Ganito Kami Ngayon, Paano Kayo Bukas?

Tuesday, October 25, 2005

Lights, Camera, Action

Ang mga Pilipino ay likas na mahilig sa pelikula. Ngunit isang bagong uri ng pelikula ang nauuso ngayon. Ngunit hindi kasing uso ng "uso" ang mga "indie" na pelikulang ito. Ano nga ba ang independent Filipino film? Pinag-aralan ni Cris Navarrete, isang freshman ng BA Film and Audio-Visual Communication.

Lights, Camera, Action:

Pagsilip sa mga lente ng mga kasalukuyang ‘independent’ filmmakers at kanilang mga obra

ni Ma. Criselda C. Navarrete

I. Introduksyon

Sa dahan-dahang paglubog ng pelikulang Pilipino, mayroon pa kayang paraan upang maiahon ito?

Sigurado akong mas pipiliin mong manuod ng mga gawa ni Stephen Spielberg kaysa ni Olivia Lamasan. Mas magaling nga naman ang effects ng Minority Report kaysa Feng Shui. Kahit ako rin, hindi ko pagaaksayahan ng isang daang piso ang pelikulang pinagbibidahan lang nila Mark Herras at Jennylyn Mercado. At sa hirap din ng buhay, imbis na pang-sine, ipapangkain mo na lang sa anim mong supling ang pera. Bigas na lang at instant noodles, kaysa malambot na upuan na may sandalan sa de-aircon na sinehan habang inaaliw ka ng idol mo.

Kapos kasi sa pagpipilian. Masyado ng gasgas ang formula, ang kwento. Lagi na lang may dance number sa isang resort. Lagi na lang may usapan bago magpatayan. Lagi na lang yung kontrabida ay kamag-anak ng bida. Lagi na lang hindi namamatay yung bida kahit na nasa loob na siya ng gusali o oto na tinaniman ng bomba ng mga alagad ng kontrabida. Patuloy tayong maghahanap ng bago. Kailangan kasi ng pagbabago. Kasama na rin ang nilalaman ng mga pelikula. Ang mga Pilipino ay hindi bobo. Alam natin ang ating papanoorin. Hindi ba?

Subukan mong manuod ng ‘Batang Trapo’ ni Mes de Guzman, ‘Isnats’ ni Michael Angelo Dagnalan at Rodolfo Ares, ‘Bikini Open’ ni Jeffrey Jefurian o ‘Lasponggols’ ni Sigfried Barros Sanchez. Ilan lamang yan sa mga bagong independent o “indie” films. Kung ganyan ang mga nasa sinehan ng SM at Robinson’s, magaatubili ka pa kayang gumastos ng isang daan para sa isang pelikulang gawa ng Pilipino? Sa gitna ng mga nabanggit na suliranin, dagdag mo pa ang tumataas na gastusin upang makabuo ng isang mahusay na pelikula, ang mataas ding buwis na ipinapataw sa mga ito at ang pamimirata, bumangon pa kaya ang pelikulang Pilipino?

Kamakailan lamang ay naganap ang Cinemalaya Independent Film Festival. Itinatag noong 2004, naglalayon itong dumiskubre, pasiglahin at bigyang-parangal ang mga likha ng Filipino filmmakers na may sariwang pananaw at masining na integridad. Nais din nitong buhayin at palakasin ang industriya ng pelikulang Pilipino sa pamamagitan ng mga bagong lahi ng Filipino filmmakers. Daan-daan ang nagpadala ng kanilang obra, ngunit masusing sinala ito hanggang sa huli ay anim ang naglaban-laban sa short film category at siyam naman sa full-length feature category. Prinoklamang Best Film sa full-length category ang “Pepot Artista” ni Clodualdo del Mundo, Jr. at “Mansyon” ni Joel Ruiz naman ang humakot ng Best Film sa short film category.

Ang hamon ay kung paano palalaganapin, kung paano mabibigyan ng pagkakataon ang madla upang mapanood ang mga ito.

