ay tumatalakay sa iba’t ibang uri ng sugal – kung paano laruin ang mga ito, ang kayarian nito, mga kagamitang ginagamit sa mga sugal na ito at maging ang mga taong bumubuo rito. Tinalakay rin ng may-akda ang eksistensiya ng sugal, sistema ng pagtaya, mga argumento hinggil sa sugal, mga pangunahing simulain ng sugal at iba pa. Isa sa mga uri ng sugal na kaniyang tinalakay rito ay ang jueteng na kung saan marami siyang isiniwalat tungkol rito.

Inihayag niya sa librong ito na ang jueteng ay isang laro ng mga mahihirap at may-kayang pamilya. Na ang mga taong ito ang nagpapanatili sa operasyon ng jueteng. Sinabi rin niya rito na malaking bilang ng mga Pilipino ay nakadepende ang kabuhayan sa jueteng sapagkat wala na silang ibang paraan na alam na hanapbuhay maliban dito. Sila ay nagtatrabaho rito bilang mga cobrador, cabo, revisador, bolador at iba pa.

Isiniwalat niya ang nagaganap na dayaan sa jueteng. Bago pa man umpisahan ang bolahan, natignan na nang mabuti ang listahan ng mga taya at ang kombinasiyon na walang taya o di kaya ay may pinakamaliit na taya ang siyang karaniwang nananalo. Bihira lamang silang nagpapanalo ng malaking taya at gagawin lamang nila umano ito upang makahikayat ng mas marami pang mananaya.

Isiniwalat rin niya na 30 porsiyento ng kabuuang koleksyon sa operasyon ng jueteng ay napupunta sa “protection racket” nila. Ito ay kinabibilangan ng mga opisyales ng gobyerno at kapulisan, maging siya man ay nasa mataas o mababang posisyon. Binibigyan nila ang mga ito ng suhol upang hindi magambala ang operasyon ng jueteng. Kapalit ng suhol ay ang pagbibigay proteksyon sa mga ito.

Ang larawan o pigurang inyong nakita ay ang iskematikong balangkas o herarkiya ng jueteng na ginawa ni Divinia Galvez Partosa sa kanyang tesis na pinamagatan niyang “Perceived determinants of PNP effectiveness: with special reference to jueteng.” Ipinapakita rito ang ayos ng mga posisyon ng mga taong nasa likod ng operasyon ng jueteng mula sa pinakamababa hanggang pinakamataas na posisyon, kabilang na rin dito ang mga benepisyaryo nito.Hindi isinali ni Partosa ang simbahan sa mga benepisyaryo bilang isa sa mga limitasyon niya sa kaniyang pag-aaral.

Makikita natin na ang pinakamataas na posisyon sa jueteng ay ang gambling lord o ang tinatawag nilang banca o “financier”. Kapantay naman ng banca ang mga benepisyaryo o intelligencia nito sapagkat sila ang nagbibigay proteksiyon sa operasyon ng jueteng at tulad niya ay may mataas ding posisyon ngunit sa gobyerno naman ito. Sumunod naman ang coordinator o ang tinatawag nilang table manager o jueteng operator. Sa management naman, dito kasapi ang revisador, caha, watcher, at bolador. Sila ang karaniwang makikita sa mga bolahan. Ikalawa sa panghuli ay ang mga cabo na siyang pinagdadalhan ng mga cobrador ng kanilang buong koleksiyon ng taya sa isang araw. Ang cobrador ang pinakamababang posisyon sa opersayon ng jueteng.

Jueteng, Hueteng, Huweteng: Mulang bakuran hanggang Malacañang

Ito ay isinulat ni Roberto T. Añonuevo na kaniyang inilahok sa Sawikaan 2005 at siya ay nanalo. Naipagtanggol at napaninidigan niya na karapat-dapat na gawing salita ng taon ang jueteng, hueteng o huweteng.

Sa sanaysay na ito, inihayag ng manunulat ang mga ulat ng ilang samahan hinggil sa pinag-ugatan ng jueteng sa bansa. Ayon dito, noong 1995, iniulat ng Philippine Center for Investigative Journalism (PCIJ) at Institute for Popular Democracy (IPD) na ang jueteng o hueteng ay nanggaling umano sa bansang Tsina – ito ay dinala ng mga mangangalakal na Tsino sa ating bansa. Sinabi rin nila na nagmula sa wikang Amoy-Hokkien ang salitang hueteng – “hue” na ang kahulugan ay bulaklak ay “eng” o “teng” na ang ibig sabihin ay pusta o taya. Ayon naman kay Yeoh En-Lai ng The Straits Times, ang jueteng ay ipinakilala ng mga Espanyol sa bansa noong siglo 1800 at 1900 na pagkaraan ay kinontrol ng mga Tsino. Nagmula rin umano ang salitang jueteng sa salitang Espanyol na “juego” na ang kahulugan ay laro at dinugtungan ito ng panlaping “-ing.” Inihayag naman ni Añonuevo ang kaniyang palagay tungkol sa mga ulat na ito. Ayon sa kanya, ang mga ulat na ginawa ng PCIJ at IPD at ng The Straits Times ay maaaring totoo o may halong hula.

Nagbigay rin ng mga halimbawa ang manunulat sa gamit ng salitang jueteng. Ilan sa mga ito ay jueteng lord, juetengate, jueteng payola, jueteng blue book at jueteng country. Nagbigay rin siya ng panukala na ang ispeling na huweteng ang dapat gamitin at ipalaganap sa bansa.

Inihayag din niya ang halaga ng huweteng at kung bakit ito ang karapat-dapat na salita ng taon. Isinaad niya ang magagandang maidudulot nito sa ating bansa kung ito ay gagawing legal tulad ng pagbaba ng deficit sa badyet ng gobyerno, pagpapalakas ng “money laundering” at marami pang iba.Ayon pa sa kanya: “Panahon na upang litisin natin ang huweteng at ilagay ito sa karapat-dapat na pedestal.”

Nabanggit din ni Sixto Roxas sa kaniyang libro na “Juetengate: the parable of a nation in crisis” na ang jueteng umano ay dinala ng mga mangangalakal na Tsino sa bansa. Magkapareho sila ng pahayag ng PCIJ at IPD.

LAYUNIN

Nais malaman at maipakita ng mananaliksik ang katayuan ng isang cabo sa ating bansa gayon din ang jargon ng jueteng at ang mga dahilan kung bakit hindi ito maialis-alis sa ating lipunan upang lubos na maintindihan ang mga lengguwaheng ginagamit sa jueteng at kung bakit hindi ito lubusang nabubuwag sa bansa at upang lubos na maunawaan ang buhay, saya at pasakit ng isang cabo.

TEORETIKAL NA BALANGKAS

Ang mga paraan sa pagsasagawa ng operasyon ng jueteng dito sa ating bansa ay kinapapalooban ng isang malalim na sistemang panlipunan na kung saan ay makikita mo rito ang sikolohiyang Pilipino, isa na rito ang kaugalian nating mga Pilipino. Dahil dito, umabot nang ganito katagal ang eksistensiya ng jueteng sa bansa. Pumapasok dito ang mga katangian nating mga Pilipino na bawat sa atin ay may taglay na ganoong katangian.

Sa “Filipino Psychology in the Third World” ni Virgilio Enriquez, tinalakay niya rito ang Filipino values at paninindigan – ang pagkakaiba ng dalawa at ang mga halimbawa ng mga ito. Sa Filipino values, nakapaloob dito ang mga katangian tulad ng pakikisama, utang na loob at bayanihan. Kasama rin dito ang balato at kakugi. Sa paninindigan naman, makikita rito ang mga katangiang na mas malalim ang emosyonal na aspekto tulad ng paggalang at pagmamalasakit, pagtulong at pagdamay, pakikiramdam, pakikipagkapwa at iba pa. Ilan sa mga nabanggit na mga katangian o ugali ay naisasama at naisasagawa ng mga taong may kaugnayan sa jueteng.

Dahil sa malalim na ugnayan nating mga Pilipino sa isa’t isa, kung kaya’t itinuturing natin ang ating mga kakilala at kapitbahay sa ating komunidad ay parang mga kapatid na natin sila. Tignan na lang natin sa jueteng, sa paglikom pa lang ng mga cobrador ng mga taya sa bahay-bahay sa isang komunidad ay makikita na rito ang pakikipagkapwa. Bukas palad silang tinatanggap upang kunin sa mga mananaya ang kanilang mga taya. At bago matapos ang usapan sa pagitan ng mananaya at ng cobrador ay marami ng nakuhang tsismis sa kanya. Ganyan ang paraan ng ating pakikipagkapwa. Makikita rin natin dito ang pagmamalasakit ng mga Pilipino sa kanilang kapwa. Mayroon sa atin na kahit hindi talaga sila tumataya sa jueteng, nagbibigay pa rin sila ng kahit konting barya sa mga cobrador para pantaya dahil alam nila na ito na lamang ang ikinabubuhay ng mga ito. Kung nanalo naman ng malaki-laki, nagbibigay sila ng balato sa cobdrador o cabo at sa iba pa nitong kakilala bilang pasasalamat at pagbabahagi ng natamong biyaya.

Makikita rin natin dito na tiwala lamang talaga ang namamagitan sa cobrador, cabo at mananaya. Walang binibigay na resibo sa mga mananaya bilang patunay na sila nga ay tumaya. Ganyan kahigpit ang pagkabuklod-buklod ng mga tao sa isang komunidad. Kung walang pagtitiwala, hindi magtatagumpay ang opersayon ng jueteng. Kaya naman napakahalaga ang kredibiliad ng isang cabo o cobrador. Kung wala siya nito, walang mangangahas na tumaya sa kanya.

Pumapasok rin dito ang pagkakaroon ng diskarte ng mga Pilipino sa pagpili ng mga numero na kanilang ipantatayang kombinasiyon. Nariyang ibinabase nila ang numerong itataya sa mga may kaarawan, panaginip o di kaya ay sa cotejo. Kanya-kaniyang paraan kung paano makabubuo ng isang kombinasyon na magdudulot ng suwerte sa kanila.

Kung hindi marunong makipagkapwa ang mga taong may kaugnayan sa operasyon ng jueteng sa bansa, malamang hindi aabot ito sa kinatatayuan niya ngayon.

DEPINISIYON NG MGA TERMINO

Jargon. Ito ay lipon ng mga espesyal na lengguwahe o mga salita na ginagamit ng isang particular na grupo ng mga tao tulad ng mga dalubhasang manggagamot.

Jueteng. Ayon sa pakahulugan ni Reotutar sa kanyang libro na pinamagatang “Anatomy of Gambling”, ang jueteng ay isang laro na pinatatakbo ng mga numero na kung saan tatlumpo’t-pitong (37) numero ay isainasama o inihahalo sa isa pang pangkat ng tatlumpo’t-pito ring numero upang nakabuo ng iszng kombinasiyon ng dalawang numero o isang total ng 1369 (37 * 37) na kombinasiyon. Ang pinakamababang taya rito ay 25 centavos at ito ay umaabot hanggang isang daang piso bawat kombinasioyn. Ang jueteng ay isang uri ng sugal na labag sa batas o illegal na kung saan ang mga mananaya nito ay kabilang sa mga mahihirap at may-kayang pamilya. Tinatayang limampung milyong piso (P50 M) ang mga tayang nakokolekta o nasasamsam nila sa isang araw.

Cabo. Ang namamahala at nangangasiwa sa mga cobrador sa isang partikular na lugar na may operasiyon ng jueteng. Siya ang tagasamsam at tumatanggap ng mga nalikom na taya ng mga cobrador kasama na rin dito ang mga kopya ng mga listahan ng mga numerong tinayaan. Siya rin ang naggagarantiya na ang lahat ng mga patakaran ay sinusunod ng mga nasasakupan niyang cobrador. Siya rin ang nagpapataw ng kaukulang parusa sa sinumang cobrador na lalabag sa kanilang patakaran. Siya rin ang naghahanda ng listahan ng mga kombinasiyon na mayroong malaking taya na kanya namang ibibigay sa kanilang banca o financer upang makita kung aling kombinasiyon ang sisira sa kanilang bankroll.

