Ganito Kami Ngayon, Paano Kayo Bukas?

Wednesday, October 26, 2005

Kultura ng Sabong

Dala ng mga Kastila, naging mahabang tradisyon na bilang isang libangan ang pagsasabong sa mga kalalakihan? Tingnan ni Jenevive Lontok ang kulturang ito at inihambing sa mga maiikling kwento na naisulat tungkol dito.

ISANG PAGSUSURI SA KULTURA NG SABONG SA PILIPINAS MULA SA PANULAT NINA ALEJANDRO ROCES, NID ANIMA AT ANTONIO HIDALGO

ni Jenevive Lontok

Ang Sabong o “cockfighting” sa Ingles ay isang laganap na aliwan at libangan ng mga Pilipino. Isa sa mga pangunahing pook-libangan ang mga Sabungan sa alinmang bayan o lungsod na katatagpuan nito. Ayon sa ilan, ang larong Sabong ay isang bakas ng sibilisasyon ng mga sinaunang tao, subalit kung saan at paano nagsimula ang larong ito sa Pilipinas ay hindi matiyak. Ang karaniwang paniniwala ay dala ng mga Kastila ang Sabong sa bansa ngunit ayon sa mga talaan, bago pa man dumating ang mga dayuhan upang sakupin ang bansa ay bahagi na ito ng Kultura ng ating mga katutubo. Ang katotohanan sa likod nito ay ating tutuklasin sa ikalawang bahagi ng pag-aaral na ito. Anu’t-ano man ang tunay na pinagmulan ng larong ito, hindi maikakailang hanggang sa kasalukuyan ay patuloy pa din itong tinatangkilik at kinagigiliwan ng ating mga kababayan partikular ng mga kalalakihan.

Bakit nga ba ganito kapopular ang Sabong sa bansa? Para sa mga Pilipino, ito ay hindi isang simpleng laro lamang, ngunit isang maituturing na matinding pagkahilig. Sa mga nayon at lalawigan lalo na, laganap na laganap ang Sabong. Nagsimula ito noong mga panahong salat sila sa mapaglilibangan. Noong wala pang telebisyon, radyo, pelikula at iba pang uri ng libangan. Ang Sabong ay naging sentro ng kanilang aliwan. Laging tampok sa anumang kapistahang bayan ang Sabong para sa mga kalalakihan, samantalang para sa mga samahang sibiko, lalo na ng mga samahan ng mga kabataan, ang pagpapasabong ay isang paraan para makalikom ng sapat na salaping iuukol sa mga proyekto ng mga kapisanan.[1]

Sa mga lungsod naman, ang Sabong ay isa lamang sa napakaraming mapaglilibangan ng mga kalalakihan. Pinaghambing nila ang Sabong at ang Boksing.[2] Ayon sa kanila, pareho lamang ang sistema sa dalawang laro. Ang pinagkaiba lamang bukod sa tao ang naaglalaban sa Boksing samantalang mga manok naman sa Sabong, kapag natalo bka di-umano sa Sabong kahit paano ay may adobong manok kang pulutan samantalang sa boksing, kapag natalo ka, sa ospital o sa sementeryo ang bagsak mo. Kaya’t para sa kanila, higit na mainam ang Sabong.

Para naman sa mga nabibilang sa mataas na antas ng lipunan, ang Sabungan ay isang pook kung saan ay nakakahalubilo nila ang kanilang mga kauri nang hindi kailangang isagawa ang mga pormalidad ng lipunang kanilang ginagalawan.

Sa makatuwid, lahat ng uri ng tao ay matatagpuan sa isang Sabungan, mayaman man o mahirap. Nagkakadaupang- palad sila dahil sa iisang hilig--- ang Sabong.

At higit sa lahat, pinagkakakitaan ng maraming tao ang Sabong. Ang ilan pa ay dito kumukuha ng kanilang ikabubuhay. Unang-unang kumikita dito ay siyempre pa, ang mga may-ari ng Sabungan depende sa dami ng pumupunta sa bawat soltada. Kasunod ay ang mga nagtatrabaho sa loob ng isang Sabungan katulad ng mga sentenciadoor, cazador, kristo at iba pa kasama na rin ang mga tauhan ng mga tahor o ang mga sabungero na malalaking pumusta at kalimitang nagpapalahi ng mga manok na panabong, katulad ng mga mananari, at ang iba pa nilang mga tauhan. Ikatlo, ay ang mga nagtitinda sa loob ng Sabungan, kalimitan ay ang mga tindero ng pagkain at inumin. At higit sa lahat, ang mga Sabungero na patuloy na nakikipagsapalaran ng kani-kanilang suwerte sa pagtaya.

Ang Sabungan ay isang pook din na kapupulutan mo ng samu’t-saring balitang nagaganap sa isang lugar.[3] Ito ay sa kadahilanang ang Sabungan ay isang pook na pinagkakatipunan ng marami, lalo ng mga nakatatanda ng isang bayan o lungsod. Ang lugar na ito ay karaniwang pinagmumulan ng mga isyu at balitang pampulitika, panlipunan at pangkabuhayan ng mga tao. Sa katunayan, sa mga panahon ng kampanya at eleksyon, ang Sabungan ay isa sa mga unang pinupuntahan ng mga kandidato at pulitiko.

Ang mga nabanggit ay ilan lamang sa mga kadahilanan kung bakit popular sa mga Pilipino ang Sabong. Nang maglaon, ang simpleng libangan ay naging laganap na uri ng sugal at sa katagalan pa ay ginawa na ring hanap-buhay ng ilan sa ating mga kababayan.

Dahil sa Kulturang ito ng Sabong, naging mahusay itong paksa sa mga lokal na literatura. Sinasabing masasalamin sa Sabong ang ilan sa mga kaugalian at kabihasnang Pilipino. Sa loob ng isang Sabungan, mabuting mapag-aralan ang karakter ng isang Pilipino,[4] sapagkat makikita natin sila sa kanilang pinakamaganda at pinakasawing kapalaran. Dito din mailalarawan ang mga ugaling patuloy na naging bahagi ng ating sariling kultura.

Marami nang mga nasulat na akda tungkol sa Sabong. Sinong hindi makakaalala sa isang buong kabanata sa Noli Me Tangere ni Dr. Jose Rizal, na inialay para sa libangang-pambayan na ito? Sa mga kalipunan ng mga ulat at impormasyong nalimbag, higit na pinag-ukulan ng pagsusuring ito ang mga koleksyon ng mga kwentong isinulat ng mga lokal na awtor na sina Alejandro Roces[5] , Nid Anima[6] at Antonio Hidalgo[7].

Sa bawat kwento, karakter at lugar ay maipapakita ang iba’t-ibang karanasan sa buhay ng isang sabungero, maging ang mga taong gumagalaw sa loob nito. Dito mailalarawan ang mga pangyayari at kulturang nagaganap sa isang Sabungan at kung paano masasalamin sa larong ito ang ang ilang mga kaugalian at kulturang Pilipino, pati na rin ang implikasyon nito sa kanilang buhay.

Sa mga akdang nabanggit, ang aklat na isinulat ni Alejandro Roces ang pinakaluma na unang nailimbag noong 1959. Ang aklat ni Nid Anima ay noong 1996 at pinakamoderno naman ang aklat na isinulat ni Antonio Hidalgo taong 2000. Dahil sa iba’t-ibang panahon ng pagkasulat sa mga akda, higit nating makikita ang pagbabago sa Kultura ng Sabong sa paglipas ng panahon.

TESIS NA PANGUNGUSAP

Ang maikling pag-aaral na ito ay isang pagsusuri sa Kultura ng Sabong bilang isang bahagi ng kabihasnang Pilipino mula sa mga panulat nina Alejandro Roces, Nid Anima at Antonio Hidalgo.

SULIRANIN

Paano masasalamin sa Kultura ng Sabong bilang bahagi ng kabihasnang Pilipino ang pag-unawa sa kaugalian at kulturang Pilipino?

Ano ang implikasyon ng Sabong sa buhay ng mga Pilipino bilang isang laro, libangan at sugal?

LAYUNIN

Patunayan na masasalamin sa Kultura ng Sabong ang pag-unawa sa ilang kaugalian at kultura ng mga Pilipino.

Ibigay ang mga implikasyon at mga epektong dulot ng Sabong sa lipunang Pilipino bilang isang laro, libangan at sugal.

SARBEY NG KAUGNAY NA PAG-AARAL

Ang karaniwang paniniwala ng nakararami ay dinala ng mga Kastila ang larong Sabong sa Pilipinas. Layon ng bahaging ito ng pag-aaral na tuklasin kumg hanggang saan ang katotohanan ng paniniwalang nabanggit. Mula sa mga natipon na impormasyon, ay maaaring mabanaagan kahit bakas man lamang ng tunay na pinag-ugatan ng Sabong na ngayon ay isang maituturing na institusyong-pambayan sa Pilipinas.[8]

Ayon sa mga naunang lathalain, sa Kanluran, ang mga Griyego ang mga unang taong nahilig sa larong Sabong. Ito ay taliwas sa mga Romano na walang hilig sa larong ito.[9] Sa katunayan, kinaaayawan ng mga Romano ang larong Sabong. Ngunit nang humalili sa trono ng emperyo si Julius Caesar, ay biglang nabago ang kanilang pananaw na ito dahil na din sa matinding pagkahilig ng bagong pinuno nila sa Sabong. At makalipas ang unang siglo pagkamatay ni Kristo, tinanggap ng mga mamamayang Romano ang Sabong katulad ng pagtangkilik ng mga taga-Athens (mga Griyego) dito. Ito ang naging unang tala ng Sabong sa Inglatera. Subalit ang paglaganap ng popularidad nito ay nagsimula lamang sa panahon ni Henry II noong ika-labindalawang siglo. Sa pagdating ng ika-labing anim na siglo, panahon ng paghahari ni Henry VIII, nakilala ang Sabong bilang isang malinis at kagalang-galang na dibersyon. Ito ang naging daan upang matanghal itong pambansang-libangan ng mga Briton ng mga panahong iyon.[10]

Sa Pransiya, Espanya, Inglatera at Estados Unidos, nakilala sa isang panahon ang Sabong bilang paboritong libangan ng mga aristokrata, kaya’t naging popular ito sa madla. Sa katunayan, nagpatayo si Henry VIII ng sariling Sabungan sa Whitehall Palace, ang Opisyal na Residensya ng monarkiyang Ingles.

Ang kapalaran ng Sabong sa Inglatera ay kagyat na nagtapos noong 1849, dahil sa pag-uutos ni Reyna Victoria.[11] Ito ay ayon naman sa udyok ng mga moralista at konserbatibong naniniwala na ang Sabong ay isang uri ng pagmamalupit sa mga hayop (mga manok) sa pamamagitan ng paglalaban sa mga ito. Simula noon, unti-unting nawala sa paningin ng mga mamamayan hanggang sa tuluyang maglaho ito noong ika-labingsiyam na siglo sa Inglatera.