II. Tesis na Pangungusap

Ang mga Filipino independent films ay tunay na sumasalamin ng kulturang Pilipino, at nagbibigay-sigla sa industriya ng pelikulang Pilipino. Hindi kinakailangan ng malaking badyet sa paglikha ng isang mahusay na pelikula. Ang tema ng istorya at pamamaraan kung paano ilalahad ito ang nagdidikta sa kasasapitan ng isang pelikula.

III. Suliranin

1.) Bakit hindi sumisikat, lalo na sa mga karaniwang tao ang mga ganitong pelikula?

2.) Paano ito masosolusyonan?

3.) Ano ang mga kaibahan ng mga pelikulang ito sa mga pelikulang pinagbibidahan ng mga sikat na artista at mapapanood sa mga popular na sinehan?

IV. Sarbey ng kaugnay na pag-aaral

Ang simulain ng pelikulang Pilipino

Sa pamamagitan ng dalawang mangangalakal na Swiss na nagbukas ng kauna-unahang sinehan sa Maynila, naipakilala ang ‘motion pictures’ sa mga Pilipino. Nagpapatungkol kay Rizal, ang pambansang bayani ang mga naunang mga palabas na ginawa ng mga dayuhan dito sa Pilipinas. Taong 1919 ginawa ni Jose Nepomuceno ang isang ‘silent film’, “Ang Dalagang Bukid” (The Country Maid), ang kauna-unahang pelikulang Pilipino. Sa “Collegian Love” (1930) naman ni Vicente Salumbides nabigyang-tunog ang mga ‘silent film’. Ang mga ‘talking pictures’ ay dumating sa Pilipinas sa tulong ng direktor na si George P. Musser na lumikha ng “Ang Aswang” (The Witch) noong 1932. At si Nepomuceno muli ang gumawa ng kasaysayan sa pamamagitan ng paggawa ng unang ‘talkie’ na likha ng Pilipino, ang “Punyal na Ginto” (Golden Dagger) na natapos noong 1933.


Ang pag-usbong ng pelikulang Pilipino ay dahilan sa pagsisikap ng mga artist-producers tulad nila Nepomuceno (Malayan Motion Pictures, 1917), Salumbides (Salumbides Film Corporation, 1927) at Julian Manansala (Banahaw Pictures, 1929). Habang palaki pa ng palaki ang industriya, nagbigay-daan ang mga nabanggit sa mga korporasyon tulad ng Filippine Films (1934), Parlatone Hispano-Filipino Corporation (1935), Excelsior Pictures (1937), Sampaguita Pictures (1937), LVN Pictures (1938) at X’Otic Films (1939). Nang naganap ang Pacific War noong 1941, ang industriya ng pelikulang Pilipino ay napasailalim sa mga korporasyon na hawak ng iisang pamilya gaya ng mga Veras (Sampaguita) at mga de Leons (LVN).

Matapos ang panahon ng digmaan, muling nabuhayan ang industriya noong 1946. Sa taong din ito nagsanib ang Premiere Productions, Sampaguita Pictures at LVN Pictures at di naglaon ay kinilalang “Big Three”. Kumilala rin ang Southeast Asian Federation of Film Producers noong 1954 ng mga mahuhusay na pelikula sa pamamagitan ng Asian Film Festival. Dito nabigyang-parangal ang maraming Filipino obra na nagbukas rin ng pelikulang Pilipino hindi lamang para sa mga Pinoy, pati na rin sa mga taga-ibang bansa.

Alternatibong pelikulang Pilipino

Tinaguriang Golden Age of Philippine Cinema ang 1950’s. Ang mga ‘full-length features’ nila Lamberto V. Avellana at Gerardo de Leon ay regular na nakakakuha ng gantimpala sa Asian Film Festival. Ngunit sa Europa naman nakilala ang mga ‘short films’ na gawa rin ng mga nabanggit.

Noong 1980 pinagtibay ng mga ‘short film practitioners’ ang kanilang di-pagsang-ayon sa ‘commercial cinema’. Dahil dito, nabuo ang Experimental Cinema of the Philippines, na sumuporta sa kanila, nag-alis ng ‘censorship’ at pagbubuwis, naglaan ng badyet at nagtatag ng mga ‘annual international film festival’. Ang pagkapanalo rin nila Lino Brocka at Mike de Leon sa Cannes Film Festival ang nagtulak para laitin ng madla ang proyekto ng gobyerno, ang Manila International Film Festival, dahil sa sobra-sobrang pondo, pagkamatay at pagkalibing ng buhay ng mga manggagawa upang matapos ito ng mabilisan.