Cobrador. Ang tagalikom ng mga kombinasiyon at taya ng mga mananaya sa jueteng sa pamamagitan ng paglilibot sa mga bahay-bahay. Ang isang cobrador ay maaaring isang tindera sa sari-sari store o bangketa, labandera, tambay o kung sinumang may kakayahang lumikom at patubuin ang mga taya para sa jueteng. Makikita mo siya na may dala-dalang mga papel at pluma na kung saan niya isinusulat o inililista ang mga indibidwal na kombinasiyon ng mga mananaya. Lahat ng kanyang listahan ay mayroong duplicate o kopya para sa mananaya at ang isa ay para sa kanya.

Table Manager/ Jueteng Operator. Ang namamahala ng mga operasyon sa isang malaking lugar o sa isang probinsiya. Lahat ng mga cabo at cobrador ay sa kanya kumukuha ng mga kautusan. Ang mga cabo ay direktang nag-uulat o nagsusumbong at nagbibigay-alam sa kanyang pansin sa mga malalaking taya ng mga kombinasiyon na maaaring sumira sa kanilang bangko. Tinitiyak rin niyang protektado ang interest ng banca upang hindi sila gambalain ng mga pulis o mga opisyales sa gobyerno. Siya ang tagatingin na ang kanilang racket sa proteksiyon ay patuloy na naisasagawa na ayon sa kanilang plano. Kung may problemang dumating, siya ang gumgawa ng paraan. Direkta siyang nag-uulat sa “financier” o banca.

Banca. Ang “financier” ng jueteng. Siya ang taga tustos sa lahat ng gastusin sa mga operasiyon ng jueteng sa isang lugar. Siya ay mayroong malaking “bank accounts” para may pantustos sa mga gastusin sa kanilang operasiyon at may pambayad sa mga napatamang mga kombinasiyon.

Intelligencia. Ang mga “jueteng protectors.” Ang mga kasapi rito ay maaaring isang opisyal sa gobyerno, kapulisan, barangay kapitan at iba pa. Sila ang nagbibigay proteksiyon sa mga operasyon ng jueteng kaya naman maayos na naisasagawa ang isang bolahan sa isang particular na lugar kahit na labag ito sa batas. Kapalit ng kanilang pagprotekta sa jueteng ay malaki nilang porsiyento rito.

Caha Ang tagahawak, tagatago, at tagatanggap ng lahat ng perang nakolekta ng mga cobrador mula sa mga mananaya nito sa isang lugar o lalawigan.

Revisador. Ang tagatsek o tagatingin kung may tumamang numero o wala sa listahan o papelitos. Siya rin ang tagabilang kung magkano ang naipasok na pera ng isang cabo. Tinitiyak rin niya na tama ang mga bayarin na nagawa sa mga operasyon ng jueteng.

Look-out/Watcher. Ang tagapagbantay sa labas ng isang lugar kung saan isinasagawa ang bolahan. Sila ang nagbibigay ng babala sa mga taong nasa loob kung may parating na mga pulis.

Bolador. Ang tagabola sa bolahan ng jueteng.

Pompiyang. Kung magkapareho ang lumabas na kombinasiyon. Halimbawa: 1-1,

4-4, 3-3.

Bastag. Kung ang tumama lamang sa iyong kombinasiyon ay isang numero lamang. Halimbawa: Ang kombinasiyong tinayaan mo ay 2-9 at ang lumabas naman ay 2-5. Ang numerong 2 lang ang naitama mo. Bastag ang tawag doon. Isosoli iyong kalahati ng iyong taya pag nangyari iyon. Pero sa ngayon, tinanggal na ang bastag.

Casas. Ito ang tawag sa tatlong numero hanggang anim na numero na nilagyan ng bracket na kung saan kapag ang lumabas na kombinasiyon ay mayroon doon sa bracket na iyon, tumama ka na.

Tumbok at Sahod. Ito ang dalawang parte ng isang taya. Ang tumbok ay ang taya ng isang mananaya para sa mismo o eksaktong ayos ng kaniyang kombinasiyon habang ang sahod naman ay ang taya kapag baliktad ang ayos ng lumabas na kombinasiyon kumpara sa kaniyang tinayaan. Halimbawa: Tinayaan mo ang kombinasiyon na 1-29 ng

Php15 at Php 5. Ang Php 15 ay iyon ang tumbok at ang sahod naman ay iyong Php5. Kung ang lumabas ay saktong 1-20, ang kikilalanin nilang taya ay ang Php15 pero kung 20-1 naman ang lumabas, ang kikilalaning taya ay ang Php5 dahil kabaliktaran ito ng iyong tinayaang kombinasiyon.

Cotejo. Isang papel na listahan ng mga numero o kombinasiyong lumabas noong mga nakaraang buwan o taon. Ginagawa itong basehan ng mga mananaya sa pagpili at pagbuo ng isang kombinasiyon.

Papelitos. Ito ang tawag sa papel na karaniwang hawak o bitbit ng mga cobrador kapag sila ay lumilibot sa mga kabahayan upang kumuha ng mga taya. Dito nila isinusulat ang mga kombinasiyon na tinayaan ng mga mananaya.

Bulilyo/Tambiyolo. Isang rattan basket na hugis bote o di kaya ay isang karaniwang bote na binalutan ng packing tape sa labas nito. Dito inilalagay ang bolitas upang kalugin.

Bolitas. Mga maliliit na bilog na may nakaukit na mga numero mula 1 hanggang 37 na inilalagay sa loob ng bulilyo o tambiyolo.

Jueteng Payola. Ayon kay Añonuevo, ito ay tumutukoy sa kita ng operasiyon ng jueteng sa bansa.

Jueteng Blue Book. Nakasulat dito ang mga pangalan ng mga taong sinusuhulan ng jueteng gaya ng barangay tanod at kapitan, konsehal, pulis at iba pa.

Jueteng Country. Ito ay tumutukoy sa lalawigan o bansang tinutustusan ang mga pangangailangan sa pamamagitan ng jueteng.

METODOLOHIYA

Dalawang metodolohiya ang ginamit ng mananaliksik. Ito ang pagsagawa ng isang panayam o interbyu at ang pananaliksik.

Sa kaniyang ginawang panayam. Medyo nahirapan siyang humanap ng taong makapapanayam sapagkat halos lahat ng mga taong may kaugnayan sa jueteng ay ilag ngayon dahil mainit ang isyu tungkol dito. Nangangamba sila na baka ito ay pakana lamng ng administrasyong Arroyo. Isang cabo na taga Hagoy-Bulacan ang kaniyang kinapanayam. Dalawang beses niya itong na-interbyu. Ang mga katanungan sa unang parte ng kaniyang panayam ay halos tungkol sa jueteng tulad ng kung paano ito laruin, ano ang kayarian nito, ang mga katawagan sa mga taong nagtatrabaho o may kaugnayan sa operasyon ng jueteng, paraan ng pagpili ng tamang kombinasiyon at maging ang jargon nito. Sa ikalawang parte ng panayam, ang mga katanungan ay mas personal. Dito ay inalam ng mananaliksik kung gaano kalaki ang naging epekto ng jueteng sa kaniyang buhay.

Nagsagawa rin uli ng simpleng panayam ang mananaliksik sa ilang kakilala upang malaman ang mga opinyon nila kung ano ang kanilang pagtingin sa jueteng at kung bakit hindi ito mamatay-matay sa ating lipunan. Kumuha siya ng opisyon sa isang pastor, mananaya ng jueteng at hindi mananaya. Ibinatay naman niya ang opinyon ng isang adminstrador ng jueteng tungkol dito sa kanyang panayam kay Manong TM at ng isang alagad ng batas sa libro ni Ret. Police Director Reotutar na “Anatomy of Gambling.”

Sa kanyang pananaliksik naman, ang mga datos na kaniyang nakuha ay nagmula sa mga artikulo o lathala sa mga peryodiko o dyaryo tulad ng Philippine Daily Inquirer. Kabayan at Manila Chronicle. Naghanap din siya ng mga impormasyong may kaugnayan sa jueteng sa Internet. Ilan sa mga websites na kaniyang napuntahan at napagkuhanan ay ang wikipedia, cyberdyaryo.com, at iba pa.

SAKLAW NG PAG-AARAL

Ilimita ang pagsusuri sa jueteng sa pagtunghay sa buhay ng isang cabo, sa pagsusuri sa jargon na ginagamit at sa pagtukoy sa mga dahilan kung bakit patuloy na nanunuot sa ating lipunan ang jueteng upang mas mabigyan-linaw at mas maunawaan ang mga nabanggit.

KAGYAT NA PAGSUSURI

Buhay ng Isang Cabo

Isa lamang si Manong TM sa mga cabo ng jueteng sa Hagonoy, Bulacan. Siya ay mayroong asawa at dalawang anak. Siya ay lumaki sa maykayang pamilya ngunit magmula ng mamatay ang kanilang ama, bumulusok paibaba ang kanilang kabuhayan. Bagama’t siya ay nakatungtong ng isang taon sa kolehiyo sa kursong electronics, nahirapan siyang kumuha ng trabaho. Marami siyang pinasukan gaya ng pagpiyon at pagtambak sa palaisdaan pero mas pinili niya ang maging isang cabo. Makikita natin dito na kahit may pinag-aralan ang isang tao, mahirap pa rin ang makakuha ng matinong trabaho. Upang mabuhay ang iyong pamilya, wala ka ng pinipiling trabaho – maging ito man ay mababang uri ng hanapbuhay o illegal.

Pitong taong namalagi si Manong TM sa jueteng bilang isang cabo. Noong nagsisimula pa lamang siya bilang cabo, nakatanggap agad siya ng panlalait mula sa kaniyang mga kapatid ngunit kalaunan ay natanggap na rin nila. Nakatanggap rin siya ng pangungutya sa iba ngunit ito ay kaniyang ipinagwalang bahala na lamang. Sa loob ng pitong taon na iyon, nakadepende ang buong kabuhayan nila sa jueteng. Umayos ang kanilang pamumuhay. Nakapagpatayo siya ng bahay at nabibili niya ang mga pang-araw-araw ng pangangailangan ng kaniyang pamilya. Natutulungan rin niya ang kanyang mga kapatid sa problemang pinansyal. Makikita dito na malaki ang naitulong ng jueteng sa kaniyang buhay. Ngunit ang masamang naidulot naman nito ay dito lamang sila dumedepende. Sa jueteng lang siya umaasa sa ipambubuhay sa kaniyang pamilya. Hindi na siya naghanap pa ng ibang hanapbuhay. Naging manhid na rin siya sa mga negatibong reaksiyon ng iba hinggil sa kaniyang pinasukang trabaho dahil ang mas mahalaga sa kanya ay may ipambubuhay siya sa kaniyang pamilya.

Sa aking pakikipagpanayam sa kanya, nakita ko na malaki talaga ang naging epekto ng jueteng sa kanya. Pinaninindigan niya ang pagsali sa larangan ng sugal na ito. Hindi niya ito ikinahiya at hindi pinagsisihan ang pagsali rito kahil ilang ulit na siyang nabilanggo dahil sa jueteng. Nakita ko rin sa kanya ang napakalaking pagpapahalaga niya sa kaniyang pamilya. Gagawin niya ang lahat alang-alang lamang sa mga ito kahit na malagay ang kaniyang buhay sa panganib. Kung maibabalik man ang jueteng, hindi magdadalawang-isip si Manong TM na sumapi muli rito at maging cabo uli. Napamahal na talaga sa kanya ang jueteng.

Nakita ko na kahit illegal ang trabaho ni Manong TM, mayroon pa rin siyang paninindigan at may prinsipiyo sa buhay. Mayroon pa rin siyang pakialam sa nangyayari sa ating bansa.