Sa Amerika, ang unang naiulat na mga deboto ng Sabong ay pinangungunahan nina George Washington, Andrew Jackson, Thomas Jefferson at Abraham Lincoln.[12] Narating ng Sabong ang rurok ng popularidad nito sa bansang Amerika sa administrasyon ni George Washington. Sinasabing sa mga panahong iyon, isang malinaw na pagkakakilanlan sa lipunan ang pagiging isang sabungero. Ang pagkakaroon ng mga kabayo at mga manok na panabong ay isang indikasyon ng pagiging maimpluwensiya at kagalang-galang na tao. Subalit tulad sa Inglatera, ang laro ay mahigpit ding tinutulan ng grupong kung tawagin ay SPCA (Society for the Prevention of Cruelty for Animals)

Silipin naman natin ang pinag-ugatan at iba’t-ibang paniniwala tungkol sa Sabong sa Timog-Silangang Asya. Ito ang mas tinutukan ng pansin ng aking pagsasaliksik sapagkat dito nalalapit ang pinagmulan ng larong ito sa bansa. sa kalipunan ng mga babasahin, ang pinakamaagang pagkabanggit ng Sabong ay noong unang siglo pagkamatay ni Kristo. Pahapyaw ang sulat na ito ay paboritong libangan ng mga taga-Kambodya noong kapanahunan ng mga Funan. [13]

Sa Bali, Indonesia naman ang pinakamatandang ebidensiya ng Sabong ay naitala noong 922 A.D.[14] ang salitang Sabung noong mga panahong iyon ay ipinakakahulugan nilang bayani, kampiyon, magiting na lalaki at iba pang paghahalintulad. Sinasabi ding ang manok na panabungin para sa mga taga-Bali ay kahalintulad ng aktibong ari ng lalaki na mayroong sariling buhay. Bukod sa matinding pagpapahalaga ng mga taong ito sa mga manok na panabungin, may mga kaakibat din silang mga paniniwala at ritwal ukol sa pagsasabong. Tulad na lamang sa isang mahalagang pagdiriwang sa Bali na kung tawagin ay Njepi, kung saan pansamantalang itinitigil ang anumang mga gawain bilang paghahanda sa sa pagpapaalis ng mga masasamang espiritu at kapangyarihan ng nagdaang taon, at ito ay susundan makalipas ang isang araw ng isang malakihang Pasabong sa halos lahat ng pook ng bayan. Ito ay isinasagawa upang maidaos nila ang pagkauhaw nila (masasamang espiritu) sa dugo at anumang mabangis na pag-uugali. Sa katunayan, ang Sabong ay isang pagsasakripisyo ng dugo sa mga demonyo upang mawala ang kanilang pagkauhaw.

Samantala, sa Java, Indonesia isang aklat na pinamagatang Nargara-Kertagama ang nasulat bilang isang papuri sa Haring Shri Hayam Ragen Tetep na ang kahulugan ay “ ang Bunying Batik-Batik na maginoong Tandang na Magmamanok”.[15] Ang bansag ng haring pinag-alayan ng aklat ay batay sa kaugalian ng panahong iyon na magtaglay ng ng ipinagmamalaking kasir-kasir o bansag buhat sa mabunying hayop, na sa pagkakataong ito ay ang tandang na maaaring gawing sasabungin.

Ang pustahan ay lubos na tinatanggap sa lipunan ng mga taga-Bali at Java bilang malaking bahagi ng Sabong. Maaaring sa kanila natin natutunan ang bagay na ito pati na rin ang mismong katawagang “Sabong”. Sa Java, isa itong dahilan ng paglaganap ng pang-aalipin noong ika-labing-apat na siglo, bunga ng mga pagkatalo sa pustahan. [16] sa katunayan, mayroong isang alamat na nagsasabing isa sa mga naging dahilan ng paghihiwalay ng dalawang lugar na ito ay dahil mayroon daw isang makapangyarihan at kinikilalang pinuno ng relihiyon noon sa Java na nais protektahan ang sarili laban sa isang itinuturing bayaning taga-Bali na kilala sa isang pagiging malakas na sabungero sa kanilang lugar. At ang alitan ng dalawa ang naging hudyat ng paghihiwalay ng dalawang lugar.[17] Karagdagan pa sa malawak na impluwensiya ng Sabong sa buhay ng mga taga-Java ang pagiging bahagi nito sa kanilang Sining. Ang mga jagoan o kahawig ng ibon---ang mga tandang---ang karaniwang palamuti ng mga palupong na yari sa kawayan o dayami na kalimitang matatagpuan sa mga templum o bahay dalanginan-nila. Ito daw ay dahil sa ang mga tandang na ito na itinuturing na mga ispiritwal na ibon ang siyang nag-uugnay sa lupa at kaitaasang Daigdig.

Sa Sumatra, ang sasabungin ay ginagamit sa pagbibigay ng hatol sa mga katutubong hukuman.[18] Bilang isang sumpa, hihiwain ang leeg ng tandang, samantalang ang nasasakdal ay nagsusubo ng ilang butil ng palay at hinihiling na kung siya ay may sala, ang palay sa kanyang bibig ay maging bato.

Sa Burma, karaniwang tanawin ang Sabong noong 1830. Bukod sa pagiging karaniwang libangan, isang bahagi pa ito ng mitolohiyang Burma.[19] Sinasabing ito ay bilang isang parangal kay Maung Kyawzwa, ang ika-dalawampu’t-pito sa tatlumpu’t-pitong Nat, na kahalintulad naman ng mga Santo para sa mga Katoliko, o Dionyssos o Bacchus ng mga taga-Gresya. Ang parangal na ito ay kinatatampukan ng pagsasayaw, pag-inom ng alak, pagpapaputok ng kwitis, at Sabong, mga bagay na kinahihiligan ni Maung Kyawzwa.

Noong mga taong 1800 naman sa Pederasyon ng mga Estadong Malayo ( ngayo’y Malaysia), pangunahing libangan ng mga katutubong raha ang Sabong.[20] Sa sobrang pagpapakita ng kahalagahan ng Sabong, ang pagkalagas ng ilang balahibo ng sasabunging pagmamay-ari ng sino mang dugong-bughaw ay kapalit ng buhay ng tagapag-alaga nito.

Dahil sa kalipunan ng mga ulat na nabanggit, hindi malayong dahil sa pakikipag-ugnayan natin sa ating mga kalapit na bansa sa Asya, ay matagal nang napasimulan ang larong Sabong sa Pilipinas bago pa man dumating ang mga Kastila. Ang mga pulo sa timog ng bansa ang siyang maaaring naglapit ng kultura ng ilang mga bansang nabanggit.

Sa aklat ni Angel Lansang,[21] isa ding paniniwala na ang pakikipag-ugnayan natin sa mga Malay ang siyang nagdala ng larong Sabong sa bansa. ang pinakamatandang ulat ukol dito ay naitala noong 1212 A.D. sa pamumuno ni Haring Sumakwel. Ito ay sa Panay at kasama na rin ang mga karatig na Antique, Capiz at maging sa malalayong pook tulad ng Cebu. Si Pigafetta mismo ang nag-ulat ng pangyayaring ito sa kanilang ekspedisyon sa pilipinas. Isinulat niya ito batay sa kanilang nasaksihang Sabong sa pulo ng Palawan.

Ang Sabong sa Pilipinas noong mga unang panahon ay makulay na bahagi ng pistang pagdiriwang. Dinarayo ang inaakalang pinakamagaling na sasabungin sa isang pook. At katulad sa lipunang Bali at Java, sa Indonesia, ang pustahan ay lubos ding tinatanggap sa ating lipunan kaya nga’t naging isang kilalang uri ito ng sugal.

Maaaring ang mga katawagang Kastila na nakapaloob sa laro ay dala ng ating matagal na pakikisalamuha sa kanila. Ngunit hindi masasabing sila nga ang nagdala nito sa bansa.

DEPINISYON NG MGA TERMINO

Upang higit na maunawaan ang Kultura ng Sabong, minabuti kong bigyan ng depinisyon ang ilan sa mga katawagan at terminong nakapaloob sa larong ito. Ang mga katawagan at terminong ginagamit sa Sabong ay nahahati sa dalawa: Una, ang mga lumang katawagan at Ikalawa, ang mga moderno o kontemporaryong termino. Parehong nagbuhat sa mga pinaghalong pananalita o dayalektong hango sa ibang wika. Ang mga bagong termino ay ilang mga katawagan lamang na bunga ng pangaraw-araw na pakikipagtalastasan ng mga tao sa loob ng Sabungan.ang ilan pa sa mga ito ay nagbuhat din sa mga luma na ngunit nang maglaon ay naiba ang kahulugan.

LUMA :

Ang mga Nasa Ibabang Palko- Ang tawag sa mga sabungerong may pinakamababang pusta, at kalimitan pa ay mga miron lamang. Wala silang mga Kristo gaya ng mga tahor at ng mga nasa palko,at wala din silang binabayaran kundi ang pultahan, sakaling naniningil ang sabungan.

Ang mga Nasa Palko- Ang ikalawang pangkat ng mga mamumusta. Mayroon din silang kani-kaniyang kristo, subalit mas mababa silang pumusta kaysa sa mga tahor.

Asensista- Siya ang namumuhunan o kinatawan ng namumuhunan at namamalakad ng pagsasabong nito na nangangahulugan nang paggugol ng maraming salapi at panahon upang mapanatili ang takbo at kaayusan ng pagsasabong. Kinabibilangan sila ng mga may malawak na lupain, ng mga may maunlad na negosyo, ng mga may mataas na katungkulan sa pamahalaan at ng mga matagumpay sa kanilang mga propesyon na kayang mamuhunan nang malaki sa Sabong.

Careo- Tawag sa parte ng laban kung saan malapit nang sentensiyahan ang mga manok. Pinagdadaop ang mga tuka at kung sino man sa dalawang manok ang unang makadalawang sunod na tuka nang hindi gumaganti ang kalaban ang siyang nanalo.

Cazador- Tawag sa tagapaglista ng mga pusta. Ang kanilang kahusayan sa pagtatanda ng mga taong nagdagdag ng pusta, gayundin ang halagang nahiling ng bawa’t isa at ang bilis sa pagbilang ng halagang ipinuno sa pustahan ang pangunahing batayan ng kanilang katayuan.

Contra-Barata- Tawag swa paglipat ng mga taya mula sa llamado patungo sa dejado o mula naman sa dejado patungo sa llamado.

Dejado- Tawag sa panabong na may mas mababang taya o pusta at tinatayang matatalo sa laban.

Ganadores- Mga panabong na laging nananalo sa mga laban.

Kristo- Ang tawag sa taga-taya o taga-pusta ng mga mananabong.

Llamado- Tawag sa panabong na may mas mataas na taya o pusta at tinatayang mananalo sa laban.