Lalo pang namayagpag ang mga ‘short film practitioners’ sa pagkapanalo ni Lino Brocka sa San Sebastian Film Festival (Angela Markado 1980), pagpugay ng Time Magazine sa Orapronobis (1989) sa Cannes Film Festival na gawa rin ni Brocka, nang ang “Mababangong Bangungot” (1977) ni Kidlat Tahimik ay nanalo ng ‘critic’s prize’ sa Berlin Film Festival, ang pagkilala kay Nick de Ocampo sa kanyang Trilogy on the Theme of Poverty and Prostitution (1986) sa Brussels Super-8 Film Festival, at ang pagpugay ni Tony Rayns, isang kritiko sa Britanya, kay Raymond Red sa kanyang super-8mm. program. Narito ang kanyang sinabi:

…there is none of the imaginative constraint that generally brackets such film as “worthy”. And many of the films whose prime concerns are not social or political succeed in blending a distinctly Filipino cultural identity with a larger awareness of issues that gives them a real cosmopolitan edge. Filipino independent cinema has as wide a range as any other independent film culture in the world…

V. Layunin

Ang pag-aaral na ito ay naglalayong bigyang-pansin ang mga independent films na siyang nagbibigay ng bagong mukha sa larangan ng pelikulang Pilipino. Nais rin nitong ipakita na ang pagpaksa sa ating kultura sa mga pelikula ang nagkakaloob ng buhay sa mga pelikulang ito.

Nilalayon ding ipakita ng tesis ang kasalukuyang kalagayan at hinaharap ng pelikulang Pilipino sa mata ng mga mag-aaral. Gayon din ang kanilang kaalaman ukol sa indie films.

VI. Teoretikal na Balangkas

Katangian ng makabagong pelikulang Pilipino

Ang pelikula na sumisibol ngayon ay gawa ng mga batang filmmakers. Pinagsama-samang medium, ang kanilang pagtingin sa katotohanan at kalayaan mula sa mga sikat na kumpanyang nagbebenta lamang ng pelikula: ito ang kanilang pinagsasama-sama upang makabuo ng tinatawag na independent film.

Una, ang medium. Binibigyang-daan ang paggamit ng mga praktikal at magaang mga kagamitan tulad ng sa super-8 film. Dahil sa hindi komplikadong teknolohiya na nagbibigay pa rin ng magandang kalalabasan tulad nang sa mga mas malalaking kagamitan, madaling makakatuklas ng mga bagong paraan ng pagkuha ang mga direktor.

Isa na rito ang mga gawa ni Raymond Red na may mga kakaibang nilalaman, uri at pamamaraan na nagkaloob ng malaking bagay sa pelikulang Pilipino. Ang kanyang mga obra tulad ng Ang Magpakailanman at Ang Hikab, pati na rin ang gawa nila ni Ian Victoriano (Kabaka, Kamada) ay hindi tulad ng mga gasgas na pelikulang napapanood sa mga sinehan. Malaya ang mga ito sa nakakasawang drama (iyakan), aksyon (bakbakan) o mga kantahan at sayawan. Ang kanyang mga gawa ay umaapila sa ‘karunungan’ at hindi lamang sa ikaliligaya ng kanyang manonood.

Pangalawa, ang pananaw ng mga bagong filmmakers ay naaayon sa kasalukuyang panahon. Tinatalakay nila ang mga pangyayaring hindi tinatalakay dati dahil sa takot na hindi mapanood at takot na hindi umayon sa mga konserbatibong isipan ng mga tao.

Ikatlo, ang huling katangian ng makabagong pelikula ay ang sistemang malaya mula sa produksiyon at distribusyon. Maliit lamang ang perang nilalaan sa mga pelikulang ito at tulad ng nasabi, gumagamit ng mga praktikal na kagamitan. Sila ay malaya sa impluwensiyang pananalapi at artistiko, malaya mula sa pelikulang komersyal.