Ang Jargon ng Jueteng

Halos lahat ng jargon ng jueteng ay hinango sa wikang Espanyol. Naibigay na ng mananaliksik ang mga kahulugan ng jargon ng jueteng sa unang bahagi ng papel na ito. Ipapakita na lamang niya kung anu-anong mga Espanyol na salita ang hinango sa mga ito.

Ang cobrador ay salitang Espanyol na ang literal na kahulugan ay kolektor. Dito nila ibinatay ang pagtawag sa mga nagsasamsam o nangongolekta ng mga taya sa jueteng. Ang revisador naman ay nahango sa salitang Espanyol na revisar na ang kahulugan ay

“to check” o “to revise” kaya naman ang gawain ng isang revisador ay ang magtsek ng mga listahan ng taya.

Ang ibig sabihin naman ng cabo sa salitang Espanyol ay corporal na kung saan ito ang pinakamababang posisyon sa militar kaya naman ang cabo ang siyang may pinakamababang posisyon sa operasyon ng jueteng kung kapangyarihan ang pag-uusapan. Sa banca naman ay “banking” na ang ibig ipakahulugan nito na sa banca nga nagmumula ang perang ipinantutustos sa mga operasyon ng jueteng.

Ang salitang caha naman ay hinango sa salitang Espanyol na caja na ang kahulugan ay lalagyan ng pera kaya naman ang trabaho ng isang caha sa jueteng ay magtago ng mga nakolektang taya ng mga cobrador. Sa salitang cotejar naman hinango ang salitang cotejo ang ang ibig sabihin ay ikumpara kaya naman ginagawang basehan ng mga mananaya ang cotejo sa pagpili ng kombinasiyon.

Ang salitang pompiyang naman ay maaaring kinuha sa instrumentong “cymbals” na kadalasan ding tinatawag na pompiyang na kung saan isang pares ito nagkaparehong hugis at kayarian kaya naman ginawa nilang pompiyang ang tawag sa parehong lumabas na numero sa bolahan. Papelitos naman ang tinawag nila sa mga papel na pinagsusulutan

ng mga kobrador ng mga kombinasiyon na numero dahil ito ay binubuo ng maliliit na mga papel na pinagsasama tulad ng ispeling booklet.

Ang ibang mga jargon ng jueteng tulad ng bolitas, bulilyo o tambiyolo, bastag, casas, tumbok at sahod ay maaaring kinuha sa mga salitang kanto o di kaya sa iba pang wika.

Bakit ito popular?

Saan mang dako ng ating bansa, laganap ang jueteng. Ito ay mabentang-mabenta sa masang Pilipino at maging sa mga taong nagmula sa alta-sosyedad na pamilya. Saan ka man pumunta ay maririnig mo ang tungkol sa jueteng. Mayroong apat na dahilan kung bakit patok na patok ang jueteng sa mga Pilipino

Una, napakababa ang taya sa jueteng - mula Php0.50 pataas- kung ikukumpara ito sa ibang sugal tulad ng lotto. Ikalawa, madaling tumaya rito. Hindi mo na kailangan pang pumunta sa bayan at pumila ng pagkahaba-haba upang tumaya lamang. Sa jueteng, ito na mismo ang lalapit sa iyo sa katauhan ng mga cobrador na siyang pumupunta sa mga bahay-bahay upang kunin ang mga taya. Ikatlo, mas malaki ang tsansang manalo rito kumpara sa iba sapagkat tatlong beses sa isang araw kung magbola sa jueteng at ang posibilidad na ikaw ay manalo ay napakataas – 1369: 1 ang tsansa mong manalo – hindi tulad sa iba gaya ng lotto na napakalayo ang agwat ng ratio upang ikaw ay manalo. At panghuli, mabilis na makukuha ang napanaluhan sapagkat mismong ang cobrador na ang magdadala sa inyong bahay ang inyong premyo. Hindi mo na kailangan pa ng mga dokumento bilang patunay na ikaw nga ang nanalo.

Bakit hindi ito mamatay-matay?

Marami na ang nagtangkang pigilan ang paglaganap ng jueteng sa ating bansa. Marami ang naghangad na ito ay buwagin na. Ngunit patuloy pa rin itong nanunuot sa ating lipunan. Hindi pa rin ito maalis-alis ng ating pamahalaan at kapulisan. Bakit kaya?

Ang mga dahilan kung bakit patuloy na nanunuot sa ating lipunan ang jueteng ay: Una, ito ay sinusuportahan o tinatangkilik ng masang Pilipino. Hindi naman lingid sa ating kaalaman na ang pangkalahatang bilang ng populasyon ng ating bansa ay nagmumula sa masang Pilipino kaya naman kung kanilang tatangkilikin ang isang bagay, siguradong magtatagal ito sa lipunan tulad na lamang ng jueteng. Ikalawa, naging bahagi na ng buhay ng mga Pilipino ang jueteng. Halos ang kabuhayan ng masang Pilipino ay nakadepende sa jueteng tulad na lamang ng mga cobrador at cabo. Dito sila kumukuha ng ipambubuhay sa kanilang pamilya. Masyado nang malalim ang naging kaugnayan ng jueteng sa buhay ng mga Pilipino at mahirap na itong alisin tulad ng sakit na cancer.

Ikatlo, protektado ito ng mga may kapangyarihan tukad ng mga opisyal natin sa gobyerno, ang ating kapulisan at ang mga mayayamang negosyante ng bansa. Nabibigyan ng suhol ang mga ito upang hindi magambala ang operasyon ng jueteng. Nakakakuha ng malaking porsiyento ang mga negosyanteng ito sa pagbibigay ng kanilang mga shares sa jueteng sapagkat wala naman itong binabayaran na buwis. Kaya naman ang mga mayayaman ay lalong yumayaman at ang mahihirap ay lalong naghihirap. At panghuli, pagkakaroon ng mithiing ganap na magkaroon pa ng higit na karangyaan, kapangyarihan at pangalan sa lipunan. Ito ang ugali ng mga Pilipino na hindi maalis-alis. Ang hindi pagiging kontento sa mga bagay-bagay ba kaniyang tinatamasa. Mas naghahangad pa ng higit pa.

KONGKLUSIYON

Sa aking ginawang pagsusuri at pananaliksik, aking napagtanto na mahirap at delikado ang buhay ng isang cabo ngunit may kapalit naman ito – maayos na kabuhayan. Kung malaki ang naitulong sa iyo ng isang bagay, maging ito man ay galling sa mabuti o masama, hinding-hindi mo ito makakalimutan at hahanap-hanapin mo pa rin ito kahit wala na ito sa iyo.

Sa jargon naman ng jueteng, halos lahat ng mga ito ay hinango sa wikang Espanyol at binase nila ang gawain ng isang kasapi sa operasyon ng jueteng ayon sa kahulugan ng kanilang katawagan.

Hindi maialis-alis ang jueteng sa ating lipunan sapagkat ito ay naging bahagi na ng buhay ng bawat Pilipino. Naging bahagi na ito ng ating kultura at ng ating kasaysayan. Tila nga ito ay sakit na cancer na maaari mong mapigilan ng panandalian lamang ngunit patuloy pa rin itong papasok sa iyong sistema.


Apendiks A

Pakikipagpanayam (Interview)

Unang Parte:

ECL: Magandang hapon po sa inyo. Ako po si Edlyn Llanes, isang mag-aaral sa Unibersidad ng Pilipinas. Narito po ako ngayon upang kayo po ay aking kapanayamin tungkol po sa inyong naging buhay bilang isang kabo para po sa gagawin kong tesis. Ano po ang pangalan nila?

TM: Tawagin mo na lamang akong “TM.”

ECL: Manong TM, ilang taon po kayong naging cabo?

TM: Pitong taon.

ECL: Ilang taon po kayo noong nagsimula po kayong magcabo?

TM: Twenty-three.

ECL: Paano po kayo naging cabo? Nahikayat po ba kayo ng iba?

TM: Hindi naman. Ginusto ko iyon.

ECL: Ano po ang inyong dahilan at pinili niyo pong maging cabo?

TM: Malakas kasi kita riyan. Malakas ang kita sa jueteng.

ECL: Paano niyo po mailalarawan ang inyong buhay bilang isang cabo?

TM: Iyong mga ginagawa ko?

ECL: Opo.

TM: Tagasamsam ng mga nakolekta ng mga cobrador sa isang barrio. Iyon ay araw-araw, dalawang beses sa maghapon. Tapos dinadala ko sa bolahan ng jueteng.

ECL: Kayo po mismo ang nagdadala sa bolahan.

TM: Oo.

ECL: Nakakatulong poi to sa inyong pang-araw-araw na pamumuhay, di po ba?

TM: Siyempre!

ECL: Paano po?

TM: Iyong kinikita ko, iyon ang pinambibili namin ng kabuhayan. Minsan malakas, minsan mahina. Depende rin.

ECL: Ganoon po ba. Paano niyo po napapanatili ang pagtitiwala ng mga mananaya at cobrador sa inyo?

TM: Hayun, trust lang. Pagtitiwala. Pag may tumatama, ibibigay iyong saktong napanalunan. Ganoon.

ECL: Hindi niyo po lolokohin.

TM: Hayun, hindi lolokohin.

ECL: Anu-ano po ang mga pagsubok o problema na inyong kinaharap bilang isang cabo?

TM: Illegal iyan e. Hinuhuli ng batas. Siyempre, nagtatago. Ano pa ba? Minsan e… (long pause)

ECL: So, nahuli na po ba kayo?

TM: Madalas.

ECL: Pagkatapos niyo pong mahuli, anu po ang nangyayari sa inyo?

TM: Tinutubos ng banca.

ECL: Banca po? Ano o sino po iyon?

TM:Ito iyong banca ng jueteng. Financer.

ECL: Financer po. Di po ba, may mga particular na mga salita po kayong ginagamit sa jueteng? Mga katawagan. Mga salitang espanyol po yata iyon.

TM: Iyong cabo e espanyol iyon di ba. Iyong jueteng e. Parang wala na akong nakitang iba.

ECL: Sandali po. Iyon pong mga kakaibang salita na ginagamit niyo sa pagbobola. Tulad po ng pompiyang.

TM: Ah.. Iyong pompiyang e mga numero na parehong lumabas… Parehong uno, ganyan.

ECL: Anu pa po iyong ibang ninyong mga expression o katawagan sa jueteng? Mayroon po akong nasaliksik na ibang mga salita sa jueteng gaya po ng tombok at bastag? Ano po ang ibig sabihin ng mga ito?

TM: Iyong tombok, ibig sabihin kapag tinayaan mo kunwari iyong numerong 1-20 tapos ang tinaya mo ay P15.00 at P5.00. Itong tombok e mas malaki iyong taya mo sa itaas kaysa sa ibaba. Kaysa doon sa tumaya ng P20.00, diretso. Tombok, P15.00 –P5.00.

ECL: Para pong mas mataas iyong unang numero kaysa sa ikalawang numero.

TM: Hindi, ganito iyon. 1-20 ang mga numerong tinayaan mo. Nagbayad ka ng P15.00 at P5.00. Tombok iyong P15.00 at sahod naman iyong P5.00. Ganoon iyon.

ECL: So, pag nanalo po iyong numerong 1-20…

TM: Eh di tombok iyong P15.00.

ECL: Ah, iyong kinse pesos pong taya ang madadagdagan.

TM: Madodoble iyon… Iyon ang nanalong taya mo.

ECL: Ano pa po iyong ibang salita ninyo sa jueteng?

TM: Ano na iyong sinabi mong isa?

ECL:Bastag po.

TM: Bastag. Iyon iyong pag nakuha mo ung first digit na lumabas… kunwari 1-20… Nakuha mo lang eh iyong uno dahil ang lumabas eh 1-6. Kung beinte pesos ang tinaya mo, hayun sampung piso makukuha mo.

ECL: Kalahati po ng tinaya ninyo ang makukuha.

TM: Oo.