Logro- Nangangahulugan ng pusta. Maraming uri ito. Mayroong logro nueve (walo manalo ng siyam), logro diez (siyam manalo ng sampu), sampu-siyam (siyam manalo ng sampu), doblado (lima manalo ng sampu), logro onse (sampu manalo ng labing-isa) at iba pang uri ng pusta.

Mananari- Ang naglalagay ng tari ng mga manok na ilalaban sa soltada.

Pang-ilalim- Tawag sa manok na may deperensya sa isang laban na inareglo. Ito ang inaasahang siguradong matatalo sa laban. Karaniwang may kapansanan ang mga manok na ito.

Pintakasi- Taunang pasabong na ginaganap tuwing mga Pistang-Bayan

Rueda – Ang parte ng Sabungan na pinaglalabanan kung saan naglalaban ang mga manok.

Sentenciador- Kilala sa kadalubhasaan sa kaalaman ng mga alituntuning dapat sundin sa paghahatol ng bawa’t soltada o iyong tinatawag na referee.

Soltada- Tawag sa bawa’t laban ng Sabong.

Soltador- Sila ang mga taga-bitiw o ang mga naghahawak ng sasabungin bago ito bitiwan sa loob ng rueda upang lumaban.

Tahor- ang nag-uukol ng limpak-limpak na salapi sa Sabong. Sila ang mga may pinakamalaking pusta. Kalimitan din na nagpapalahi sila ng mga manok na ipanlalaban.

Tari- Ang sandata ng mga manok na sasabungin sa paglaban. Ito ang inilalagay sa kanilang mga paa kapag lumalaban. Marami din silang mga tauhan sa Sabong.

Tiope- Isang uri ng pandaraya sa Sabong, kung saan inaareglo ang isang laban sa pamamagitan ng pagsali ng isang manok na may deperensya o may kapansanan upang sigurado ang panalo ng isa.

Travesia- Sila ang mga magsasabong na walang sariling manok na ilalaban at tumataya lamang sa mga manok na pag-aari ng iba.

BAGO:

Derby- Isang malaking pasabong tulad ng pintakasi, subalit ito ay nagaganap kahit walang pista. Kalimitang dinarayo lalo na ng mga malalaking pumusta.

Angat-Sarado- Ang panabong na nagtataglay ng isang istilo ng paglaban na itinuturing na pinakamagandang taglayin ng isang manok upang manalo.

Tahor- Sa kasalukuyang paggamit nito, ito ay nangangahulugan ng isang mahigpit na sabungero, hindi kailangang malaking pumusta.

Iba pang mga Terminong Ginamit sa Pag-Aaral:

Sikolohiya- Tungkol sa pag-aaral sa kamalayan na tumutukoy sa mga damdamin at kaalamang naranasan.

Sikolohiyang Pilipino- Ang Sikolohiyang Pilipino ay nilinaw bilang sikolohiyang bunga ng karanasan, kaisipan at oryentasyong Pilipino.

Sikolohiya sa Pilipinas- Ang pinakamalaki o kabuuang anyo ng sikolohiya sa kontekstong Pilipino. Ito ay bunga ng sunod-sunod na kaalamang may kinalaman sa sikolohiya sa bansang Pilipinas.

Pakikisama- Ang paglahok at pagsama sa gawain ng ibang tao dahil sa pakikipagkaibigan o dahil sa maaaring ipakinabang sa hinaharap o siyang hinihingi ng pagkakataon.

“Bahala Na”- Sa aspekto ng sikolohiyang Pilipino, ito ay nangangahulugang pananagutan; isamng pagtanggap ng pananagutan nang buong tapang, kahit na ba parang wala ng pag-asa.

Pagpapahalaga sa Sarili- isang pag-uugali na kakikitaan ng mataas na paninindigan at pagtingin sa sarili para sa ikauunlad o ikabubuti ng isang indibidwal.

Kanluraning Konsepto- Mga kaisipang mula sa kanluran na pinaghanguan ng ilang mga konseptong Pilipino.

Marxismo- Isang teorya na itinuturing na isang Siyentipikong Sosyalismo na naniniwala sa pakikipaglaban ng mga proletaryang grupo sa pagkamit ng mas maayos at mabuting kalagayan sa antas ng lipunan sa antas ng lipunan. (sosyalismo)

Lipunang Patriyarkal- Isang lipunan na dinodominahan ng mga kalalakihan.

Palabra de Honor – Pagkakaroon ng isang salita. Pagtupad sa mga binitiwang salita o pangako.

SPCA- Society for the Prevention of Cruelty to Animals. Ito ay isang samahan na naglalayong matigil ang anumang uri ng pagmamalupit at pang-aabuso sa mga hayop at isa sa nais nilang ipatigil na larong kinabibilangan ng mga hayop ay ang larong Sabong.

METODOLOHIYA

Ang pamamaraan ng pagsasaliksik sa Kulturang ito ng Sabong sa Pilipinas ay isinagawa sa pamamagitan ng pagsusuring intertextuwal. Isang malaking bahagi ng pag-aaral ang masusing pag-aanalisa sa mga akda ng mga manunulat na sina Nid Anima, Antonio Hidalgo at Alejandro Roces. Sa pamamagitan ng pagsusuring isinagawa sa kanilang mga akda, mabisang inilapat ang mga karanasan ng mga tauhan, ang kanilang mga buhay, kuwento, pagkatao at pati na rin ang kanilang mg kapaligirang ginagalawan upang makamit ang layunin ng pagsusuri.

Bukod dito, binigyang pansin din ng pagsusuri ang masusing pagsasaliksik ng mga kaugnay na pag-aaral at mga lathalain upang higit pang maunawaan ang Kultura ng Sabong sa konteksto hindi lamang ng lipunang Pilipino kundi pati na rin ang mga banyagang konteksto at pakahulugan na may layunin ng pagsasagawa ng mga pagkokompara at pag-unawa ng kasalukuyang kultura ng Sabong sa ating bansa gayundin ang pagkakaiba-iba ng pagtingin at pagtanaw dito ng iba’t-ibang kultura at lipunan ng mga tao.

SAKLAW NG PAG-AARAL

Ang Pagsusuring ito ay nakatuon ang pansin sa implikasyon ng larong Sabong sa mga kaugalian at kabihasnan ng ating kultura. Ang iba pang mga konsiderasyontulads ng mga epektong panlipunan, pangkabuhayan at pangkulturang aspekto ng Sabong sa Pilipinas na itinuturing ng iba na Pambansang Libangan ng mga Pilipino ay nakapaloob din sa ginawang maikling pag-aaral na ito. Bukod pa dito, ang pagsusuri ng tunay na pinanggalingan ng o kaya naman ay ang paraan ng paglaganap ng Sabong sa bansa batay sa mga karatig na bansa sa Timog-Silangang Asya pati na rin sa Inglatera at Amerika ay bahagyang tatalakayin at iuugnay sa pag-usbong at paglaganap din ng naturang laro sa ating bansa.

Ang pagsusuring ito ay inilimita sa mga koleksyon ng mga maikling kuwento patungkol sa Kultura ng Sabong mula sa mga panulat ng mga lokal na awtor na sina Nid Anima, Alejandro Roces at Antonio Hidalgo. Ang aklat na ito ni Nid Anima ay pinamagatng “Close Encounter with the Feathered Kind” (a collection of short stories), ang kay Alejandro Roces naman ay may titulong “Of Cocks and Kites”. At mula kay Antonio Hidalgo ang “Cockfighting Stories”. Sa mga akdang nabanggit, malinaw na naipakita ang implikasyon ng larong Sabong sa buhay ng mga deboto o panatiko ng naturang laro. Ipinakita sa mga karakter, lugar na pinangyarihan, panahon at mga sitwasyon kung paano masasalamin ang iba’t-ibang mga kaugalian at kabihasnang Pilipino sa Kultura ng Sabong. Gayundin naman ang paglalahad ng mga implikasyong ito sa aspektong panlipunan at pangkabuhayan ng mga Pilipino.

Teoretikal na Balangkas

Ang mga kuwentong isinulat nina Alejandro Roces, Nid Anima at Antonio Hidalgo ay tumatalakay sa Kultura ng Pagsasabong bilang bahagi ng kabihasnang Pilipino. Sa bawa’t karakter at mga pangyayari, maipapakita ang pagpapahalaga ng mga deboto at panatiko ng larong ito sa ilang mga kaugaliang Pilipino.

Dito pumapasok ang Teorya ng Sikolohiyang Pilipino, upang higit na maunawaan ang mga kaugalian at iba pang Kulturang Pilipino na masasalamin sa larong Sabong. Ang Sikolohiyang Pilipino ay ang Sikolohiyang bunga ng mga karanasan, kaisipan, at oryentasyong Pilipino.[22] Samakatuwid, ang mga batayan nito, sa diwa, kultura, pananaw, wika at kasaysayang Pilipino ay mayaman; ang Sikolohiyang Pilipino ay higit na angkop gamitin upang lubos na mailapat ang mga kaalaman at teorya nito sa karanasan ng mga Pilipino. Ang Agham ng Sikolohiyang Pilipino ay may malaking gamit sa iba’t-ibang larangan at aspekto ng buhay-Pilipino. Katulad ng Relihiyon, Kultura, Edukasyon at iba pa. Pinaniniwalaan din na malaki ang papel nito upang mapag-aralan ang ating Kultura at mga Paniniwala gamit ang ating sariling konteksto, na isang pagsalungat sa malaking impluwensya ng mga Kanluraning konsepto. Sa disiplina ng Sikolohiya, o mas tamang sabihin na sa kahit na aling disiplina, kapansin-pansin ang mataas na pagtingala sa Kanluraning konteksto at oryentasyon. Ngunit may mga sarili tayong konsepto na may mga tanging kahulugan na mas malinaw at madaling mauunawaan sa mga karanasang malapit sa mga Pilipino o dili naman kaya, ang isang unibersal na konsepto ay may iba’t-ibang oryentasyon depende sa kultura ng lipunang gumagamit nito. At higit sa lahat, tinutukoy ng Sikolohiyang Pilipino ang pangkalahatang katangiang Pilipino o ang “pagkataong Pilipino” sa kultura, buhay at kapaligiran nito. Lumilitaw kung gayon na ang mga teoryang nakapaloob dito ang may pinakasentral na kosiderasyon sa pag-aaral ng mga kaugaliang Pilipino na masasalamin sa larong Sabong. Sa Kultura ng Sabong, maraming masasalaming mga kaugaliang Pilipino. Una, ang Pakikisama. Matagal nang kinikilalaang kaugaliang ito sa bansa. kilala ang mga Pilipino sa galing ng mga ito sa Pakikisama o sa kanilang pakikipagkapwa-tao. Pinagbubuti ng kaugaliang ito ang pakikiugnay o pakikihalubilo ng mga tao sa kanilang kapwa o grupong kanilang kinabibilangan. Sa mga taong mahilig sa Sabong, nakakabuo sila ng pagkakaibigan sa iba pang mga sabungero. Ang kanilang relasyon ay pinatitibay ng kanilang iisang hilig--- ang Sabong. Ang uri ng pakikipagpalagayang-loob na ito ay likas di-umano para sa mga mahilig sa naturang laro. Nakakatulong ang pag-uugaling ito upang lubos nilang makagamayan hindi lamang ang mga tao sa loob ng sabungan kung hindi pati ang Kulturang nakapaloob dito.