Ang French New Wave

Ang terminong French New Wave o La Nouvelle Vague ay tumutukoy sa likha ng isang grupo ng French filmmakers sa mga taong 1958 hanggang 1964. Ang mga pangunahing direktor na bumuo sa grupo, François Truffaut, Jean-Luc Godard, Claude Chabrol, Jacques Rivette at Eric Rohmer, ay mga kritiko sa magasing Cahiers du Cinéma.

Noong huling bahagi ng 1950’s at unang bahagi ng 1960’s, maraming batang filmmakers sa iba’t ibang bansa ang gumagawa ng sarili nilang “new waves”, ngunit ang new wave sa Pransya ang naging pinakaimpluwensyal sa lahat. Ang kaalaman ng mga French New Wave directors sa film theory at criticism ay malaking salik upang mangyari ito. Tinuligsa nila ang mga mamahalin, paulit-ulit at studio-bound na French cinema noong 1940-1950. Pinuri nila ang gawa ng ibang French filmmakers - Jean Renoir and Jean Vigo, mga Italian neo-Realists - Roberto Rossellini and Vittorio De Sica, at ilang direktor sa Hollywood - Alfred Hitchcock, Nicholas Ray and Howard Hawks, na nakita nilang auteurs (authors) ng sarili nilang pelikula kahit na sila’y nagtrabaho sa loob ng sistema ng isang istudyo. Sila ay tinawag na auteurs dahil sa mga kakaibang temang tumatakbo sa loob ng kanilang mga obra. Dahil sa mga kritikong ito, ang “cinema” ay nabigyang-halaga upang mapag-aralan tulad ng iba pang art form.

Ang karanasan ng mga French fimmakers ay nakita sa kanilang mga pelikula. Noong nagkaroong ng giyera, ang Pransya ay isang okupadong bansa, di tulad ng England o Amerika, at ang pagtitipid at tensyon ng isang populasyon na ang iba’y ayaw at iba naman ay kumakampi sa mga Nazis, ay nag-iwan ng marka sa kultura at kaisipan ng bansa. Ang pilosopiyang existentialism ay lumaganap sa bansa matapos ang giyera. Ito’y maituturo sa mga French intellectuals tulad ni Jean-Paul Sartre. Ang existentialism ay pagpapatibay sa indibidwal, sa malayang pamimili, sa kawalan ng rasyonal na pagintindi sa mga bagay, at sa katawa-tawang mga bahagi ng buhay ng isang tao. Nahaharap sa mundong walang pakialam sa kanya, ang isang existentialist, ay kumikilos ng totoo sa kanyang sarili, gamit ang kanyang kalayaan at responsible sa kanyang mga aksyon, at hindi nalilimita sa mga papel na “dapat” sana niyang ginagampanan ayon sa lipunan.

Ang kadalasang mga karakter sa mga pelikula ng French New Wave ay mga mahihirap na batang anti-heroes at loners, na walang pamilya, na kumikilos ng walang pakialam, kadalasang imoral ang mga aksyon at maaaring mabilang sa mga anti-authoritarian. Sa Varda's Cléo de 5 á 7 (1961), ang bida ay tumigil sa pagganap ng mga papel na nais ng ibang taong gampanan niya nang malaman niyang siya ay may kanser, at nabuhay ng totoo sa sarili.

Ginamit ng mga direktor ang makabagong teknolohiya na makukuha noong 1950’s, na nagbigay ng pagkakataon upang makapagtrabaho sila sa mismong lokasyon at hindi sa loob ng istudyo. Gumamit sila ng magagaan at hand-held na mga kamera, na likha ng kumpanya ng Éclair, upang magamit sa mga dokyumentaryo. Ang kanilang mga pelikula ay makukuhanan ng mabilis at mura sa tulong ng bagong teknolohiya, na nagpalakas ng loob ng iba pang direktor upang makapag-eksperimento at naghandog sa mga direktor ng mas pinaigting na artistic freedom sa kanilang mga obra.