ECL: Ganoon po ba. Bastag po ang tawag nila kung ang lumabas lamang po e iyong iasng numerong tinayaan mo.

TM: Oo. Ngayon yata eh tinanggal na nila iyon. Inalis na nila ang bastag.

ECL: Eh iyon pong salod?

TM: Anong salod? Baka sahod.

ECL: Ah, sahod po pala. (Tawa)

TM: Iyong sinabi ko na kanina. Doon sa tombok at saka sahod.

ECL: Iyon pong tombok, iyon ung kinse pesos. Tapos po iyong sahod naman eh iyong limang piso.

TM: Iyon. . . Iyong nasa ilalim.

ECL: Ganoon po.

TM: Pag bumaligtad iuong lumabas na numero, kunwari 20-1, iyon ang talagang sahod.

ECL: Iyon pong taya ninyong limang piso ang tatama.

TM: Oo… Iyong kinse pesos ay hindi kasama kasi baligtad iyong numerong lumabas.

ECL: Ano pa po inyong iba? May natatandaan pa po ba kayo?

TM: Meron dooong tinatawag na . . . Pag tumaya ka ng 3 numero tapos may bracket… kunwari, 1-20-6. Iyan. Bracket iyon ng 9. Iyon ang tinatawag nilang “kasas.”

ECL: Casas po. Iyong tatlong numero?

TM: Tatlong numerong rumble. CASAS iyon.

ECL: By pair po ba iyon?

TM: Basta. KAhit apat na numero hanggang anim na numero. Basta magkakasama sila. Iyon ang tinatawag nilang Casas.

ECL: Magkakasama po sila.

TM: Oo. Pag natiyempuhan iyong dalawang numero doon sa bracket na iyon eh, tatama na iyon.

ECL: Consider na po iyong panalo.

TM: Oo. Pag tumama iyong 2 numero doon sa anim na numero sa bracket na tinayaan mo… panalo ka na.. KASAS ang tawag doon.

ECL: Mayroon pa po bang iba? ANo po iyong tawag ninyo sa mga maliliit na bola sa gingamit sa bolahan?

TM: Bulilyo.

ECL: Ano po?

TM: BU-LIL-YO. Iyon ay parang mga maliliit na kuwan… iyong parang sa bingo.

ECL: Ganoon po ba.

TM: Oo, maliliit pero bilog siya. Hindi iyong flat gaya ng bingo talaga. Tapos nilalagay iyon sa bote.

ECL: Kanit anong bote po?

TM: Hindi naman, iyong bote ng beer… Iyan. O kaya ay sa rattan na hinugis na parang bote.. Tsaka. . . Marami na kong nakalimutan. Matagal na kasi. Six years na kasi akong wala doon.

ECL: Umalis na po kayo roon. Iyong mga katawagan niyo po sa isa’t-isa? Iyon pong mga kasapi po sa jueteng mula po sa pinakamababa pataas po?

TM: Iyong cobrador. Iyon na ang pinakamababa. Kabo. . . Iyong mga tauhan naman ng jueteng. Rebisador. Table manager. Look-out. Marami diyan eh… Tsaka iyong pinakanamamahala sa buong cabo, sa buong lugar gaya dito sa Hagonoy.

ECL: Ano pong tawag niyo sa kanya?

TM: Tawag dito. Limot ko na eh. Iba naman iyong table manager. Siya naman ang namamahala sa mga rebisador.

ECL: Ano po ang ginagawa ng rebisador?

TM: Iyon ang nagrerebisa pag may nabola na. Tinitignan kung may tama o wala, kung may bastag.

ECL: Sila po iyong nagtsetsek kung may tumamang numero.

TM: Oo. Sila iyong nagkukwenta kung magkano ang naipapasok ng cabo.

ECL: Ano po ang pagkakaiba ng banca sa caha?

TM: Iyong caha, doon ibinibigy ng mga cabo iyong pera.

ECL: Eh ‘yong banca po?

TM: Iiyon ang financer. Siya iyong nagbibigay ng pera. Kung may tumama. Sa kanya kumukuha ng pera.

ECL: Ano naman po ang intelligencia?

TM: Ang intelligencia naman ay iyong napupunta sa mga government officials, pulis… iyong mga may connection sa jueteng.

ECL: Mayroon pa po ba kayong ibang katawagan o expression?

TM: Wala na akong maalala eh. Tagal na rin kasi. Maraming kuwan yang jueteng eh.

ECL: Ano po iyong procedure niyo sa pagbobola?

TM: Kami eh hindi naman nalalaman iyon. Mga bangka ang nakakaalam diyan. May tinatawag diyang program. Summary.. Iyong mga nagsusuma.

ECL: Alam niyo po ba ang history ng jueteng? Kung paano po nagsimula ang jueteng.

TM: Ang sabi ng mga matatanda eh, panahon pa ika ng Kastila may jueteng na rito. Laro iyon ng mga mahihirap. Kahit hindi rin mahihirap eh. Mga mayayaman naglalaro din eh.

ECL: Paano po iyong porsiyento sa jueteng?

TM: 10% sa cobrador. Kami, 5%. Meron din kaming allowance. Pamasahe. Pan-transportation. Pagsasamsamsam.

ECL: Ganoon po ba. Halimbawa po, ang taya ko po sa dalawang numero eh P15 at P5. Tapos po nakuha ko pareho po iyon…

TM: Isa lang iyon… Kung anong numero ang mauuna. Depende sa ayos ng numero.

ECL: Ok. Halimbawa po, tinayaan kop o iyong numerong 1-20 ng P15 at P5. Tapos lumabas nga po iyong 1-20. Magkano po ang makukuha ko?

TM: Mayroon kang P12,000.00 sa P15.00 na taya mo.

ECL: Paano po kung piso lang iyong taya ko?

TM: Pag piso, mga P800.00.

ECL: Iyon na po ang minimum?

TM: Hindi. May P400.00 din. Mula P400.00 hanggang P1000.00.

ECL: Paano po kung iyong isang numero lang po ang tumama sa tinayaan ko?

TM: Iyon nga ang tinatawag na bastag. Noong araw. Hindi na sinosoli sa mananaya ngayon iyon. Sa cobrador na iton. Noong araw yata eh, binabalik pag bastag, eh kasi naman dinodoble iyon ng bangka noong araw. Ngayon hindi na. Inalis na ngayon iyong bastag.

ECL: Ganoon po ba. Totoo po bang mga Chinese ang nagdala ng jueteng dito sa Pilipinas?

TM: Oo.. Chinese nga raw iyon.. Kaya nga, wala pa siguro iyong mga Kastila eh meron na dahil nga marami ng Chinese dito bago pa dumating iyong mga Kastila.

ECL: Alam niyo po ba kung paano at saan lumaganap ang jueteng?

TM: Ah… Noon kasi, barya-barya lang ang jueteng. Noong lumakas na iyan, nagkaroon na ng financer na malakas gaa ni Bong Pineda. Hayun. Nagkasosyo-sosyo na buong Philippines. Dumami na. Kaya lumaki ang jueteng.

ECL: Ganoon po ba.

TM: Noon, barya-barya lang talaga ang jueteng… Kada baryo lang iyon. Kung sino ang may gusto, iyon ang nagtataya.

ECL: Para pong pampalipas oras po nila iyon. Libangan po nila.

TM: Oo. Wala lang talaga ang jueteng noon. Barya-barya lang talaga noong araw. 50 centavos ang pinakamababang taya noon. Mahalaga pa ang pera roon.

ECL: Ganoon po ba. Tinataya niyo rin po ba ang inyong sariling buhay bilang isang cabo?

TM: Oo, iyon lang ang pag-asa namin. Minsan nakakadale ng malaki. Minsan maliit.

ECL: Dito na po nakasalalay ang inyong pamumuhay.

TM: Oo. Talagang diyan.

ECL: Wala na po kayong ibang pinangkakabuhayan?

TM: Wala na, iyan lang. Doon nakasalalay iyong araw-araw naming gastusin. Nagtaka nga ako noong naalis ang jueteng. Wala ng hanapbuhay. Maraming umaasa riyan eh.

ECL: Ganoon po ba. Doon na po talaga kayo nakadepende noon.

TM: Oo. Kahit na barya-barya lang ang labanan sa isang lugar gaya dito sa amin, dito sa Hagonoy. Minsan eh, iyong mga cobrador; kumukubra ng P100, P200. Ganyan.

ECL: Sa inyong bahay po, nagkakaroon po ba kayo ng alitan o away sa pagitan ng inyong pamilya dahil rito?

TM: Siyempre, hindi mawawala iyon sa isang bahay. Mga magkakapatid nag-aaway. Naghahamunan pa nga ng babag eh. May nagkakainggitan. Hindi talaga mawawala iyan.

ECL: Mayroon po bang nagtraydor sa inyo? Nagsumbong po sa mga pulis?

TM: Diyan lang sa traydor eh wala naman. Dahil alam naman ng mga tao na iyan lang ang ikinabubuhay mo eh.

ECL: Marunong po silang makisama.

TM: Oo. Iyon. Pakikisama.

ECL: Marunong po silang makipagkapwa.

TM: Oo. . . Oo. . . Iyon. Di tulad noong panahon ng mga Hapon. Iyong may nagtuturo.

ECL: Iyon pong may nakasuot na bayong sa ulo.

TM: Oo. (Tawa ng mahina.) Naging rebisador rin ako minsan. NAkikita ko kung iyong pagbola. Ipapasok iyong mga bolang 1-37 sa iasng bote. Iyon eh selyado ng tape. Packing tape.

ECL: Ah, tinatakpan po nila sa labas.

TM: Oo, para di Makita. Tapos kakalugin. Tapos iyong first ball, kukunin. Pagkatapos, ibabalik din iyon. Kakalugin uli. Kaya nga nagkakapompiyang eh. Pag iyon eh nakuha mo uli, pompiyang na iyon.

ECL: Eksaktong 1-37 lang po talaga ang binobola?

TM: 1-37 lang talaga iyon. Hindi na puwedeng dagdagan. Iyon na talaga ang regulasyon. Noon pa iyan eh.

ECL: Nagtataya rin po ba kayo sa jueteng?

TM: Oo. Mas malakas pa nga kaming tumaya kaysa sa regular ng mananaya.

ECL: Mas malakas po kayong tumaya.

TM: Oo.

ECL: Mas kabisado niyo po kung ano ang lalabas?

TM: Oo.. Kung anong numero ang masipag at tamad.

ECL: Ano po iyong tawag ninyo doon sa papel na naroon na po iyong mga winning numbers ng mga nakaraang buwan?

TM: Iyon ang programa ng lumabas. Iyon ang tinatawag na cotejo. Pag tinatanong ka nila na “May cotejo ka ba?” Iyon. Mga lumas na umero noong isang taon. Ganoon.

ECL: Kinocompute po nila iyon. Tinitignan po nila at ginagawang basehan?

TM: Oo. Ganoon. iyong computations naman kasi eh ganito. Kunwari lumabas eh 35. Dib a iyong 35, pag sumahin mo eh dib a 8. Ganun.

ECL: So, mag-isip ka lang po ng dalawang numero na pag pinag-add mo eh 8 po. Tulad po ng 1-7.

TM: Oo. Ganun nga. Puwede rin iyong 2-6.

ECL: Ok. Di po ba, kumukuha rin po iyong iba ng mga numero sa mga birthday, panaginip. . .

TM: Ah, iyong date o araw eh madalang lumalabas. Iyong petsa ng mga birthday. Kasi tatamaan ka ng malaki. Kunwari birthday mo ngayon, malakas kang tumaya. Mga P100 ang itataya mo. Madalang talgang lumabas iyong petsa ng birthday.

ECL: Iyong mga numerong katumbas ng mga bagay sa panaginip?

TM: DAti meron akong listahan niyan, may libro ako nyan kaya lang nawala an eh.

ECL: Sayang naman po.

TM: Oo. Sayang nga eh. Pahiram ko sana sa iyo. Nandun mga kuwan ng jueteng.