Isang maituturing na parte ng kultura ng Sabong ang konsepto ng “Bahala Na”. Mahilig ang mga Pilipino sa pagpapaubaya ng kanilang mga kapalaran sa tadhana. Ganito ang nagaganap sa kanilang pagtaya o pagpusta sa mga manok na panabong. Ang Sabong ay isang uri ng sugal. Ito ay isang larong walang katiyakan. Isinusugal nila ang kanilang mga pera sa pagbabakasakaling higit pang madaragdagan ito. Kalimitan pa, ito ang iniisip nilang paraan upang madaling mapalago ang kanilang salapi. Sa kawalan ng tiyak na kahahantungan, kahit na parang wala ng pag-asa, malimit na ipinagpapaubaya na lamang ito sa tadhana sa pagsasabing “Bahala Na”.

Ang konsepto ng “pagiging matapat” ay masasalamin din sa laro. Tulad ng iba pang mgfa uri ng laban at kompetisyon, nagkakaroon din ng dayaan sa Sabong. Ngunit ang kapansin-pansin dito ay kung paanong sa dami ng mga pumupusta, ay bihirang insidente ang magkaroon ng dayaan o lamangan. Hindi ito maaaring dominahin ng iisang tao lamang. At higit sa lahat, hindi ito hinahayaan ng mga tao na mangyari. Ayon sa mga madalas sa Sabungan, sa larong ito matatagpuan ang tunay na diwa ng “Sportsmanship”.

Para sa mg taong mahilig sa Sabong, ang konsepto ng “katapangan” ay sinisimbolo daw ng mga manok na panabong. Mula noong mga unang panahon, ito ang isa sa mga dahilan kung bakit kinagigiliwan ng mga kalalakihan ang Sabong. Bbukod sa mga aksyong dulot ng labanan, kinakitaan nila ang mga manok na panabong ng kakaibang tapang sa pagsuong sa bawa’t laban ng mga ito nang hindi iniinda ang sakit. Natural sa mga kalalakihan ang ganitong pagkahilig sa sa aksyon. Para sa kanila, ito ay isang tanda ng pagiging isang tunay na lalaki. At dahil sa hindi nila ito magawa, sa iba’t-ibang kadahilanan, nakahanap sila ng paraan sa pamamagitan ng paggamit ng “props”---ang mga manok na panabong.

Ang “katamaran” ay isang kaugaliang likas daw sa mga Pilipino. Ito ay karaniwang matatagpuan sa mga taong mahilig umasa sa iba para sa sarili8ng kapakanan. Naipapakita din ito ng mga Pilipino sa mga walang kabuluhang gawain tulad ng mga “stand-by” sa kanto na walang inatupag kundi ang uminom ng alak at magsugal. Ang sabong ay hindi isang simpleng laro lamang para sa mga Pilipino. Ito ay isang paraan din ng pagsusugal. Marami tayong mga kababayan na patuloy na umaasa sa sugal na ito para sa kanilang ikabubuhay. Maraming mga nagbabakasakali na sa kanilang pagpusta at pagtaya sa Sabungan, sa isang larong walang katiyakan. At kadalasan, ito ay nagdudulot ng masamang epekto at hindi pagkakaunawaan sa pamilya.

Ang pagkatao ay may iba’t-ibang aspekto at isang napakahalagang konsepto ng “pagpapahalaga sa sarili”. Naaapektuhan nito ang halos lahat ng bahagi ng pag-uugali ng iswang tao; ang kakayahan upang matuto, ang kakayahan upang umunlad, magbago at magtagumpay at ang pagpili ng makakasama, kaibigan, mga hangarin at ambisyon sa buhay.[23] Ang mga Pilipino ay may mataas na pagpapahalaga sa sarili. Maaari itong magtdulot ng positibo o negatibong epekto sa isang tao at sa mga tao sa kanyang paligid. Sa Sabong, matutunghayan natin sa pamamagitan ng mga karakter sa kuwento kung paano ang konsepto ng “pagpapahalaga sa sarili” ng mga Pilipino. Ang pagpapahalagang ito ay maiiugnay din natin sa salitang “karangalan”.

Mga Teoryang Sosyalismo:

Sa kahit na anong aspekto ng lipunang Pilipino, kakikitaan mo ng di-pagkakapantay-pantay ang estado ng pamumuhay ng mga tao. Dito pumapasok ang teorya ng Marxismo, isang uri ng Siyentipikong Sosyalismo sa pag-unawa ng sitwasyong ito. Sa Kultura ng Sabong, makikita din ang agwat ng estado ng buhay ng mga tao sa Sabungan. Sa larawan bilang 1, ipinapakita ang herarkiya ng mga tao sa Sabungan at ang pagkakaugnay nito sa herarkiya ng mga tao sa lipunan.

Ang mga taong matatagpuan sa taas ng trayanggulo ay sumisimbolo sa mga asensista, na kung iuugnay sa lipunan, ay ang mga nasa mataas na antas o ang mga mayayaman. Sinusundan ito ng mga tahor, sinusundan ng mga mamumustang nasa palko na mayroon ding ma kani-kaniyang kristo at malaki-laki ring pumusta o ang mga travesia, sinusundan ng mga nagtatrabaho sa loob ng sabungan, ang mga ito ay walang tiyak na pagkakasunod-sunod dahil kalimitang pantay-pantay lamang sila at pinakamababa naman ang mga nasa ibabang palko na kalimitan ay mga miron o manonood lamang.

Ang mga nasa mataas na antas ng pamumuhay ay nagtatamasa ng mga pribelehiyo sa loob ng Sabungan na inilalaan lamang para sa kanila. Hindi makikita ang ganitong pagtrato sa mga karaniwang magsasabong. Taliwas ito kung gayon sa sinasabing lahat ng mga tao sa loob ng sabungan ay pantay-pantay lamang. Ang impluwensya ng salapi ang nagbibigay ng bentahe sa kanila upang malayang matatamasa ang mga pribelehiyong ibinibigay sa kanila na hindi kailanman matatamo ng mga kabilang sa mababang antas ng lipunan.

Bukod sa Teoryang Marxismo, makikita din ang konsepto ng Patriyarkal na Lipunan. Hindi kaila sa atin na ang Sabong ay isang larong para sa mga kalalakihan lamang. Ayon sa mga kababaihan, ito ay dahil umano sa pagiging bayolente ng laro at sa kalupitang dulot nito sa mga manok na tanging ang mga kalalakihan lamang ang makakahilig. Sa sabungan, kapansin-pansing litaw pa din ang isang Patriyarkal na Lipunan. Ang mga kalalakihan ang nagdodomina at naghahari. Ang konserbatibong teorya ng Sosyolohiyang Pilipino tungkol sa Patriyarkal na Lipunang ito ay matinding ipinapakita sa larong Sabong. Ang makalumang pagtinging ito ay hindi maikakailang patuloy pa ding bumabalot sa iba’t-ibang aspekto. Isa na dito ang implikasyong masasalamin sa itinuturing ng ilan na pambansang libangan ng mga Pilipno---ang Sabong.

PAGSUSURI

Ang mg kuwento , karakter, sitwasyon at iba’t-ibang karanasan hango sa mga panulat nina Alejandro Roces, Nid Anima at Antonio Hidalgo ay maingat na sinuri upang mailapat ito sa konteksto ng kaugalian at kulturang Pilipino.

Mula sa mga batayang ginamit sa pag-aaral, ang aklat ni Alejandro Rocesang pinakamatagal na nasulat. Ang aklat na ito na pinamagatang “Of Cocks and Kites”ay unang nalimbag noong 1959. Ipinakita sa libro ang kuwento ni Kiko, isang taga-nayon at walang inatupag kundi ang magsabong. Ang libro ay kabilang sa mga naunang aklat tungkol sa Sabong. Mababanaag ang paglalahad ng mga kuwento sa isang nakakatuwa at nakakaaliw na paraan kaalinsabay ng mga pagtalakay sa mga epekto at implikasyon ng Sabong sa mga taong mahilig sa larona sa pagkakataong ito ay sinisimbolo ni Kiko. Sa ilan pang mga pagkakataon, kakikitaan ito ng mga eksaherasyon na nagbibigay sa mga ito ng magaan na tema.

Ang akda naman ni Nid Anima na “Close Encounter with the Feathered Kind” ay unang nalimbag noong 1996. Kapansin-pannsing bagama’t ang mga kuwento ay kapansin-pansing hango sa mas maagang panahon at nag-ukol ng atensyon sa buhay ng mga tao sa nayon. Salungat sa libro ni Alejandro Roces na may iisang pangunahing tauhan, ang mga kuwento sa aklat na ito ay binubuo ng iba’t-ibang karakter para sa iba’t-ibang istorya. Mas seryoso ito kumpara sa mga kuwento sa naunang akda na nagpapakita ng hayagang epekto, positibo man o negatibo ng larong Sabong sa mga taong tumatangkilik nito. Makikita din na sa mga huling bahagi ng libro, lumalim ang mga pagtalakay at istorya. Bagama’t ito ay hindi tuwirang hango sa tunay na mga pangyayari, kakikitaan pa rin ng posibilidad hindi tulad ng unang aklat na nabanggit.

At ang pinakahuling akda ay ang isinulat ni Antonio Hidalgo. Ang aklat niyang “Cockfighting Stories” ay inilimbag taong 2000, kaya’t ito ang pinakabago sa mga batayang ginamit. Katulad ng mga nauna, ito ay koleksyon din ng mga maikling kuwento sa mga buhay ng mga taong nakapaloob sa Sabong. Ipinapakita sa mga kuwento ang mga buhay hindi lamang ng mga sabungero kundi pati ng mga nagtatrabaho sa Sabungan, mga tauhan ng tahor at asensista, ang mga tahor at asensista at ang implikasyon at epektong dulot ng Sabong sa kani-kanilang mga buhay at ng mga taong nakapaligid sa kanila. Ang kinaibahan nito sa naunang mga akda ay ang paglalahad ng ilang mga kuwento sa wikang Filipino hindi tulad ng mga naunang nabanggit na aklat na sa wikang Ingles isinulat na siyang epektibong nakakapaglapat ng mga pangyayari sa kontekstong Pilipino. Bukod pa dito, ay ang higit na malalim at modernong paglalahad nito sa mga kuwento. Bawa’t isang istorya ay may kaakibat na mas malalim na isyung panlipunan at maging pampulitika. Diretso at walang paligoy-ligoy ang paglalahad na tuwirang nagpapakita ng mga masalimuot at kadalasang miserableng kalagayan at katayuan sa buhay ng mga tauhan. Nakapaloob sa mga kuwento ang mga masasakit na pangyayari at masaklap na katotohanan ng buhay na lumilikha ng iba’t-ibang klase ng emosyon sa mga mambabasa.