VII. Depinisyon ng mga Termino

1.) kasalukuyan – huling bahagi ng taong 2004 hanggang 2005

2.) indie – independent; walang kinalaman sa mainstream at hindi ginawa para sa pera at kasikatan kung hindi upang maipakita ang mga napapanahong isyu; alternatibo, maliit ang badyet , hindi komersyal at malaya sa mga pormula

3.) short film – mga pelikulang hindi tatagal ng 60 minuto

4.) full-length feature – mga pelikulang tumatakbo ng isang oras at pataas

5.) existentialism - pagpapatibay sa indibidwal, sa malayang pamimili, sa kawalan ng

rasyonal na pagintindi sa mga bagay, at sa katawa-tawang mga bahagi ng buhay

ng isang tao

VIII. Metodolohiya

Ang pakikipanayam o interbyu ay ginamit upang makalikom ng mga datos na hindi matatagpuan sa mga libro, lalung-lalo na’t ang paksa ng tesis ay hindi pa masyadong nailalathala. Nagkalat din ng 80 questionnaires sa apat na paaralan - Ateneo de Manila University, University of the Philippines, Diliman, College of St. Benilde at Far Eastern University – upang malaman ang kasalukuyang kaalaman ng mga mag-aaral sa indie films at ang kanilang saloobin ukol sa pelikulang Pilipino. Gumamit ng stratified random sampling sa pagpapalaganap ng mga questionnaire, kung saan nabigyan ng pagkakataong irepresenta ang bawat paaralan ng dalawampung mag-aaral na pinili ng walang sistema (random).

IX. Saklaw ng Pag-aaral

Bilang ang mga librong nailathala na nagpapatungkol sa mga independent films, lalong-lalo na sa kasalukuyang panahon. Kaya naman minabuti ng awtor na pakipanayamin ang ilang taong may nalalaman dito. Nilimitahan ng awtor ang pagsusuri sa mga pelikulang lumabas simula kalagitnaan ng 2004 hanggang kasalukuyan upang mabigyang-tuon ang ‘kasalukuyan’. Hindi lahat ay naisama sa pag-aaral na ito sapagkat hindi mabibilang ang mga lumabas na independent films sa mga taong ito. Ang mga nakasaad dito ay maaaring kumatawan sa lahat o karamihan ng mga pelikulang gawa ng mga indie directors sa kasalukuyang panahon. At dahil sa pagkakaroon ng kaunting panahon, ang sarbey ay nilimitahan lamang sa apat na paaralan.

X. Pagsusuri, Presentasyon at Interpretasyon ng mga Datos

Ilang halimbawa ng indie films

Pepot Artista ni Clodualdo del Mundo

Sa mumunting kaparaanan ng batang kaedad ni Pepot, katulong ang kaibigan at pamilya, naabot niya ang pangarap maging artista sa lakas ng imahinasyon. Imahinasyon ang kayamanan ni Pepot. Isa siyang batang hindi nauubusanng pangarap, ng imahinasyon, at kung paano siya sisikat, paano siya mananalo at magiging artista, ay 2 repleksyon ng mukha ng drama. Ibig iparating na mensahe ng filmmaker ang pagkabaliw natin sa showbiz, ay isang kakatwang bisyo na maaari nating lakas o kahinaan. Bilang bansa, matindi ang ating pagkahumaling sa telenovela, drama, sine, hindi nalalayo ang pamilya ni Pepot sa laman ng araw-araw napalabas sa tv at pelikula. Palaging magkabuhol ang sining at buhay, at pinababayaan nating maging magkatulad ang araw-araw na pamumuhay at ang mga palabas saating paligid.

*Nakatanggap ng Best Film at Best Editing (sa galing ni Daniel Adapon) sa Full-length feature category ang Pepot Artista sa Cinemalaya Philippine Independent Film Festival 2005.