ECL: Maaari po ba kayong magbigay ng halimbawa. Tulad po nung ahas, ano po ang katumbas na numero po nun?

TM: 8 o di kaya ay 1. Kung bahay eh 34. Iyon namang babae, 9.

ECL: Lalake po ay?

TM: 10. . . Batang lalaki, 6.

ECL: Batang babae po?

TM: Iyon pa rin.

ECL: Pag may patay po ay?

TM: 29. . . 7 naman pag palakol o panaksak.

ECL: Memorize niyo po ba mula 1 hanggang 37?

TM: Hindi eh. Konti lang ang naalala ko.

ECL: Sige po. Ano po ang masasabi niyo sa nangyayari ngayon sa jueteng?

TM: Sa jueteng ngayon eh mukhang magulo. Tsaka, marami ng nakikialam. Maliit iyong kita nung nagpapakahirap tapos iyong hindi nagpapakahirap eh malaki.

ECL: Mga buwaya po sila.

TM: Oo, mga buwaya talaga.

ECL: Hehe.. So, nabubuhay na po ang pamilya niyo sa kinikita niyo sa isang araw?

TM: Oo, minsan P200. At hindi lang naman kasi iyon ang kikitain naming eh, Pag may naipatama ka, may balato ka siyempre.

ECL: Balato po.

TM: May porsiyento ka sa banca, iba pa dun sa tumama.

ECL: So, malaki-laki rin po pala talaga ang inyong kinikita. Araw-araw po bang may bolahan?

TM: Oo. Araw-araw. Kahit umuulan o bumabagyo. Minsan pag mahigpit, kung saan-saan bumobola. Kung di mahigpit, sa lugar talaga kung saan ginagawa araw-araw iyong bolahan.

ECL: Bilang panghuli po, kung may pagkakataon pong maibalik ang jueteng, magbabalik cabo po ba kayo?

TM: Sabagay, sa hirap kasi ng buhay ngayon. Malamang.

ECL: Kapit po kayo sa patalim.

TM: Oo, kapit sa patalim. Sa sobrang hirap ng buhay ngayon, walang hanapbuhay. Minsan meron, minsan wala. Sa jueteng, meron ka namang kita kada bola.

ECL: Sige po. Maraming maraming salamat po sa inyong pag-unlak sa aking interbyu. Salamat po. . .

TM: Walang anuman.

ECL; Salamat po.

Ikalawang Parte:

ECL: Magandang hapon po! Narito na naman po ako upang kayo ay aking kapanayamin muli. May mga katanungan pa po kasi akong hindi naitanong sa inyo. Manong, sa pitong taon po niyong naging cabo, maranasan niyo po bang magmahal?

TM: Siyempre. Sa pamilya.

ECL: So, naging inspirasyon niyo po ang inyong pamilya?

TM: Oo.

ECL: Mayroon na po ba kayong asawa noong kayo ay naging cabo?

TM: Meron na.

ECL: Ilan po ang anak ninyo?

TM: Dalawa lang.

ECL: Ano po ang naging reaksiyon ng inyong pamilya noong nagcabo po kayo?

TM: Ganito iyon. Doon sa side ng asawa ko eh wala, kasi iyon ang ikinabubuhay naming. Sa mga kapatid ko. sabi nila “Yan lang ba ang ibubuhay mo sa pamilya mo.”

ECL: Mga kapatid niyo po mismo?

TM: Oo. Noong una minamaliit nila ako pero noong banding huli eh, natanggap na rin nila. Sila pa nga ang pumipilit na sa akin eh. Malaki naman ang naitulong ko sa kanila sa pagiging cabo ko.

ECL: Bakit naman po ganun ang una nilang naging reaksiyon? Ano po ba ang kalagayan ng inyong pamumuhay bago po kayo naging cabo?

TM: Ganito iyon. Iyong tatay ko maagang namatay. Kaya naghirap kami. Pero dati, may kaya kami sa buhay. Ang tatay ko kasi eh tauhan ni Ramon Magsaysay. Namatay siya noong 1989. Kaya biglang bumagsak kabuhayan naming. Marami siyang pera pero iyong perang iyon ang ipinagpagamot namin sa kanya. Ayun hanggang siya ay mamatay.

ECL: Pang-ilan po ba kayo sa inyong magkakapatid?

TM: Pang-sampu.

ECL: Ang dami nyo po pala. So malaking dagok po talaga sa inyong pamilya ang pagkawala ng tatay ninyo.

TM: Oo, totoo iyon. Tapos bago ako pumasok sa jueteng, mag-aral pa ko ng electrical.

ECL: Lahat po ba kayong magkakapatid ay nakapagtapos ng pag-aaral?

TM: Tatlo lang kami na nakapagtapos ng pag-aaral sa high school. AKo lang sa cllege.

ECL: Saan po kayo nag-aral?

TM: Sa BCAT. Bulacan College of Arts and Trade. Iyong BSU na ngayon.

ECL: Ganoon po ba. Isa po pala kayong electrician. Nagamit niyo po ba ito?

TM: Oo naman.

ECL: Ano pa po iyong mga naunang trabaho po ninyo bago po kayo naging cabo?

TM: Nag-piyon ako. Tapos trabaho sa palaisdaan, nagtatambak. Sa dagat. Ginamit ko naman iyong pinag-aralan ko, para pambuhay sa pamilya ko. Kaya lanh, mahina rin iyon eh. Madalang. Dapat talaga eh professional ka. Hindi naman ako nagtapos ng kolehiyo eh.

ECL: Ilang taon po ba ang inabot ninyo?

ECL: 1 year lang. Hindi four years. Kung 2 years man lang o 3 years eh natapos ko, puewde na iyon. Mataas na ang puwesto doon eh. Pero 1 year laang ako eh. Kailangan kasi ngayon eh professional ka. Para sa mga maaayos na trabaho.

ECL: Oo nga po. Ilan taon po ba kayo noong mag-asawa kayo?

TM: 23.

ECL: So kakakasal niyo lang po noong naging cabo po kayo?

TM: Hindi. Tama pala. Para may pambuhay ako sa magiging pamilya ko.

ECL: Ganun po ba. Naikukuwento nyo po ba sa mga anak ninyo tungkol sa pagiging cabo niyo?

TM: Oo, alam nila. Kinukwento kasi ng misis ko.

ECL: Hindi naman po sila nagalit o ikinahiya po kayo?

TM: Hindi! Bakit naman sila magagalit o ikahiya ako?! Eh iyon ang pinambuhay kos a kanila.

ECL: Kasi po, di po ba mayroon po iyong iba eh ikinahihiya nila.

TM: Pag ginawa mo iyon eh, di wala ka talagang isip.

ECL: Walang utang na loob, ganun po ba?

TM: Oo. . . Oo. . .

ECL: So tanggap po nila?

TM: Oo, tanggap nila. Kahit siguro nakaw iyon eh, matatanggap nila. (Mahinang tawa.) Para lang mabuhay sila dib a.

ECL: So, naiintindihan po nila?

TM: Oo. Talagang mahirap ang buhay ngayon, walang sinabi noon. Dib a noong mga panahong iyon eh, P6.00 lang isang kilong bigas. Eh ngayon, magkano na? P23, P25.

ECL: Oo nga po. Talaga pong malaki ang naitulong sa inyo ng jueteng?

TM: Ah, oo. . . talagang malaki!

ECL: Napag-aaral niyo po ba ang mga anak ninyo ngayon?

TM: Oo. Fourth year na iyong panganay ko. Grade six naman iyong bunso.

ECL: Nag-aaral po sila pareho. Hindi naman po sila nahinto sa pag-aaral?

TM: Ah, hindi dahil iyong misis ko eh may trabaho rin naman. Nagkaroon din siya ng trabaho noong tumigil ako sa pagiging cabo. Nagtitinda siya sa Muñoz, sa Maynila.

ECL: Nagtutulungan po kayo. Eh noong cabo pa po kayo, nasa bahay lang po ba siya?

TM: Nasa bahay lang siya. Hindi puwedeng sabay kaming magtrabaho eh kasi walang magbabantay noon sa mga anak namin. Pero ngayon, dalawa na kami. Minsan, siya lang ang may trabaho. LA akong mahanap eh.

ECL: Ganun po ba. So, may balak po ba kaung pag-aralin hanggang kolehiyo ang inyong mga anak?

TM: Oo, pero iyong isa muna. Malayo pa naman iyong isa. Pag natapos na iyong panganay ko at may trabaho na siya, eh di pwede na siya ang magpa-aral sa kanyang kapatid.

ECL: Ganun po ba. May panahon po bang nag-away kayong mag-asawa dahil sa jueteng?

TM: Hindi. Dahil alam niya ang trabaho ko eh. Noon, medyo maunlad kami. Pero ngayon, talagang walang-wala kami. Di tulad noong nagjujueteng pa ako, talagang sunod ang gusto ng pamilya ko.

ECL: Mas maginhawa po ang inyong buhay noong cabo pa po kayo kaysa po ngayon?

TM: Oo, totoo iyon.

ECL: Ano po ang naging epekto ng jueteng sa inyong buhay?

TM: Iyon na nga. Naging maayos pamumuhay naming. Nakapagpagawa ako ng bahay.

ECL: Talaga po?

TM: Oo, totoo iyon. Nabuo ang bahay naming dahil sa jueteng.

ECL: Nabibili niyo po lahat ng gusto ng anak ninyo. Iyong luho po nila.

TM: Hindi naman. Kasi noong nagjujueteng pa alng ako eh iisa pa lang ang anak namin. Iyong pangalawa dumating after four years, noong 1993.

ECL: Kailan po ba kayo nag-umpisa bilang cabo?

TM: 1989 hanggang 1996.

ECL: Pitong taon nga po. May mga masasamang naidulot po ba ito sa inyo?

TM: Oo. iyon alng naging pananaw sa iyo ng tao. Na mababa ang pagtingin nila sa iyo. Pero hindi ko iniintindi iyon. Mas mahalaga iyong ikabubuhay ko ay ng pamilya ko.

ECL: Ganun po ba.

TM: Oo, mababa ang tingin nila sa iyo eh. Pero sa panahon ngayon, kahit na masama siguro eh, kahit illegal papasukin. Mabuhay lang ang kanilang mga pamilya.

ECL: Ano po ang inyong dahilan at tumigil po kayo sa pagiging cabo?

TM: Kasi noong panahong iyon eh, mainit. Araw-araw eh may hinuhuli sa jueteng. Kada araw eh napupunta sa munisipyo. (Mahinang tawa) Hinuhuli ka!

ECL: Kung papipiliin po kayo, iyong buhay niyo po noong mga panahong cabo pa po kayo o iyong buhay niyo po ngayon?

TM: Eh di noong cabo ako! Noon talaga eh kumikita kami ng maayos. Kaya lang illegal talaga iyan eh.

ECL: Pinagsisisihan niyo po ba ang pagiging cabo ninyo?

TM: Hindi! Bat ko namn pagsisisihan iyon eh doon kami nagkaroon ng kabuhayan.

ECL: Kahit po noong panahong nahuli po kayo?

TM: Oo! Kaya ko nga lang tinigilan iyon dahil nga araw-araw hinuhuli kami. Pero kung gugustuhin ko eh, kulob anong oras.

ECL: Sa pitong taon po ninyong naging cabo, ano pong karansan ang hndi ninyo makakalimutan?

TM: Marami. Iyong paghuli sa amin. Kada linggo, hinuhuli kami..

ECL: Iyong naging karanasan niyo po na maaari niyo pong ikuwento sa magiging apo niyo.

TM: Siyempre, pataasan na iyan. Iyong makapagpatama ka ng malaki. Gaya ng P80,000. Iyon.

ECL: So, karangalan po sa inyo ang makapagpatama lagi lalo na kung malaki..

TM: Oo.. malaki ang porsiyento ko nun. Proud ako dun..