Sikolohiyang Pilipino

A. PAKIKISAMA

Una kong namalas ang konsepto ng Pakikisama sa aklat na “Close Encounter with the Feathered Kind” ni Nid Anima. Sa kuwentong pinamagatang “Distance”, ng nasabing awtor, ipinakikita kung paanong sa pamamagitan ng larong Sabong, nagkakaunawaan at nakakabuo ng samahan ang mga panatiko ng laro. Ang pangunahing tauhan sa mga kuwento ay isang deboto ng Sabong. Matagal na siyang nahilig sa larong ito, idagdag pa dito na halos lahat ng lalaki sa kaniyang pamilya ay mahilig sa Sabong kaya naman bata pa lamang ay mulat na siya dito at di nga naglaon ay natuto na siya nito. Hanggang makilala niya si Luis, isang ding residente sa kanilang lugar. Hindi sila nagkakadaupang palad man lamang noon, ngunit nang mapansin nito na pareho pala silang mahilig sa Sabong, agad nabuo ang kanilang pagakakaibigan. Nang maglaon, ito pa ang tumulong sa kanila na humanap ng lugar namalilipatan sa tabi lamang ng bahay nito. Dooncompadre hanggang sa maglaon. Isa pang konsepto itong magpapakita ng ugaling ito ng mga Pilipino sa Pakikisama. Isang halimbawang nagsasaad nito ay sa kuwentong “Tiope Artists”. Si Filo at Sendong ay dalawang kilalang magsasabong na naging magcompadre. nagsmula ang pagsasamahan nila katulad din ng iba pang mga sabungero. Malalim ang mga pagsasamahan. Pakiramdam ng bawat isa sa kanila ay kabilang siya sa isang grupo at inaasahang pahahalagahan ito. Ang mga taong halos araw-araw na nilang nakakasalamuha sa mga Sabungan ay siya na nilang nakakagamayan at madalas pa, nagiging Inaanak sa binyag ni Sendong ang anak ni Filo. At sa konsepto ng mga Pilipino malalim ang pakahulugan sa salitang sa pagiging magcompadre. Mataas ang pagpapahalaga sa relasyong ito. Ang mga magcompadre ang siyang malimit na nagtutulungan sa mga problema at gusot ng bawat isa. Ngunit sa katapusamn ng istorya, naipakita din kung paanong ang Sabong na naglapit sa kanila ang siyang ding naging dahilan ng pagkasira nito.

Sa aklat naman ni Antonio Hidalgo, na “Cockfighting Stories”, iba namang uri ng Pakikisama ang ipinapakita sa kuwentong “ Ang Telenobelang Buhay ni Migs San Juan”. Nakilala ni Mang Doming, (ang naglahad ng kuwento) si Migs San Juan sa Sabungan kung saan nagtatrabaho ang huli bilang isang kristo. Naging magkaibigan ang dalawa magmula noo. Dahil sa agwat ng edad, halos tumayong pangalawang ama na rin ni Migs si Mang Doming na siyang tumutulong sa kanya sa tuwing may problema siya. Sa katunayan, ang napangasawa ni Migs ay malayong kamag-anak ng asawa ni Mang Doming at siyempre pa naging ninong at ninang nila sa kasal ang mag-asawa na siya na ring tumulong sa kanila buhat sa kasal hanggang sa tuwing magigipit sila sa pera.

Sa Sabungan, ang Pakikisama ay makikita din sa pamamagitan ng pagtaya o pagpusta sa manok na ilalaban ng iyong kaibigan o sa itinuturing na kasamahan tulad ng kanayon o kababayan. Kalimitan ay sinusuportahan mo ang kanilang ilalabang manok sa pamamagitan ng pagtaya dito bilang tanda ng Pakikisama. Balikan natin ang aklat ni Nid Anima, sa kuwento namang “Switching Loyalties”, ipinapakita din ang magandang samahan ng mga sabungero. Sa bawat laban ng manok ng mga tao sa nayon, sinusuportahan nila ito, kahit na ba parang mukahang dejado ang manok. At siyempre pa, sa bawat samahan, ay hindi din naman mawawalan ng mga bumabaligtad o iyong mga bumabalimbing, sa pag-iisip ng paraan kung paano sila makalalamang sa iba. At maaaring hindi ito maibigan ng iba dahil para sa kanila, mahalaga ang konsepto ng Pakikisama. Sa nakararami, dapat na maprotektahan ang isang samahan.

B. BAHALA NA

Sa kanluraning oryentasyon, Ang “Bahala Na” ay nangangahulugan ng mistikal na pagpapaubaya sa tadhana. Sa Sikolohiyang Pilipino, may iba pa itong konotasyon.[24] Kapag sinabi mong “Bahala Na”, ito ay may kaakibat pa ding pananagutan, na tinatanggap mo nag buong tapang; kahit na para bang wala nang pag-asa. Kadalasan, sa pilosopiyang Pilipino, ginagamit ang paguugaling ito sa pakikipagsapalaran. Ang sugal ay isang malaking pakikipagsapalaran. Wala itong katiyakan. Sa mga pagpusta dito, ipinagpapaubaya na lamang sa suwerte ang lahat. Ayon kay Antonio Hidalgo, ang pagtaya o pustahan ang siyang nagbibigay ng kakaibang aliw sa Sabong.[25] Ito umano ang pagkakataon ng mga namumuhunan na makabawi sa mga nagastos sa pagpapalahi ng mga manok. Para naman sa mga travesia, o iyong mga mamumusta na walang manok na ilalaban, malaking bagay na manalo lalo pa at ang ginawa mo lamang ay pumili ayon sa iyong pakiramdam na mas lalong nakakapaglapit sa kanila sa sugal. Sinasabi na ang pinakamagandang bahagi ng sugal ay iyong paghahatid ng pakiramdam na nahulaan mo ang magiging kahihinatnan ng laban base sa kutob.

Sa aklat ni Alejandro Roces, ang mga kuwento ay umiikot sa buhay ni Kiko, na siyang kumakatawan sa lahat ng mahilig sa Sabong. Sa bawat kuwento, ipinapakita ang mahigpit na pagpapaubaya ni Kiko sa kapalaran sa pamamagitan ng pakikipagsapalaran sa sugal. Ilang beses na siyang natatalo, sa katunayan ay bihira siyang manalo pero hindi pa rin siya tumitigil sa pagsusugal. Marami siyang mga pamahiin na inaakala niytang magbibigay sa kanya ng suwerte upang manalo. Kadalasan pa, lahat ng kanyang pera ay ginagawa niyang kapital sa Sabongsa pagbabakasakaling madodoble o lalago pa ito. Ganito ang paraan ng pag-iisip ng mga taong mahilig sa sugal. Subalit sa totoo, hindi tayo maaaring dumepende sa suwerte sapagkat hindi ito maaasahan sa laht ng pagkakataon. Hindi lamang sa pagtaya o pagpusta maipapakita ang matinding pagsasalalay ng mga sabungero sa pilosopiya ng “Bahala Na”. Ang Sabong, tulad ng naunang nabanggit ay isang uri din ng hanap-buhay para sa ilan. Bukod sa mga taong nagtatrabaho sa loob ng Sabungan. Marami rin ang nagnenegosyo sa pamamagitan ng pagpapalahi ng mga manok na panabong. Isang magandang halimbawa sa aklat na “Close Encounter With the Feathered Kind”, ang kuwento ni Humberto. Dahil sa natural na pagkahilig nito sa Sabong, naisipan niyang gawing negosyo ang pagpapalahi ng mga manok na sasabungin. Sa ganang kaniya, bukod sa kikita siya ay makatitiyak pa siya sa kalidad ng manok na kaniyang ipanlalaban. Ngunit dahil sa kawalan ng sapat na karanasan sa negosyong pinasok, at dahil sa mahigpit na pakikipagsapalaran, hindi siya nagtagumpay. Napakalaki ng ipinuhunan niya para dito at sa katunayan naisangla pa niya ang lupang tanging pamana ng kanyang nasirang mga magulang. Lahat, nang dahil lamang sa pilosopiyang “Bahala Na”. Dito natin mapagtatanto ang masamang epekto ng ganitong paguugali lalo pa at sa sugal ito gagamitin. Pero ayon nga sa ilan, likas sa mga Pilipino ang ganitong pilosopiya sa buhay at mahirap nang maalis ito.

C. PAGIGING MATAPAT

Isang magandang aspekto daw ng larong Sabong ay ang katapatan ng mga naglalaro nito. Ang “pagiging matapat” ay isang ugaling hindi umano likas sa mga Pilipino lalo na sa kasulukuyang panahon. Halos bawat isa ay umiisip ng paraan kung paano makalalamang sa kanilang kapwa. Iisip at iisip sila ng paraan kung paano makakapandaya. Sa pulitika, negosyo, trabaho at gobyernoat maging saan mang aspekto ng lipunan ay kaakibat na ang iba’t-ibang uri ng pandaraya. Sa Sabong, hindi naman masasabing wala talagang dayaan na nagaganap, marahil mahirap itong iwasan lalo pa nga’t isa itong sugal; isang paraan upang makuha ang pera ng iba. Mahirap maihiwalay ang lamangan sa ganitong konteksto.

Ang kapansin-pansin at katangi-tangi lamang sa larong ito, bihirang maganap ang mga kaso ng pandaraya dahil hindi ito pinapayagan ng mga tao, kinukundena nila ang mga ganitong pangyayari. Sa Sabong, isang tango lamang sa pagtaya ay sapat ng garantiyang pagpusta. Hindi ko talaga lubos na maisip kung paano nila nagagawa na matandaan ang mga pusta ng bawat tao nang walang sapat na katibayan isipin pang pera ang pinag-uusapan. Walang kailangang pormal na kasulatan upang isagawa ang mga pusta, ngunit sa oras na matapos ang laban, mapapasaiyo ang iyong ipinusta pati ang pinanalunan hanggang sa kahuli-hulihang sentimo. ayon sa mga sabungero, sila ay mayroong isang salita o iyong tinatawag na palabra de honor na sinusunod nila at bihirang sinisira. Anu’t-ano man ang katotohanan sa likod ng kasunduang ito, hindi maiaalis na minwan talaga ay nakakamanghang paniwalaan ang ganitong sistema.