Ang Anak ni Brocka ni Sigfreid Barros-Sanchez

Umiikot ang pelikula sa isang bente anyos na lalake na sinasabing siya ang anak ni Lino Brocka. Nagtatag ng isang grupo na pinangunguhan ni Soliman Cruz (madalas na makikita sa mga indie films) upang malaman ang katotohanan ukol dito. Ang paghahanap sa nawawalang anak ni Brocka ay pagtingin rin sa iba’t ibang papel na ginampanan niya: “Hahanapin nila si Lino Brocka as taga-Nueva Ecija, Lino Brocka bilang theater artist, Lino Brocka bilang director sa TV, direktor sa pelikula, bilang bakla, bilang aktibista, at bilang tao na may flaws – na hindi siya superman. May mga mali rin siyang ginawa sa buhay,” ayon kay Sig na siyang sumulat at nagdirek ng nasabing pelikula. Ipinakita rin sa pelikula na kahit sino ay maaaring maging anak ni Brocka. Dagdag pa ng direktor, “Naaamoy natin, napakiramdaman natin, nakita ng mga mata natin ‘yong mga bagay na nakita ni Lino Brocka. That makes us – and everyone else who will journey that same journey – as sons and daughters of Lino Brocka.”

*Nakatanggap si Sigfreid Barros-Sanchez ng seed money mula sa Cinemalaya para sa kanyang isang proyekto, ang Lasponggols.

Isnats ni Mike Dagnalan

Isa sa mga pelikula sa Cinemalaya Film Fest, nais talakayin ng obra na ito ang materyalismo at teknolohiya at ang pagdami ng krimen sa mga lungsod sa kasalukuyang panahon, lalong-lalo na ang cellphone snatching. Ito ang kauna-unahang full-length film na nilikha ng writer-director na si Mike Dagnalan. Ayon sa kanya, “Ang isang level ng kwento, ‘yong attachment ng tao sa materyalismo, sa mga bagay, kasi lahat ng characters doon, napaka-attached sa materyal.” Umiikot ang storya sa isang dating pulis at out-of-school-youth na mga snatchers. Sila ay mga miyembro ng sindikato na nagbebenta ng mga nakaw na cellphone. Mga hindi sikat na artista na kaibigan rin ng direktor ang bumubuhay sa mga papel. Tanging si Berting Labra lamang na gumaganap bilang may-ari ng isang bilyaran na siya rin naming tambayan o sanctuary ng grupo, ang kilala sa pag-arte.

*Base sa isang screenplay na nagkamit ng Palanca Awards noong 2005 ang Isnats.

Sa aking pagkakagising mula sa kamulatan ni Ato Bautista

Ginampanan ni Carlo Aquino ang papel ng isang mag-aaral sa kolehiyo na mahina ang loob, masunurin sa magulang na halos hindi na kilala ang sarili niya, na napasama sa isang grupo ng lasing na mga kabataan. Habang ang bida ay walang malay, ang kanyang storya ay ipinapakita na kakabit rin ng iba pang storya. Ang pelikulang ito ay gumamit ng mga salitang-kalye at mga mura. Ngunit ayon kay Direk Ato, “We don’t glorify violence. We don’t glorify the foul language. We don’t even glorify sex.” Ang likhang ito ay isang pagmulat sa pagwawalang-bahala at hindi pangingialam ng mga Pilipino sa iba. Tulad nga ng pamagat, ikaw nga ay literal na gising ngunit wala ka naming pakialam sa mga nangyayari sa iyong paligid. “Mulat ka, gising ka, pero hindi ka gising, tulog ka,” dagdag pa ng direktor.

Ayon kay Ato Bautista ukol sa Philippine Cinema: “Kaya tayo nahuhuli, we’re not showing our culture. Wala tayong pwedeng ibenta kundi ang istorya natin.”

*Isinama ng Unitel Pictures ang Pagkakagising, na isinulat ni Shugo Praico, sa mga pelikulang ilalabas nito sa international market.

Diliman ni Mes de Guzman

Kakaiba naman ang pinapaksa ng black-and-white na pelikulang ito: ang mga manunulat at makakata at ang tanong na, ‘Susulat ka ba para magising ‘yong bayan mo, o para mas lalong mabulag ang mga tao?’