ECL: So, hinahanap nyo pa rin po ba ang pagiging cabo ninyo?

TM: Oo naman! Kung maibabalik lang iyong dati, babalik ako. Talagang masarap maging cabo.

ECL: Marami po talaga itong naitulong sa inyo.

TM: Talaga! Marami… Kaya lang illegal iyan.

ECL: Panghuli pong katanungan, sa tingin niyo, sa pitong taon po niyong naging cabo, paano kayo nakatulong sa ekonimiya ng Pilipinas?

TM: Ay, wala. Sa mga pulis napupunta eh. Hindi sa gobyerno. Alang buwis dyan eh.. kaya nga illegal.

ECL: Wala po talaga?

TM: Ang naitulong ko lang eh nagbabayad ako ng buwis sa lupa ko at sa SSS.

ECL: Ganoon po ba. Sige po, maraming-maraming salamat po sa inyo.. Patnubayan po akyo ng Maykapal.. Good luck po sa inyo…

TM: Salamat…

Apendiks B

Mga Katanungan:

Ano ang iyong pagtingin o katayuan sa jueteng? Bakit hindi ito mamatay-matay?

“Ang jueteng ay isang sugal na illegal at tanging iilan lamang ang nakikinabang dito. Habang ang sugal na ito ay hindi napuputol dahil sa ang nakagisnan ng mga nagpapataya ay walangpakundangang nang-aabuso sa mga malillit para lamang sa kanilang pansariling kapakanan. Kung may mananalo ay kaunting porsiyento lamang.

Sa aking palagay kung bakit hindi namamatay-matay ang jueteng dito sa Pilipinas na ating nakikita araw-araw ay dahil sa mithiing ganap na yumaman at magkaroon pa ng higit na karangyaan, power at pangalan para manatili sa kapangyarihan gaya ni GMA. Naging palasak na ang jueteng dahil sa naging bahagi na ito ng buhay ng mga Pilipino.”

- Rev. Denman Osalla , United Methodist Church

“Ang jueteng ay ok lang para sa akin. Kung sinusuwerte, nanalo naman ako rito. Hindi ito mamatay-matay dahil may nakukuha itong proteksiyon mula sa mga pulis at sa mga opisyal sa gobyerno.“

- Marcelo Perez, isang mananaya

“Ang jueteng ay isang uri ng sugal na sa palagay ko ay bahagi na ng buhay ng masang Pilipino. Hindi na ito mamatay-matay sapagkat ang bawat operasyon ng jueteng sa ating bansa ay napoprotektahan ng mga opisyal ng pamahalaan at ng kapulunan – ng mga taong pinagkakatiwalaan natin upang magsanib puwersang pigilin ang pagpapatuloy ng ganitong kabalintunaan. Hangga't kumikita sila, asahan nating walang patutunguhan ang laban kontra jueteng. Hangga't nasa iyo ang kapangyarihan, nasa iyo ang alas.”

- Maria Carmela Torres, istudyante - hindi mananaya

Apendiks C

JUETENG, HUETENG, HUWETENG:Mulang Bakuran Hanggang Malacañang

ni Roberto T. Añonuevo

Sa lahat ng sugal sa Filipinas, wala na marahil makapapantay pa sa"jueteng" o "hueteng" o "huweteng." Lumaganap ang sugal na ito sabuong kapuluan nang mahabang panahon, at gaya ng elektrisidad ay gumapang mulang bahay hanggang pamayanan tungong Malacañang; atsinumang dapuan nito'y napaliliyab sa labis na tuwa o labis nalungkot, mula man sa pag-angat ng kabuhayan, paglawak ng kapangyarihan, pagkasira ng pamilya, o pagbagsak ng karangalan. Binurang huweteng ang hanggahang dating nagbubukod sa maykaya at mahirap, sababae at lalaki, sa matanda at bata, sa kriminal at awtoridad, sapormal na sugalan at di-pormal na sugalan, sa laki ng taya o liit ngtaya. Walang pinipiling lugar ang huweteng; at maidaraos iyon kahit sabakuran o sa gitna ng bukid o kung saan man matitiyak ang seguridad ngmga kabo, kobrador, at operator. Binago ng huweteng ang network ng mga ugnayan at balanse ngkapangyarihan sa lipunan. Ang mga kobrador ay kayang tumbasan anggahum ng konsehal o baranggay kapitan, at siyang higit na nakakilalasa mga tao doon sa mga sulok-sulok ng kalyehon at purok; ang mga kaboay waring mafiosi na makapagdidikta kung sino ang dapat manalo, atkung sino ang dapat balatuhang kandidatong politiko o kaya'y suhulan opataying kalaban, tiktik, o awtoridad; at ang "jueteng lord" aysukdulang sambahing gaya ng diyos na kayang magpamudmod ng biyaya samga karaniwang mamamayang karamihan ay dukha, o dili kaya'y magpaulanng salapi para sa mga heneral, artista, mambabatas, huwes, obispo, at maging sa pangulo ng bansa tuwing may halalan, kalamidad, piyesta,rali, at kung ano-ano pang pangyayaring nangangailangan ng salapi."Nang nagpapatayo ako ng simbahan sa Lungsod Lipa," sabi ni Arsobispo Gaudencio Rosales, "nakatanggap ako ng P150,00-P200,000 mula sa dalawang donor. Ngunit nang malaman kong galing iyon sa huweteng lord, kagyat kong ipinasauli ang pera." Malaking puwersa ang huweteng sa larangan ng pagnenegosyo, at ang mga kinikita nito'y walang buwis samantalang nakapagpupundar at nakapagpapalago pa ng mga galamay na negosyo ang operator na kaiinggitan ng mga kasapi ng Philippine Chamber of Commerce. Halimbawa, iniulat na sa Benguet ay nakalilikom ng P6 milyon bawat araw ang operasyon ng huweteng, at ang P1.5 milyon nito ay napupunta lamang sa payola. Ibinulgar naman ng Las Vegas Gambling Magazine, na ang isang lalawigan ay kayang makalikom ng P180 milyon kada buwan, at ang P45 milyon ay ginagamit na panuhol sa mga pambansa't lokal na opisyal ng gobyerno. Ang mga negosyong mula sa katas ng huweteng ay maituturing nang isang paraan ng lehitimisasyon ng isang bawal na laro, at pagkukubli ng lihim na operasyon sa likod ng lehitimong negosyong gaya ng restoran, tindahan, resort, real estate, at iba pa. Ang maruming operasyon ay naging pambihirang korporasyon na ang bawat empleado't kasapi ay nakikinabang sa mga salaping hinugot mula sa mga bulsa ng mga dukha't kulang-palad. Ang dating "masama" ay nagiging "mabuti" dahil sa epektibong paggamit ng mga kita, at diversipikasyon ng operasyong pansindikato. Higit sa lahat, ang huweteng ay nakapagbigay ng pangako ng panandaliang pag-alwan ng kabuhayan ng karaniwang mamamayan, samantalang tahimik na inaagnas ang bait, loob, at budhi ng mga tumataya at humahamig ng taya; at binubulok ang mga institusyong dating iginagalang ng bawat saray ng lipunan. Huweteng ang nagpabagsak kay Pang. Joseph Ejercito Estrada noong 2001, at ang parikala'y ang nag-akusa sa kaniya'y isang umaming dating jueteng lord at jueteng bagman sa Hilaga. Huweteng din ang nakaambang tabak sa leeg ni Pang. Gloria Macapagal Arroyo ngayong 2005, habang unti-unti nitong nginangasab ang natitirang reputasyon ng kaniyang esposo at anak na isa ring mambabatas sa Mababang Kapulungan. Ngunit sa kaso ni Pang. Arroyo, ang nag-aakusa sa kaniya ngayon ay isang obispo at walang kinalaman sa operasyon ng huweteng, bagkus ay kalaban pa nga nito. Malayo na ang narating ng huweteng na dating itinuturing na sugal ng masa, at siyang iniingusan ng mga manlalaro ng poker, sabong, mahjong,at iba pang libangan ng mayayaman.

Ugat ng Huweteng

Ayon sa ulat ng Philippine Center for Investigative Journalism (PCIJ) at Institute for Popular Democracy (IPD) noong 1995, nagmula umano ang "huweteng" sa Tsina, nang ipakilala ng mga mangangalakal na Tsino ang laro dito sa ating kapuluan, at lumaganap noong panahon ng pananakop ng Espanyol. Kauri daw ng huweteng ang larong ginagamitan ng mga numero sa mga pagdiriwang noong sinaunang Tsina. Hango umano ang "huweteng" ["hue" + "eng" o "teng"], at iniuugnay sa wikang Amoy-Hokkien. Ayon sa PCIJ, ang "hue" daw ay may literal na katumbas na "bulaklak" [flower], samantalang ang "eng" or "teng" ay katumbas daw ng "pusta" o "taya" [bet]. Kung sasangguni sa Dictionary of Chinese Character, ang transliterasyon ng "bulaklak" ay "hua" at hindi "hue"; samantalang ang "pusta" ay "du" na napakalayo sa "teng." Malapit naman ang transliterasyon ng "sugal" o "magsugal" [gamble] na ang katumbas sa wikang Tsino ay "quin," "quian," "shua," "du," at "bo."

Sa ulat naman ni Yeoh En-Lai ng The Straits Times noong 1 Enero 2001, ipinakilala umano ng mga Espanyol ang huweteng sa kapuluan noong siglo 1800 at unang bahagi ng siglo 1900; pagkaraan ay kinontrol ng mga dayong Tsinong pumasok dito sa bansa, bago pinangasiwaan ng mga local na populasyon. May ibang tagamasid namang nagsasabi na ang "huweteng" ay korupsiyon ng salitang Espanyol na "juego" at Tagalog na panlaping "-ing" o"-ng". Ang "huweteng" ay maiisip na magiliw na taguri o bulaklak ng dila hinggil sa isang bagay na ipinagbabawal ng awtoridad. Hindimalalayo ang "huweteng" sa malimit gawing pagpapalayaw noon ng mgaTagalog, gaya ng "Berting" (para sa "Roberto") o "Rosing" (para sa"Rosa" o "Rosanna") upang maging kaibig-ibig sa pandinig. Kung sasangguniin naman ang Diksyunaryo-Tesauro Pilipino-Ingles (1972) ni JoseVilla Panganiban, ang "huweteng" ay mula umano sa wikangTsino. Walang nakasaad na ugat na salita sa nasabing lahok.Ipinakahulugan ang huweteng na, "a numbers-pairing gambling (1-36) [sic]." Singkahulugan umano ng "huweteng" ang "wahoy." Mali ang pakahulugan ni Panganiban, dahil ang huweteng ay ginagamitan ng 1-37 na magkakasunod na numero. Para naman sa mga Bikolano, ang isa pang singkahulugan ng huweteng ay "baliktad" na popular na taguri ng mga taga-Oas, Albay, Bicol. Hindi naman malinaw ang pakahulugan ng Diksyunaryo ng Wikang Filipino (1989) hinggil sa huweteng. Heto ang lahok: "Sugal na ang pagkatalo ay sa numerong tinatayaan at upang tumama ay kailangang lumabas sa tambiyolo ang dalawang numerong magkatambal na tinayaan.--mag·hu·we·teng pd.--pag·hu·hu·we·teng png." Sa kasong United States vs. Rosauro Enrique, et. al. (G.R. No. 12710) na may petsang 6 Setyembre 1917, binanggit sa desisyon ng Korte Suprema na ang "hueteng" ay tinatawag ding "al cambio" [ang pagpapalit]. Pansinin na ang ispeling ng salita ay nagsisimula sa "h" at hindi "j," at wala ring paningit na "w" upang paghiwalayin ang kambal-patinig na "u" at "e". Maaaring may katotohanan--o may halong hula--ang mga ulat ng PCIJ, IPD, at The Straits Times hinggil sa pinagmulan talaga ng huweteng sa Filipinas. Balikan natin ang mga posibleng ugat ng huweteng. Ayon sa saliksik ni Allan Wickberg, nagsimulang magpadala ng mga galeón tungong Tsina ang pamahalang kolonyal noong 1758, imbes na hintayin ang mga sampan mulang Tsina. Noon kasi'y bawal maglayag tungong Tsina ang mga galeóng Espanyol. Binuksan din ang Maynilanoong 1789 para sa mga barkong Europeong di-Espanyol na may kargada ng mga kagamitang mula sa Asya. Simula iyon ng pagpapabilis ng kalakalan, na taliwas noong araw na mahigpit na nakasalalay ang kalakalan ng Filipinas sa pagdating ng mga sampan mulang Amoy at Chu'uan-chou sa Fukien. Nagpatuloy ang pagdagsa ng mga sampan mulang Amoy, habang ang mga galeón naman ng Espanyol ay pumasok doon sa Canton ngunit hindi sa Amoy. Nang makapasok ang barkong Hapones sa Filipinas, ang biyahe mulang Amoy tungong Filipinas ay halos tatlong araw lamang.