Sa mga kuwentong nabasa ko, napagalaman kong may bahid ng katapatan ang mga tao sa kultura ng Sabong. Una, tulad ng nabanggit, sa paraan ng pagtaya nila. Ikalawa, galit na galit ang mga tao sa pandarayang nagaganap sa mga laban. Hindi nila pinalalampas ang mga pangyayaring tulad nito. Balikan natin ang kuwentong “Tiope Artists” ni Nid anima. Ang magcompadre na sina Filo at Sendong ay nagkasundong gumawa ng isang tiope o isang pandarayang isinasagawa sa pamamagitan ng paglalaban ng dalawang manok kung saan sigurado ang pagkatalo ng isa. Kalimitan ay may kapansanan ang isa sa mga manok na inilalaban. Ganito ang paraan na naisip ng dalawa. Ngunit bago pa man maganap ang laban, nalaman na kaagad ng mga tao na isang tope ang magaganap. Galit na galit ang mga tao sa mga mandarayang ito. Sa Sabong, isang kahiya-hiyang sitwasyon ang mahuli ka sa akto ng pandaraya. Kukutyain ka ng lahat o dili naman kaya ay tahasan kang papahiyain bilang isang parusa kaya bihira din ang gumagawa nito. Sa kaso nina Filo at sendong, nasuong sila sa isang matinding kahihiyan pagkatapos malaman ng mga tao ang kanilang ginawa. Sa katapusan, hindi lamang nasira ang kanilang reputasyon kundi pati na rin ang kanilang pagkakaibigan at ang kanilang pagiging magcompadre.

Sa kabilang dako, sa panig naman ni Kiko, inilahad pa niya sa isang husgado ang kaso sa pagdedesisyon ng natalong laban ng kanyang manok. Ipinagkatiwala niyang matalino ang pagpapasiya ng hukuman sa naganap na laban kung saan napatay ng kanyang manok ang kanyang kalaban subalit natalo pa rin dahil sa pagtakbo ng kanyang alaga matapos makita ang patay na manok. Maaaring nakakatawa ang mga pangyayari. Eksaherado ang paglalapat nito ngunit isa lamang ang nais nitong ihatid sa mga mambabasa: ang katotohanang mahalaga sa sabong ang pagiging patas ng bawat laban. Bawal ang dayaan at lamangan.

Sa ganitong pagkakataon, hindi kaya’t dapat naating tularan ang sistemang ito sa Sabungan? Bakit hindi ito subukan sa aspekto ng lipunan na higit na nangangailangan ng ganitong pagiisip? Halimbawa sa pulitika at gobyerno.

D. KONSEPTO NG KATAPANGAN

Isang pagtuligsa sa larong sabong ay ang paniniwala ng ilan na ito ay tahasang pagpapakita ng karahasan at kalupitan sa mga manok na ginagamit sa paglalaban. Marahas at kadalasan pa ay madugo ang kinakahinatnan ng bawat laro. Ayon pa sa mga mahigpit na tumutuligsa dito, ang samahang kung tawagin ay SPCA (Society for the Prevention of Cruelty to Animals), ang Sabong ay hayagang pagpapakita ng kalupitan sa mga hayop, partikular sa mga manok na panabungin. Lalo pa at ito ay isinasagawa bilang isang uri ng pagsusugal. Sinegundahan naman ng mga konserbatibo, mga relihiyosong grupo at mga moralista ang panawagan ng naturang samahan. Layunin nilang ipatigil at gawing isang ilegal na gawain ang Pagsasabong. Ito ang nagudyok kay Reyna Victoria ng Inglatera na itigil ang Sabong sa kanilang bansa at iba pang lugar sa Europa noong ika-labing-siyam na siglo.[26] Nanalo ang SPCA sa petisyon na ito kaya’t tuluyang naipatigil ang laro.

Kung gayon ano nga ba ang meron sa larong ito at patuloy itong kinahuhumalingan ng mga panatiko at deboto ng laro? Isang teoryang maaaring makakasagot nito ay ang pananaw ng mga kalalakihan sa konsepto ng “katapangan”. Para sa kanila, ang mga manok na panabong ay sumisimbolo ng tunay na katapangan. Dagdag pa dito, pilit nilang dinedepensa na hindi kalupitan ang paglalaban ng mga manok dahil likas naman talaga sa mga ito ang hilig sa pakikipaglaban.[27] Ito diumano ang tanging nais nilang gawin sa lahat. Nabanggit din sa unang bahagi ng pag-aaral ang pagkokompara nila sa Boksing at Sabong at ayon sa kanila higit na pagpapakita ng karahasan ang una dahil tao ang pinaglalaban dito.

Sa Kuwentong “The Fighting Cock Father Was Not” ni Nid Anima, sinasabing pinakahinahangaan ng mga panatiko sa mga manok na sasabungin ay ang tapang ng mga ito sa pakikipaglaban. Mayroon daw ang mga itong determinasyon na manalo hanggang sa huli, o kahit hanggang kamatayan. Bukod pa dito, hindi nila iniinda ang sakit na dulot ng bawat pakikipaglaban dahil ang tanging layunin nila ay ang manalo sa kalaban.para daw bang wala sa emosyon ng mga ito ang sakit o ang pag-iyak. Lalaban sila hanggang sa huling patak ng dugo at huling hininga.

Sa kuwento namang “The Last battle of Martin Mayo” ni Antonio Hidalgo, ipinapakita kung paano inihahalintulad ng mga magsasabong ang kanilang mga sarili sa kanilang mga manok. Tulad ito ng pag-uugali ng mga taga-Bali. Sa istorya, isang kilalang negosyante at politiko si Martin Mayo. Ginagalang at tinitingala siya ng lahat, palaban at maprinsipyo sa buhay. Subalit isang malaking dagok sa kanyang buhay ang dumating nang malaman niya na mayroon siyang malubhang sakit at ikamamatay niya ito. Nagmula siya sa mahirap na pamumuhay dati hanggang sa yumaman siya s\dahil sa pagsisikap. Matagal na din siyang mahilig sa Sabong kahit noong mahirap pa lamang siya at nang magkaroon siya ng pagkakataon, nabigyang laya niya ang hilig sa Sabong. Marami siyang mga tauhan at malaki ang kanyang farm . paborito niya sa lahat ng kanyang manok si Sultan. Matagal na niya itong alaga at subok na sa lahat ng kanyang laban. Sa mga huling araw ng kanyang buhay, ihinanda niyang muli si Sultan sa isang laban kahit sinabi ng kanyang mga tagapagalaga na hindi nanito kakayanin dahil sa katandaan, subalit ipinilit ito ni Martin. Sa araw ng laban, nagpakita ng kahanga-hangang husay at tapang si Sultan sa kabila ng katandaan nito. Subalit, namatay ito sa labanng iyon. Ipinakita dito ang pagkokompara ni Martin sa kanyang sarili sa kanyang alaga na hanggang sa kahuli-hulihang sandali ng buhay ay hindi kinakitaan ng kahinaan.

E.KATAMARAN

Isang matinding paniniwala na likas sa mga Pilipino ang “katamaran”. Kahit ang ating pambansang bayani na si Dr. Jose Rizal ay naniniwala sa katotohanang ito mula sa kanyang akda na pinamagatang “The Indolence of the Filipinos”. [28] ang ganitong kaisipan ay nag-ugat marahil dahil sa pagkahilig ng mga Pilipino sa pagistambay, paginom ng alak at pagsusugal. Sa pagsusugal, sa halip na umisip sila ng paraan upang makahanap ng isang marangal at makabuluhang trabaho, mas pinipili nilang magsugal na lamang sa paniniwalang mas kikita sila nang madali sa ganitong paraan. Hindi nila naiisip na sa ganitong paraan din bumabagsak sila at tuluyang hindi nakakabangon sa nalugmok na kalagayan. Tayong mga Pilipino, hangga’t may makikita tayong mas madaling paraan ng pagkakakitaan, pipilitin nating doon tumungo kahit walang katiyakan o kasiguruhan.

Balikan natin ang kuwento ni Humberto, kung inilaan lamang sana niya ang kanyang perang naipon sa isang mas makabuluhang bagay o negosyo, hindi sana ito nalustay sa sugal. Hindi sana nadamay pati ang lupang ipinamana ng kanyang magulang sa kanya.sa huli, wala na nga siyang pera at lupa, wala din ang mga manok na pinaglaanan niya ng malaking kapital. Kadalasan, malaki talaga ang perhuwisyong dulot ng sugal di lamang sa kabuhayan kundi pati na rin sa relasyon ng pamilya at pagkatao ng taong nalululong dito.

Isang mahusay na patunay dito ang kuwento ni Migs San Juan. Maagang nalulong sa Sabong si Migs. Sa katunayan, ito ang naging dahilan ng alitan nila ng kanyang mga magulang na kinahantungan ng pagtatakwil sa kanya ng mga ito. Pero hindi napigilan ng pangyayaring ito ang sobrang pagkaadik niya sa Sabong. Nang magkaasawa siya, hindi pa rin niya itinigil ang bisyo kaya’t parating gipit ang kanyang pamilya at laging umaasa sa iba. Dahil din sa sobrang kahirapan ay namatay ang kanilang panganay na anak. Dinamdam ito nang husto ng kanyang asawa na si Juanita at iniwan siya. Bumalik din ito ngunit hindi pa rin tumigil si Migs sa pagsusugal. Naging daan ito upang ang kanyang asawa ang maghanap-buhay. Natuklasan na sa paghahangad na maiahon ang pamilya, namasukan ang kanyang asawa na si Juanita bilang masahista sa isang casa. Nang magkaroon muli sila ng anak, si Mylene ganoon pa rin ang naging takbo ng kanilang pamumuhay. Ito ang naging daan upang madisgrasyang mabuntis si Mylene nang maaga. At dahil sa pagnanais na mabuhay ang anak, namasukang itong hostess sa Japan. Ito ang nagbigay ng laya kay Migs na matustusan ang bisyo. Hanggang sa mamulat siya isang araw dahil sa panunumbat ng kanyang anak sa kanyang kapabayaan bilang haligi ng tahanan. Madamdamin ang kuwento ni Migs na malinaw na nagpakita ng masamang epekto ng sugal sa relasyon ng mga pamilya. Ito ang kalimitang dahilan ng hidwaan.

Sa kabilang dako, sa istorya naman ni Kiko, tulad ng ibang sabungero, wala din siyang inatupag kundi ang magsabong. Bukod pa dito, isa din siyang mahigpit na panatiko ng mga pamahiin at kasabihan na ayon sa kanya ay makapagdudulot sa kanya ng suwerte sa pagsasabong. Ngunit sa huli naman, wala pa ding nangyayari sa mga ito at natatalo pa rin siya sa sugal. Hindi ang suwerte ang makapagbibigay sa atin ng kagimhawaan kundi ang pagsusumikap na mabago ang ating kalagayan sa buhay. Kung wala tayong ginagawang hakbang upang umahon sa takbo ng ating pamumuhay ay wala talagang mangyayari. Wala pa ringmas mabisang agimat kundi ang pagsusumikap.