Binibigyang-buhay ni Cris Villanueva ang isang manunulat na mag-isang tumitira sa isang bahay sa Diliman, Quezon City. Isang araw ay napatingin siya sa labas ng bintana at doon niya nakita ang isang lalaki sa bubong. Ang pagtingin niya dito ay naging isang kakaibang ritwal na umuubos ng kanyang oras.

Si Mes de Guzman ang nasa likod din ng Batang Trapo na nagkamit ng grand prize para sa maikling pelikula sa Morocco International Filmfest. Ang Batang Trapo rin ay isa (ang iba ay Panaghoy sa Suba, Dekada ’70, Bagong Buwan, Milan at Liyab, isang maikling pelikula ni Sockie Fernandez) sa mga pelikulang Pilipino na ipinalabas sa Cannes International Film Festival sa France noong Mayo.

*Ang Diliman ay unang ipinalabas sa National Commission for Culture and Arts (NCAA) noong Marso 25. At ipinakita rin sa taon-taong ginaganap na Pelikula ng Mowelfund, Lipunan Film Festival at Singapore International Film Festival. Ito rin ay naimbitahan sa San Francisco International Film Festival sa Estados Unidos.

Dilim ni Topel Lee

Sa taong 2010 kung saan walang kaayusan ang Maynila, umiikot ang buhay ng isang mamamatay-tao na kinaibigan ng isang batang-kalye. Ang pamagat (Dilim) ay tumutukoy sa pangunahing tauhan ng kwento. Ayon kay Mes de Guzman, “Dilim ‘yong parang naging tawag na sa kanya, kasi pag gabi, pag may ina-attack siya, parang andon siya sa dilim lagi, bigla na lang siyang lalabas.” Gumagamit ng maraming CGI o computer-generated images ang Dilim. Ito ay isinulat ng mga kilalang manunulat sa larangan ng indie films, sina Hector Macase at Sigfreid Sanchez.

Sa North Diversion Road ni Dennis Marasigan

Sampung eksena, isang kotse, isang daan – ang North Diversion Road ay naging saksi sa pagmamahalan, pag-aaway, pagbabati, paglalambingan, iyakan, at tawanan ng dalawang tao. Ang pangangaliwa ng lalaki ang nagpaikot sa bawat eksena.

*Ito ay isa sa anim na pelikula sa Cinemaone Originals: Digital Film Festival 2005 na inihandog ng Cinema One at ipinalabas sa SM Megamall Cinema 12 noong Hulyo 30 at 31.

Haystacks on Fire ni Aileen Alcampado

Ang maikling pelikulang ito ay magdadala sa atin sa isang masakit na daan at katotohanan patungo sa pagtanda. Ito ay tungkol sa isang farmboy at sa kanyang childhood sweetheart. Ang kanilang kabataan at pagmamahalan ay nanganganib matapos dahil nais ng babaeng tumakas sa kanilang baryo. Di naglaon, nalaman din ng lalake na nais rin ng kanyang ina na umalis doon kaya kinulong ito ng kanyang tatay sa palayan. Ito naman ang hindi gagawin ng batang lalake sa babaeng kanyang iniirog. “Gusto niyang i-free yung girl kasi ganon niya kamahal ‘yon,” sabi ng direktor. Kinuhanan sa Bulacan, ang pelikula’y pinondohan ng National Commission for Culture and Arts. Ito’y nakatakdang ipalabas sa mga paaralan sa Bulacan. Ayon kay Aileen, ito’y may aral na nais niyang ibahagi sa mga kabataan.

Timbang Lata ni Herbert Navasca

Mahirap na bakla na kinailangan pumili sa pagtupad niya ng kaniyang pangarap simula pa noong pagkabata – ang pagiging guro at ang pagtatrabaho bilang mananayaw upang may makain. Nanalo ang thesis ni Herbert sa UP, kung saan siya nagtapos ng Film and Audio-Visual Communication, ng Best Filipino Film noong 2004 sa eKsperim{E}nto Filmfest. Ang nasabing festival ay isang lokal na kompetisyon para sa mga eksperimental na pelikula. Black and white and Timbang Lata at may malungkot at seryosong mood. Ayon sa direktor, “Madrama siya. Hindi tradisyunal na gay film na makulay, masaya.”