Noong 1800, pinaniniwalaan nang may pagkakahawig ang mga bumubuo ngkomunidad ng Tsinong dumaong sa Filipinas. Nakabatay ang inmigrasyon, ani Wickberg, sa paglalayag ng mga sampan mulang pook ng Ch'uan-chou o Amoy tungong Filipinas. Posibleng ang lahat ng inmigrante'y Hokkien mulang pook ng Amoy-Ch'uan-chou. Kakaunti rin ang mga Macanista—ang mga Tsinong taga-Macao--dito sa Filipinas, at hindi nakihalubilo sa ibang Tsino. Noong dekada 1890, ang halaga ng inmigrasyon ng isang tao mulang Amoy o Hong Kong ay katumbas lamang ng 50 piso. Gaano nga ba kalaki ang populasyon ng Tsino para makapaghasik dito ng huweteng noong siglo 1900? Noong kalagitnaan ng 1840, ayon kay Wickberg, iniulat na 5,736 lamang ang Tsino sa Filipinas; at katumbas lamang iyon ng 0.14 porsiyento ng kabuuang populasyon ng Filipinas. Sacensus noong 1903, may 41,035 Tsino (1+ porsiyento) sa kabuuang 7,635,426 populasyon ng Filipinas. Ngunit may ibang nagtaya naman na umaabot ng 90,000-120,000 ang populasyon ng Tsino sa Filipinas noong 1880-1890, at katumbas ng 2 porsiyento ng kabuuang populasyon ngFilipinas. Posibleng nagmula nga sa Amoy-Ch'uan-chou ang salitang "hueteng" kung ibabatay sa daloy ng inmigrasyon at pinag-ugatang salita. Gayunman, kaduda-duda ang ulat ng PCIJ at IPD na namukadkad ang huweteng noong pananakop ng Espanyol, dahil sa sumusunod. Una, mababa ang populasyon ng Tsino sa Filipinas mulang 1700 hanggang 1900 siglo. Ikalawa, may namumuong sentimiyentong kontra-Tsino noong siglo 1900. Ikatlo, may himagsikan noon laban sa Espanyol (at Amerikano) kaya imposibleng mapalaganap ang huweteng sa sitwasyong walang seguridad ang mananaya, kobrador, at kabo. Ikaapat, kung nagsusugal man ang mga Tagalog, pansin nga ni Wickberg, ay hindi upang magpayaman kundi para aliwin ang sarili. Ikalima, walang organisadong pangkat ng mga tao ang nagtuon sa sugal; sa halip, mas pinagtuonan ang pagbubunsod ng himagsikan ng mga anakpawis o ng rebolusyon ng mga ilustrado-prinsipales. Subalit gaano nga ba katindi ang impluwensiya ng Tsino upangmapalaganap nito ang huweteng? Kung sasangguni naman sa saliksik ni Greg Bankoff, ang mga Tsinong pumasok sa Filipinas noong siglo 1900 ay "mga bantog na sugarol" na pinuna dahil sa masama nilang impluwensiya sa ibang tao. Kung ang mgan Indio [Tagalog] raw ay nagsusugal upang maglibang, ang mga Tsino naman ay sugapa sa sugal. Isinusugal umano ng mga Tsino hindi lamang ang sariling pag-aari, kundi kahit ang puhunan ng ibang tao. Gayunman, walang binanggit si Bankoff hinggil sa "huweteng" na sinasabing nagmula saTsino. Samantala'y dapat ding banggitin na hindi lamang pangmayaman ang sugal. Lahat ng uri ng tao ay makikita sa sugalan, ani Bankoff, babae man o lalaki mula sa iba't ibang saray ng lipunan.

Noong siglo 1900, ani Bankoff, ang mga popular na sugal ay "sabong," "panggingge," "monte," at "sakla." Maynila ang sentro ng sugalan; at ang goyernong kolonyal ay nagpalabas pa ng kautusang nagbabawal sa anumang uri ng sugal. Sulat nga ni Gob. Hen. Andrés Garcia Camba noong7 Marso 1838, na nagiging maantak na "kanser ng lipunan" ang sugal na "sumisira ng pamilya, humihikayat ng katamaran, bumabali ng pananampalataya, at bumubulok sa moral ng mga tao." Maliban sa sabong, pawang ginaganap sa loob ng bahay ang nasabing mga sugal na kinahumalingan ng mga babae. Pinakamatindi ang sabong noon at itinuring na larong panlalaki, dahil halos lahat ng bayan ay may sabungan at tupada. Anumang sapad na lupain at malayo sa mata ng awtoridad na Espanyol ay maaari nang pagdausan ng sabong. Pinakamalaganap ang sugalan sa Maynila noong 1880-1881. Ngunit sa nasabi ring panahon, wala ni isang banggit lamang sa "jueteng," "hueteng," o "huweteng" na sinalakay ng mga guwardiya sibil; o kaya'y mga Indio o Tsinong ipinabilanggo dahil sa pagsusugal niyon. Sa ganitong kaligiran, masasabing malikhaing kabulaanan ang ulat ng The traits Times hinggil sa pinagmulan ng huweteng sa Filipinas. Maging sa mga tulang Tagalog na nalathala noong 1900, wala ni isang banggit sa huweteng. Pagsapit lamang ng siglo 2000 papansinin anghuweteng sa mga panitikan, partikular sa tula. Higit na popular ang "panggingge" kaysa "huweteng." Noong 1912, isinerye pa nga sa Renacimiento Filipino ang tulang "Ang Pangginggera" ni Lope K. Santos, na isang pagbanat sa pag-iral ng sugal at sa epektong idinudulot nito sa tao, pamilya, at lipunan. Ilan sa mga sugal na binanggit sa tula ang "ripa," "poso-poso," "monte," "silolang," "huweteng," at "sabong." Mababanggit ang saknong 266 ng "Pangginggera":

Si Pulis ang siyang naging kabisilya sa pagpapasuhol ng mga kasama: kaya't nagdamihan ang monte, silolang, h'weteng at tupada, ang hari'y tamb'yolo, manok at baraha.

Ang masasabing ikalawang makabuluhang banggit sa "huweteng" sa tula ay matatagpuan sa "Iba ang Salapi" (Pagkakaisa, 1929?) ni Benigno Ramos, at halos nasa dekada 1930 na! Inilahad sa tula kung bakit ang "hamak na konsehal" ay kumikita nang limpak na salapi, gayong mababa namanang sahod. Saad nga ng ikatlong saknong:

Ako ay may sahod sa mga kabaretmerong sa sabungan, sa huweteng, kubit,sa sugal, sa bahay ng babaeng 'pungit'na kung tutuusi'y maraming Panukbit. Mahahalatang iba na ang sitwasyon ng "huweteng" mulang tula ni L.K. Santos hanggang tula ni Ramos. Sa tula ni Ramos, ang huweteng ay nakapagbibigay na ng payola sa mga politiko. Mahihinuha na ang larong huweteng ay hindi talaga sineseryoso noon, kung ihahambing sa ngayon. Ang unang-unang pinakamalinaw na paglalarawan sa "hueteng" [sic] ay matatagpuan sa kasong The United States vs. Santiago Palma, et. al. (G.R. No. 2188) na may petsang 5 Mayo 1905, nang pawalan ng bisa ng Korte Suprema ang hatol ng mababang hukuman kina Santiago Palma, Francisco Palma, at sa 26 tao nanasasakdal sa huweteng. Ayon sa tala ng pangyayari, inihabla ngpaglabag sa artikulo 343 ng Kodigo Penal, pagkaraan ay napatunayangnagkasala, si Santiago Palma dahil siya ang may-ari ngbahay-pasugalan, at si Francisco Palma dahil siya ay manlalaro ng huweteng, kasama ang 26 tao. Hindi pinaniwalaan ng mga hukom ang mga paratang, at nakalaya ang mga nasasakdal. Inilarawan sa nasabing kaso ang laro ng huweteng, at heto ang malayang salin:

May tatlumpu't pitong bolitas na may sunod-sunod na numero mulang 1 hanggang 37. Ang mga tao na itinalang kobrador sa libro ng kabo ay magbabahay-bahay upang mangalap ng taya. Ang mananaya ay hinihiling na isaad niya sa kobrador ang ibig tayaang numero; pagkaraan, isusulat ng kobrador ang pangalan ng mananaya, ang numerong tinayaan, at ang halaga ng taya at ibabalik naman sa mananaya ang isang papel na nakatala doon ang tayang may sulat-lapis. Matapos ang koleksiyon ng mga taya, magtutungo ang mga kobrador sa bahay ng kabo ay ibibigay sa kaniya ang mga salaping nakalap. Ipapahayag naman ng kabo sa publiko na may tatlumpu't pitong numero lamang, at [isa-isa niyang] ipapasok ang mga ito sa sisidlan [i.e., tambiyolo]. Ang nasabing sisidlan—na kung minsan ay hugis-bote, at ang iba naman ay gaya ng boteng may mahabang leeg--ay aalugin, ang numero o bolitas na mabubunot ay magwawagi ng premyo.

Isang siglo na ang lumipas ngunit halos walang nabago sa sinaunang sistema ng huweteng noong 1905 kompara ngayong 2005. May 1,369 kombinasyon pa rin ng mga numero upang tumama, gaya ng dati. Noon, napakaportabol ng huweteng na maaaring laruin saanmang lugar, at hindi nakadepende sa isang bahay o silid. Ngayon, umiiral pa rin ang gayong sistema lalo't may tip na sasalakayin ng mga pulis ang pinagbobolahan ng huweteng, halimbawa sa isang lalawigan. Kung may pagkakaiba man sa huweteng noong 1905 kompara sa huweteng ngayong 2005 ay higit na malawak ang network ng huweteng ngayon. Mas marami ngayon ang kobrador at dumami ang kabo; lumaki ang kita, dumami ang taya o tumataya kahitmay implasyon, at lalong lumaki ang suhol sa mga lokal na opisyal ng gobyerno, sa mga pulis at provincial commander, sa mga mamamahayag at pari, at sa iba pang tao o organisasyon. Ang piso ngayon--na halos wala nang halaga kompara noon--ay maaaring tumama ng P800-P1,000. Sa isang munisipalidad lamang, ayon sa PCIJ at IPD, ay maaaring makakuha na P160,000-P200,000 taya kada araw. Kung pagsasama-samahin naman ang mga kita mula sa huweteng sa buong bansa, aabot ng bilyong halaga iyon sa loob ng isang taon at kaya nang makapagsulong ng makabuluhang mga pagawaing-bayan, gaya ng tulay, gusali, kalye, at patubig; at makapagbigay ng serbisyo publiko, gaya sa kalusugan, seguridad, at edukasyon. Ang iba pang katangian ng huweteng na nakahalina sa madla ay ang halagahang gaya ng "pakikipagkapuwa," "pagtitiwala," "pagkilala," at "kabutihang-loob." Nakaatang sa mga kobrador at kabo ang pagpapalalim ng gayong ugnayan sa mga pamayanan. Sa panig ng mga mananaya, ang huweteng ay tulay upang makipagbalitaan o sumagap ng tsismis. Huweteng din ang nakahihikayat sa kanila upang pakinggan ang kanilang "kutob" at alamin ang kapalaran sa panaginip o sa signos ng panahon o sa pahiwatig ng unga ng kalabaw o huni ng ibon. Sa maikli't salita, huweteng ang magtuturo ng diskarte ng tao.