Mga Teoryang Sosyalismo

A. MARXISMO

Kahit na saang aspekto ng lipunan, hindi maaalis ang paglitaw ng di-pagkakapantay-pantay ng antas ng pamumuhay.palagi pa ding mababanaag ang katotohanang nakaaangat ang mga mayayaman sa mhihirap. Ayon sa mga taong malimit sa Sabungan, halos lahat ng uri ng tao ay nahihilig sa Sabong, mayaman man o mahirap. Ngunit, hindi masasabing pantay-pantay din ang pagtingin sa kanilang lahat sa loob ng Sabungan. Ayon sa mga pananaliksik ni Marialita,Tamanio-Yraola,[29] sa puwesto pa lamang daw ng upuan sa Sabungan, kapansin-pansin na ang paghihiwalay sa mga uri ng tao. Ang mga tahor, o ang mga mayayamang malaking pumusta ang nasa unahan at siyang binibigyan ng pinakamagandang puwesto, kasunod ang mga nasa palko, ang mga kung tawagin sa lipunan ay “middle class” at ang huli ay ang mga nasa ibabang palko, ang mga mahihirap na kalimitan ay mga miron o tagapanood lamang ng laban.

Sa kuwentong “Chicken Thief” ni Nid Anima, si Luisito ay isang “trainer” o tagapagalaga ng manok ng isang mayamang tahor na kung tawagin niya ay Boss. Sa kanyang istorya, ipinakita kung paano namumuhunan nang malaki ang mga tahor na ito para sa isang libangan lamang. Kumukuha pa sila ng maraming tauhan na siyang mag-aalaga at magsasanay ng kanilang mga manok, mga imported na panabungin, at iba pang mga kagamitan at siyentipikong paraan ng pagpapalahi. Si Luisito ay isang kilalang mahusay na “trainer” at galing sa pagkokondisyon ng mga manok na panabong kaya naman parating nanalo ang kanilang mga panlaban. Hindi iilang beses na may nagtangkang sulutin siya sa kanyang Boss at nag-aalok ng mas malaking sweldo. Ngunit maingat din naman niya itong tinatanggihan dahil sa malaking pagpapahalaga niya sa pinagsamahan nila ng kanyang Boss. Ngunit nang ninais na ni Luisito na tumigil sa trabaho sa paghahangad na makauwi sa kanilang probinsya ay inakala ng kanyang Boss na paraan lamang niya ito upang lumipat ng ibang tahor. Gumawa ito ng paraan upang masuong siya sa gusot. Pinagbintangan siya nitong nagnakaw ng mga manok nito. Ni hindi man lamang ikinunsidera ang pinagsamahan nila ni Luisito na sobrang pinahalagahan ng huli. Dito natin masasaksihan ang pang-aabuso ng mga mayayaman sa mga mahihirap at ang pribelihiyong kanilang tinatamasa.

Sa mga kalipunan naman ng kuwento sa akda ni Antonio Hidalgo, ipinakita rin ang agwat ng antas sa lipunan. Sina Martin Mayo at Oscar Bernardo ay mga asensistang hindi lamang nagtataglay ng malalaking farm para sa mga panabong kundi mayroon ding mga tauhan na nag-aalaga sa kanilang mga alaga. Sa mga kuwento, ipinakita ang iba’t-ibang istorya ng buhay ng mga tauhang ito at ang kani-kanilang mga dahilan sa pagpasok sa ganitong uri ng trabaho. Ipinakita ang mga abang kalagayan at katayuan nila sa buhay. Lahat ay mga biktima ng matinding kahirapan. Ang Sabong para sa kanila ay isang dibersyon at libangan lamang ngunit pinag-uukulan pa rin nila ito ng limpak-limpak na salapi. Isang bagay na kahit kailan ay hindi matatamasa ng mga nasa mababang antas ng lipunan na ang tanging nasa isip lamang ay kung paano kumita ng pera sa pamamagitan ng Sabong.

B. PATRIYARKAL NA LIPUNAN

Ang Sabong ay isang larong para sa mga kalalakihan laman. Patuloy itong pinaghaharian ng mga kalahi ni Adan na mahilig sa aksyon at bakbakan. Isa itong implikasyon ng isang konsrbatibong pananaw ng ating lipunan na may mataas na pagtingin para sa mga kalalakihan. Mga paniniwalang tulad ng dapat ang mga lalaki ang magdedesisyon sa tahanan, at hindi dapat salungatin ang kanilang mga kagustuhan. Ang mga babae ay kalimitan na sunud-sunuran lamang sa mga desisyon ng kanilang mga asawa.

Paano masasalamin ang ganitong kaisipan at paniniwala sa larong Sabong? Kalimitang hindi sang-ayon ang mga asawa sa pagsusugal ng kanilang mga kalalakihan sa kadahilanang marami itong idinudulot na masamang epekto, tulad ng pagkalustay ng pera, at kawalan din ng panahon dahil sa lagi na lamang ang mga manok ang kanilang inaatupag. Ito ang kalimitang pinag-uugatan ng alitan sa loob ng tahanan lalo na sa pagitan ng mga mag-asawa. Pero patuloy pa din ang mga lalaking ito sa pagsasabong kahit pa labag ito sa kalooban ng kanilang mga kabiyak. Para sa kanila,wala namang magagawa ang mga babae kahit pa anong pagpigil ang gawin nila.

Ilapat natin itong muli sa mga kuwento ng iba’t-ibang karanasan sa Sabong. Sa kaso ni Kiko, sa sobrang hinaing ng kanyang asawa sa bisyo, ay ikinunsulta pa niya ito sa isang pari at nakiusap na pagsabihan ang asawa. Pinagsabihan naman kaagad ng naturang pari ang kahilingan ng babae. Agad namang idinipensa ni Kiko ang sarili at sinabing sobra lamang madaldal ang kanyang asawa at kaya umano nito nasabi ang gayon ay dahil sa reklamo nitong kawalan niya ng panahon sa pamilya. Sinabi pa nito na mas mainam nang magsabong kaysa malulong siya sa alak at babae. Hindi ikinatuwa ng pari ang baluktot na pangangatwiran na ito ni Kiko at sinabi pa nitong ang mga lalaking tulad ni Kiko ang klase na sakaling masunugan ay mas mauuna pang iligtas ang mga manok kaysa sa pamilya.

Sa kwento namang “Cockfighting and God” ni Nid Anima, si Tatang ay matagal na ring deboto ng sabong tulad ni Kiko. Nanawa na din ang asawa nito na pagsabihan siyang itgil na ang bisyo dahil wala din namang nangyayari at hindi rin nito siya pinakikinggan. Nakasanayan na umano niya ang gabitong bisyo ng asawa at sa katunayan, sa katagalan ay isinasama pa niya sa kanyang panalangin na sana ay manalo ang mga panabong ng kanyang asawa.

Tulad din ito ng naging kaso ni Humberto kung saan walang nagawa ang asawa sa naging plano na gawing kapital ang kanilang konting naipon sa pagnenegosyo ng pagpapalahi ng sasabunging manok. At nang minalas ito at naisangla pati lupa, muli ay wala siyang nagawa at sunud-sunuran pa rin sa sinabi ni Humberto. Kung pinakinggan lamang sana siya nito ay hindi sana nila sasapitin ang ganoong kalagayan.

At sino ang hindi makakapuna sa kuwento ng buhay ni Migs San Juan. Siya ang pinakamatinding halimbawa ng isang dominanteng haligi ng tahanan. At ito ang naging mitsa ng pagkakawasak ng kanyang pamilya at pagkamatay ng kanyang anak.

Ang kaso ng mga tauhanng nabanggit ay ilan lamang sa mga sitwasyon kung saan mahigpit pa rin ang pangingibabaw ng mga kalalakihan sa ating lipunan. Sa Kultura ng Sabong na pinaghaharian ng mga lalaki, ipinapakita ang mataas na pagtingin sa kanila. Hindi lamang ito mababanaag sa mga usaping tulad ng sugal kundi pati na rin sa iba pang aspekto ng ating kultura at kabihasnan. Hindi maitatanggi na isang bahagi pa din ng ating lipunan ang pagiging konserbatibo ng pagtingin sa karapatan ng mga lalaki at babae.

KONGKLUSYON

Ang larong Sabong ay naging malaking bahagi ng kabihasnang Pilipino. Ito ay nanatiling isang kilalang uri ng libangan, sugal, isang pinagkukunan ng kabuhayan at ang mga Sabungan ay patuloy pa ring naging pook-aliwan at mainam na pinagkukunan ng mga isyu at balitang panlipunan, pampulitika at pangkabuhayan ng alinmang bayan, nayon o lungsod na katatagpuan nito

Isang uri ng libangan para sa mga taong ang tanging hanap lamang sa Sabong ay isang pampalipas-oras. Ang pakahulugang ito ng Sabong ay karaniwang matatagpuan sa mga mayayamang mahilig sa naturang laro. Kumbaga, “Gaming” at hindi “Gambling” ang kanilang habol, pero mangyari pa, isang karangalan para sa kanila ang panalo ng kanilang mga pag-aaring sasabungin. Isang pinagkukunan naman ng kabuhayan para sa una, ang mga may-ari ng sabungan. Ikalawa, para sa mga taong nagtatrabaho sa loob nito pati na rin ang mga tauhan ng mga tahor at asensistang ginagawang negosyo ang pagtpapalahi ng mga manok na panabong. Ikatlo, ang mga nagtitinda sa loob ng sabunga. At higit sa lahat, ang mga pumupusta o tumataya sa mga manok sa pag-asang mananalo at kikita sila ng pera sa pamamagitan ng sugal. Isang pook-aliwan din ang mga sabungan sapagkat para sa mga apisyonado ng larong ito, ang mga maaksyong labanan sa laro ang siyang nagbibigay ng kulay at nagdadagdag ng kasiyahan para sa mga kalalakihang nahuhumaling dito. At panghuli, dahil sa ito ay lugar na pinagkakatipunan ng maraming tao, ito ay nagsisilbing pin agmumulan ng mga balita at isyung may kinalaman sa pulitika, kabuhayan at lipunan ng isang lugar sa pamamagitan ng pagpapalitan ng mga opinyon at impormasyon

Mula naman sa mga ulat at impormasyong natipon, malinaw na naibahagi ang kagyat na kasaysayan o pinagmulan ng Sabong sa Pilipinas at maging sa mga karatig na bansa sa Timog-Silangang Asya at maging sa Kanlurang bansa tulad ng Inglatera at Amerika. Nabigyang diin din ang katotohanang bago pa man dumating ang mga Kastila sa bansa ay bahagi na ng kultura ng mga Pilipino ang Sabong. Ang mga termino at katawagang Kastila na magpahanggang sa ngayon ay ginagamit sa laro ay dulot ng mahabang pakikipag-ugnayan natin sa bansang Espanya.

Sa mga pagsusuring isinagawa, malinaw na naipakita na masasalamin sa kultura ng Sabong ang ilan sa mga nakagisnang kaugalian at kabihasnan. Tulad ng Pakikisama, Bahala Na, konsepto ng Katapangan, Pagpapahalaga sa Sarili, Pagiging Matapat at ang Katamaran.