Marami pang aspekto ang huweteng. Kung ilalahad dito iyon ay tiyak na makabubuo ng isang makapal na aklat.

Gamit ng Salita

Walang pagkakaisa kahit sa midya o sa hanay ng mga manunulat kung ano ba talaga ang ispeling ng hayop na ito. "Jueteng" ba o "hueteng" o "huweteng"? Sa mga akdang nasusulat sa Ingles, kapansin-pansin ang pagpili sa "jueteng" samantalang ang "huweteng" ay karaniwang ginagamit sa Tagalog o Filipino. Halimbawa, sa Google, ang "jueteng" ay may 44,800 lahok (pulos Ingles); ang "hueteng" ay may 332 lahok (Ingles at Filipino); at ang "huweteng" ay 212 lahok lamang (Taglish at Filipino). Kung sasangguniin naman ang mga lumang teksto, lalo ang mga hatol ng Korte Suprema, noong unang hati ng siglo 2000, pinaboran ang ispeling ng "hueteng" o "hueting." Ngunit sa iba namang nakaiintindi ng pagbaybay sa Tagalog, ang "jueteng" at "hueteng" ay may tatlong pantig: "hu-we-teng" at hindi "we-teng." Sa ispeling na "huweteng"--na bagaman mababanaagan ang impluwensiya ng Tsino at Espanyol--ay binubura ang hanggahan ng panghihiram, at masasabing ganap nang inangkin ng Filipino ang salita, sa anyo man o sa pagbaybay. Ang ispeling na "huweteng" ang panukala kong dapat gamitin at palaganapin ngayon sa bansa.

May kasabihan noon ang mga Tagalog, at naitala pa nga ni Flavio Guerrero noong 1939: Ang lumalaro ng huweteng ay nagdidildil ng asin. Sablay ang sukat ng salawikain dahil may siyam na pantig ang unang taludtod, samantalang walong pantig naman ang ikalawa. Hindi kaya ang "huweteng" dito'y may ispeling ng "hueteng" at binibigkas ng "weteng"? Posible. Ano't anuman, mababatid sa nasabing halimbawa na ang huwetengay isang sugal. Magkakaroon pa ng mga kapatid na salita ang"huweteng," gaya ng sumusunod:

1. Jueteng Lord. Ginagamit itong pangngalan, at tumutukoy sa pinakamataas na tao sa herarkiya ng operasyon ng huweteng. Halimbawa: Si Chavit Singson at si Bong Pineda ay pawang jueteng lord daw sa kani-kaniyang lalawigan.

2. Anak ng Huweteng. Ginagamit itong bulaklak ng dila, at nagpapahiwatig ng pagmumura ngunit hindi kasingtindi ng "Putang Ina Mo!" o "Anak ka ng Puta." Sa literal na pakahulugan, tumutukoy din ito sa mga batang ang mga magulang ay kobrador, kabo, at huweteng operator.

3. Juetengate. Ginagad mula sa "Watergate" na nagpabagsak kay Pang. Richard Nixon, at ginagamit na pangngalan. Tumutukoy ito sa malawakang kaso ng pagtanggap ng suhol mula sa huweteng at sangkot ang pangulo ng bansa. Halimbawa, "Si Pang. Estrada ay nasangkot sa eskandalong juetengate na kinasangkutan din ni Pang. Arroyo.

4. Jueteng Payola. Ginagamit itong pangngalan, halimbawa, "Nakatanggap ba ng jueteng payola si Mikee Arroyo?" o kaya'y "Ibinulgar ni Sandra Cam na umaabot hanggang Malacañang ang jueteng payola."

5. Huweteng Intelihensiya. Ginagamit na pangngalan, tumutukoy ito sa suhol sa mga opisyal ng gobyerno. Maihahalimbawa ang sipi kay Roilo Golez sa isang interbiyu: "Noong 1995, tinatayang P2.5 bilyon mula sa huweteng ang napupunta sa intelihensiya [i.e., suhol] kada taon."

6. Juwetsing. Ayon sa Mga Salitang Homosekswal (2004) na inilathala ng Komisyon sa Wikang Filipino, ang "juwetsing" ay pangngalan at katumbas ng "puwit." Hindi lamang tinukoy sa lahok kung halaw o hango ba iyon sa "jueteng" o "huweteng" na napakalapit ng ispeling.

7. Jueteng Blue Book. Tumutukoy ito sa talaang gaya sa logbook at nagtataglay ng mga pangalan ng mga tao na sinusuhulan, gaya ng tanod, baranggay kapitan, konsehal, alkalde, gobernador, pulis, at militar.

8. Jueteng Operator. Tumutukoy sa tao na nagpapatakbo ng huweteng sa isang lalawigan, lungsod, o baranggay, at maaaring siya'y nasa ilalim ng jueteng lord. Halimbawa, "Si Fred Santos ang jueteng operator sa aming lalawigan."

9. Jueteng King. Unang taguri kay Luis Sane, na tinatawag ding Sualoy, at siyang nakapagpatakbo ng huweteng sa Iloilo noong 1929 nang di-alintana ang pagsalakay ng pulisya. Ayon sa Phoenix: The Saga of the Lopez Family ni Raul Rodrigo, sinuhulan ni Luis ang mga lokal na opisyal ng pamahalaan, gayundin ang mga pulis at sundalo, at dumungis sa pangalan ni Gob. Don Mariano Arroyo ng Iloilo at pinatalsik sa poder noong 1930. Si Don Mariano ang lolo ni Jose Miguel Arroyo. Ang trahedya ni Don Mariano ay mauulit na tila karma sa buhay ng magkapatid na Jose Miguel at Jose Ignacio Arroyo, kasama si Mikee Arroyo na anak ni Jose Miguel. "Jueteng king" ang bansag ni Gob. Chavit Singson kay Pangulong Estrada, na tinanggihan nito, at nagsabi pang, "Si Chavit naman talaga ang jueteng king sa Ilocandia." 10. Maghuweteng. Ginagamit itong pandiwa, at nagsasaad ng pagkilos o kundi'y pautos na himig. Halimbawa, "Maghuweteng ka naman nang ikaw ay yumaman" o kaya'y "Huwag ka nang maghuweteng at baka maubos ang suweldo mo!" o "Naghuweteng ka na ba?"

11. Jueteng Country. Ginagamit na pangngalan, tumutukoy sa lalawigan o bansang tinutustusan ang mga pangangailangan sa pamamagitan ng huweteng. Halimbawa, "Jueteng country pala ang Pampanga!"

12. Jueteng Republic. Hindi nalalayo ito sa mapang-uyam na taguring "Banana Republic," at ginamit na pamagat ni Sheila S. Coronel sa kaniyang artikulo. Tumutukoy ang "Jueteng Republic" sa buong bansang pinaiikot ng aparato ng huweteng na malaganap ang mga ugat sa iba't ibang saray ng lipunan. Halimbawa nito ang pangungusap na, "Maunlad ang Jueteng Republic dahil sa tangkilik ng gaya ni Gob. Raul Lee." Ilan lamang ang mga obserbasyon sa itaas hinggil sa nagbabagong anyo ng huweteng sa ating panahon.

Halaga ng Huweteng

Sa aking palagay, "huweteng" ang salita ng taon dahil malaki ang kinalaman nito sa ekonomiya ng bansa. Kung gagawing legal ang huweteng, marahil hindi na mahihirapan pa ang BIR sa pangongolekta ng buwis. Bababa ang deficit sa badyet ng gobyerno. Huweteng ang magpapalakas ng "money laundering." Huweteng ang makatutulong sa reeleksiyon ng baranggay kapitan, konsehal, bise-alkalde at alkalde, gobernador, konggresman, senador, at maging ng pangulo ng Filipinas.Huweteng ang makatutulong sa pagbabago ng Saligang Batas at anyo ng amahalaan. Huweteng ang makapagbibigay ng sapat na suweldo sa mga pulis at sundalo. Huweteng ang makapagtutustos sa pangangailangang medikal ng mga dukha, mangmang, at mahina. Huweteng ang makapagpapaaral sa mga estudyanteng napilitang huminto dahil sa kahirapan. Huweteng ang makapagpapatayo ng simbahan para makapagdasal ang mga debotong gaya ni Cory Aquino. Huweteng ang makapagpapasaya ng taunang pista sa malalayong baryo. Huweteng ang magpapasikat sa Filipinas, at maaaring ipasa pa nito ang kaalaman sa operasyon ng huweteng doon sa iba pang bansang ibig mabuhay sa sugal. Huweteng ang magpapanumbalik ng mga taal na halagahang gaya ng "pagtitiwala" at "pakikipagkapuwa" sa panahong ang indibiwalismo ang namamayani sa bansa. Kaya huwag mangamba kung tawagin tayong mga magulang ng huweteng, at ang ating mga anak ay tawaging "anak ng huweteng." Ano ang masama roon? Di ba ay hindi naman tayo pumapalag kapag uyamin tayo sa pagiging Republika ng Huweteng? Walang pasubaling "huweteng" ang salita ngayong taon. Marahil, pagbabayaran nang malaki ng bayan kung isasantabi o aalisin ang "huweteng" sa ating mga diksiyonaryo at tesauro ngayon. Isang siglo na ang lumipas nang pag-usapan ang kaso ng huweteng sa Korte Suprema. Panahon na upang litisin natin ang huweteng, at ilagay ito sa karapat-dapat na pedestal.

ANG MAY-AKDA

Si Roberto T. Añonuevo ay makata, manunulat, at editor na may tatlong aklat ng tula, at nakapag-edit ng mahigit 20 aklat hinggil sa panitikan.

Bibliograpiya:

Reotutar, Wilfredo R. The Anatomy of Gambling. Quezon City: Programs Enterprises, 1995.

Enriquez, Virgilio G. Pagkataong Pilipino.”Ang mga Sugal na Laganap sa Pilipinas at ang mga epekto nito sa Tao ni Ursula V. San Pablo.” 1975.

Roxas, Sixto K. Juetengate: the parable of a nation in crisis. Makati City: Bancom Foundation, c2000.

Partosa, Divinia Galvez. Perceived determinants of PNP effectiveness: with special reference to jueteng.1999

Adriano, Fermin. “Sociology of Jueteng.” Manila Chronicle. August 12, 1992.

Orejas, Tonette. “Jueteng poor man, rich man's passion.” Philippine Daily Inquirer. June 20, 2000.

Bordado, Gabriel Hidalgo. “The politics of jueteng.” Philippine Daily Inquirer. November 20, 1992.

Rullan, Mercedes. “Anatomiya ng Jueteng sa RP, isang paglalahad.” Kabayan. December 12 – 13, 2000.

cyberdyaryo.com

wikipedia.com

3 Comments:

  • magpost naman kayo ng mga numero katumbas sa panaginip tulad ng sa jueteng. Pansin ko pwede rin ito gamitin sa pagpili ng numero sa lotto. Halimbawa 1=ari ng lalaki, 4=ari ng babae,19=dalaga, 21=binata, 28=marid man,29=marid woman, 27=sexual intercourse, atbp.

    By Blogger zipang102, at 1:10 PM  

  • magpost aman kau ng ma po-poging lalki jan ung bang pwedeng tawaging my destiny/soulm8

    By Anonymous Anonymous, at 3:02 PM  

  • Gusto kong magkaroon ng aesthetics dibdib. Naghahanap ako para sa isang plastic siruhano sa Turkey.
    Memeestetiği

    By Blogger Unknown, at 8:09 PM  

Post a Comment

<< Home