Maipapakita din maging sa Sabong ang di-pantay na antas ng lipunan. May mga taong nakakaliha ng mga pribelehiyong higit kaysa iba. Ito ay tuwirang nagpapakita ng katayuan, katauhan at katungkulang kanilang ginagampanan sa lipunan. Ang ginugugol nilang salapi at panahon sa Sabong ang siyang nagtatakda ng pagtatamasa sa katayuang ito.

Isa pang kalagayang panlipunan na masasalamin sa libangang ito ay ang patuloy na pamamayani ng patriyarkal na tradisyon. Ito ay sa kadahilanang ang Sabong ay isang larong laan para sa mga kalalakihan. Sinasabing ang mga karahasan at aksyong nakapaloob sa laro ay isang oryentasyong tanging ang mga lalaki lamang ang makauunawa at makakahilig.

Subalit kung may mga naidudulot na kabutihan ang Sabong sa lipunan, ito ay marami ding masamang naidudulot. Una, ang matinding pagkalulong sa sugal na ito ang posibleng dahilan ng pagbagsak ng kabuhayan. Sa halip na makatulong ay higit ang perhuwisyong maaaring idulot nito. Ikalawa, ito ay nagiging sanhi ng patuloy na kawalang interes ng marami sa paghahanap ng isang tiyak na trabaho o hanap-buhay. Ang Sabong ay walang kasiguruhan. Hindi mo masasabi sa lahat ng pagkakataon ang iyong suwerte dito. Ikatlo, ang Sabong din ang nagiging sanhi ng di-pagkakaunawaan at hidwaan sa loob ng pamilya lalong higit sa pagitan ng mga mag-asawa. Karamihan pa rin sa mga kababaihan ay walang kimi na magreklamo sa sugal na ito na nagdudulot ng maraming problema sa kanilang buhay. At para naman sa mga moralista, ang larong ito ay hayagang pagpapakita ng karahasan at kalupitan sa mga manok na ginagamit sa mga laban.

Tunay ngang hindi matatawaran ang pagpapahalaga ng mga Pilipino sa Sabong. Mula noon, hanggang ngayon, ito ay patuloy na tinatangkilik at naging isang bahagi na ng lipunan, kultura, at kabihasnang Pilipino.

REKOMENDASYON

Ang Sabong ay bahagi na ng kabihasnang Pilipino. Dahil napakarami pa ring deboto at panatiko ng laro, mahirap na itong alisin. Ayon nga sa isang kasabihan, mahirap alisin ang isang bagay na nakasanayan. Marami na ding mga batas at alituntunin ang mga ipinalabas tungkol sa paghihigpit ng mga patakaran sa pagsasabong. Ang Sabong ay sugal. Nilalayon ng mga naturang batas na ilimita ang pagdaraos ng pasabong tuwing may mga okasyon at mahalagang pagdiriwang-bayan lamang tulad halimbawa ng mga fiesta. Layon din ng mga ito na mapangalagaan ang Sabong bilang isang mahalagang tradisyon ng isang katutubong uri ng libangan at aliwan at hindi bilang isang uri ng sugal.

Samakatuwid, may mga batas na ipinatutupad kaugnay ng pagdaraos ng Sabong ngunit kapansin-pansing hindi maayos ang pagpapatupad ng mga ito. Marami pa ding mga ilegal na gawain (kung pagbabasehan ang nakasaad sa mga batas), ang nagaganap sa kabila ng mga patakarang ito.

Unang iminumungkahi ay ang muling pagpapatibay ng mga nasabing batas o patakaran sa Sabong sapagkat luma na ang mga alituntunin na nabanggit. Ito ay huling binigyang pansin sa panahon ng administrasyong Marcos. Ang iba sa mga ito ay hindi na angkop sa kasalukuyang panahon. Kailangang gumawa ng mga karampatang pagbabago upang maiakma ito sa kasalukuyan. Ikalawa, kailangan ding bigyan ng pansin ang mahigpit na pagpapatupad ng mga batas. Mahahalata ang mabuway na pagpapalakad kaya’t marami ang hindi sumusunod dito. Sa mga mas malala pang sitwasyon, marami ang hindi man lamang nakababatid na may mga patakaran at batas na dapat sundin ukol sa pagsasabong. Ikatlo, dapat ay magkaroon ng lisensya ang lahat ng mga sabungan at ilimita ang bilang ng mga ito sa bawat nayon, bayan o lungsod upang makontrol ang walang habas na pagsusugal gamit ang laro. Ito ay makatutulong din upang maiwasan ang paglaganap ng marami pang mga ilegal na sabungan o tupada sa iba’t-ibang lugar sa bansa. ikaapat, maaaring gumawa din ng mga batas na magtatakda ng mga alituntunin na nauukol sa pagpusta o pagtaya upang maiwasan naman ang labis na pagsusugal sa mga sabungan. Maaaring magkaroon ng limitasyon sa halagang dapat ipusta o itaya. Sa gayong paraan din maaaring makamit ang layunin na mapanatili ang laro bilang isang uri ng libangan na magpapakita ng kabihasnan nating mga Pilipino at hindi bilang isang uri ng sugal. At panghuli, magpatupad ng mga nararapat na kaparusahan para sa sinumang mahuhuli na lumabag sa batas na ito.

Kalakip ng maikling pag-aaral na ito ang ilan sa mga batas na ipinatupad noong panahon ni Pangulong Marcos ukol sa pagsasabong sa Pilipinas.


Image hosted by Photobucket.com

ENDNOTES



[1]
Marialita Tamanio-Yraola “ Ang Sabong sa Katagalugan” ( Thesis, MA UP Diliman, Quezon City)

[2] Marialita Tamanio-Yraola, Ibid. VI p.59

[3] Nid Anima, “Close Encounter with the Feathered Kind”, (Filipiniana Library Foundation, 1996)

[4] Alejandro Roces, “Of Cocks and Kites” (short stories), ( Regal Publishing Co., Manila, 1959)

[5] Alejandro Roces, Ibid.

[6] Nid Anima, Ibid.

[7] Antonio Hidalgo “ Cockfighting Stories” (Milflores Publishing, Inc. New Manila, Quezon City, 2000)

[8] Marialita Tamanio-Yraola, Ibid. II, p.3

[9] Lansang, Angel J., “Cockfighting in the Philippines” First Edition, 1966

[10] Ibid. p.10

[11] Lansang, Angel J. Ibid.,p.10

[12] Lansang, Angel J. “Cockfighting University” ( UP Filipiniana Library no date)

[13] Lawrence P. Briggs, “The Ancient Khmer Empire” Philadelphia: American Philosophical Society,1951

[14] Clifford Geertz “ The Interpretation of Cultures”, (Basic Books Inc., Harper Torchbooks), p.418

[15] Marialita Tamanio-Yraola Ibid., p.8

[16] Theodore G. Pigeaud, “Java in the Fourteenth Century”, ( The Hague: Matiuus Nijhoff, 1960)

[17] Clifford Geertz, Ibid., p.418

[18]Marialita Tamanio-Yraola, Ibid., p.9

[19] Ibid., p.5

[20] Ibid., p.6

[21] Lansang, Angel J. “In Defense of Cockfighting” (Omar Publications,1977)

[22] Rogelia Pe-Pua “Sikolohiyang Pilipino, Teorya, Metodo, at Gamit”, (Surian ng Sikolohiyang Pilipino Philippine Psychology Research and Training House, Lunsod ng Quezon, 1982)

[23] Susan B. Santillan “Pagkataong Pilipino I. Layunin, Ugali, Katangian at Pakikipagkapwa” tinipon ni Virgilio Enriquez (Departamento ng Sikolohiya, Unibersidad ng Pilipinas, Lunsod ng Quezon, 1975)

[24] Zeus Salazar “Ulat ng Unang Pambansang Kumperensya sa Sikolohiyang Pilipino” Inedit nina Antonio, Reyes, Pe at Almonte. (Lungsod ng Quezon Pambansang Samahan sa Sikolohiyang Pilipino, 1976)

[25] Antonio Hidalgo “Professional Cockfighting” (Anvil Publishing Inc., Manila,1994)

[26] Lansang Angel J., “Cockfighting in the Philippines” 1st Edition,1966

[27] Lansang Angel J. “Cockfighting University” (UP Library, no date)

[28] Jose A. Samson “Is There a Filipino Psychology?” Inilathala sa Unitas Disyembre,1965

[29] Marialita Tamanio-Yraola, “ Ang Sabong Sa Katagalugan” (MA Thesis, UP Diliman Quezon City)


BIBLIOGRAPIYA

A. LIBRO

Anima, Nid. Close Encounter With The Feathered Kind (A collection of short stories) Filipiniana Library Foundation,1996

Anima, Nid. In Defense of Cockfighting, Omar, Publications, 1997

Belo, Jane. Traditional Balinese Cultures, New York: Colombia University Press, 1970

Briggs, Lawrence. The Ancient Khmer Empire. Philadelphia: American Philosophical Society,1951

Geertz, Clifford. The Interpretation of Cultures Basic Books Inc., Harper Torchbooks

Hidalgo, Antonio. Cockfighting Stories Milflores Publishing, Inc. New Manila, Quezon City,2000

Hidalgo Antonio. Professional Cockfighting Anvil Publishing Inc., Manila,1994

Lansang, Angel J.. Cockfighting University, (UP Library, no date)

Lansang, Angel J.. Cockfighting in the Philippines, 1st Edition, 1996

Loeb, Edwin Meyer. History of Sumatra, Kuala Lumpur: Oxford University Press(ca. 1972)

McElroy, Barton. The Function of the Manobo Society, (Asian Center, UP, 1967)

Pe-Pua, Rogelia. Sikolohiyang Pilipino: Teorya, Metodo at Gamit, Philippine Psychology Research and Training House,1982

Roces, Alejandro. Of Cocks and Kites, Regal Publishing Co.,Manila,1959

Samson, Jose A. Is There a Filipino Psychology?, (inilathala sa Unitas, Disyembre,1965

Susan B. Santillan. Pagkataong Pilipino I. Layunin, Ugali, Katangian at Pakikipagkapwa tinipon ni Virgilio Enriquez (Departamento ng Sikolohiya, Unibersidad ng Pilipinas, Lunsod ng Quezon, 1975)

B. TESIS

Yraola Tamanio Marialita. Ang Sabong sa Katagalugan, Thesis (M.A.) UP, Quezon City, 1978


1 Comments:

  • Gusto mo ba ng online work?
    Earn while you enjoy time with your Family & Lovedones!
    Email me: tirada_uno_23@yahoo.com / tiradauno@gmail.com / n.helphelphelp@gmail.com
    Contact Number: 09465046302
    For more details, kindly visit http://www.unemployedpinoys.com/

    By Blogger Tiradauno, at 2:02 PM  

Post a Comment

<< Home