Ang Pagdadalaga ni Maximo Oliveros ni Aureus Solito

Nanalo ng:

Golden Zenith for Best First Fiction Feature Film at the Montreal World Film Festival

Cinemalaya Film Festival-GMA SPECIAL JURY PRIZE

Best Production Design

Iba pang kasama sa Cinemaone Originals:

Dilim ni Topel Lee

Ang Anak ni Brocka ni Sigfreid Barros-Sanchez

Sandalang Bahay ni Mark Gary at Denise Reyes

Anak ng Tinapa ni Jon Red

Sitak ni Liza Cornejo

Iba pang full-length feature na nakilahok sa Cinemalaya Independent Film Festival 2005:

Ang Pagdadalaga ni Maximo Oliveros ni Aureus Solito

Baryoke by Ron Bryant

Bigtime by Mario Cornejo

ICU Bed # 7 by Rica Arevalo

Isnats by Michael Angelo P. Dagñalan

Lasponggols by Sigfreid Barros Sanchez

Room Boy by Alfred Aloysius Adlawan

Sarong Banggi (One Night) by Emmanuel dela Cruz

Pagsarbey sa 80 mag-aaral, edad 16-20 anyos, mula sa apat na paaralan – Ateneo de Manila University, College of St. Benilde, Far Eastern University at University of the Philippines, Diliman.

Table 1

Kadalasang panonood sa sinehan


ADMU

CSB

FEU

UPD

Linggo-linggo (weekly)

5

1

1

0

Minsan sa loob ng dalawang linggo

6

9

3

4

Minsan sa isang buwan

9

8

11

11

Minsan sa isang taon

0

2

5

5

Karamihan ay nanonood minsan sa loob ng dalawang linggo at minsan sa isang buwan. Maaaring ito’y sa kadahilanang sila ay mag-aaral at hindi nila prayoridad ang panonood ng sine. Maaari ring hindi sapat ang pera upang makanood sa isang maayos na sinehan na nangongolekta ng 80-100 piso sa bawat sine. O di kaya nama’y karamihan ay mas pinipili na lang manood sa bahay ng mga nabiling pirating DVD o VCD upang mas makamura, lalong-lalo na’t gusto nilang magkaroong ng sariling kopya ng pelikulang nais nila.


60 sa 80 ang nanonood ng pelikulang Pilipino. Marami pa rin ang tumatangkilik sa pelikulang atin. Makikitang ang ADMU at CSB ang may pinakamaraming sumagot ng “hindi”. Ito’y marahil karamihan sa mga mag-aaral dito ay may-kaya at mababa ang tingin sa pelikulang Pilipino. Kapansin-pansin naman na karamihan sa FEU at UPD, kung saan ang mga mag-aaral ay hindi gaanong mayayaman, ay nanonood nito.

Table 2

Dahilan kung bakit hindi tinatangkilik ang pelikulang Pilipino


ADMU

CSB

FEU

UP

Pangit ang effects

2

4

2

1

Paulit-ulit ang istorya

4

2

2

1

Hindi magagaling ang mga artista

2

4

1

1

“Jologs”, “squatter”, “corny”, “baduy” ang mga salitang kadalasang ginamit upang ipahayag kung bakit hindi nila nais manood ng pelikulang Pilipino. Ayon naman sa isang respondent, hindi ito makikitaan ng malalim na istorya.

Table 3

Alam mo ba kung ano ang indie film?


ADMU

CSB

FEU

UPD

Total

Oo

8

3

5

14

30

Di Sigurado

7

12

6

5

30

Hindi

5

5

9

1

20

Makikitang sa Unibersidad ng Pilipinas pinakamulat ang mga mag-aaral sa independent film. Ito’y marahil sa pagkakaroon ng sarili nitong Film Center na nagpapalabas ng mga independent films, lokal man o galing sa ibang bansa. Kung ipagpapalagay na ang sagot na “Di Sigurado” ay nahuhulog sa “Hindi”, 50 sa 80 o 62.5% ng sumagot ng sarbey ang hindi nakakaalam kung ano ang mga indies. Kakulangan sa pablisidad ang pangunahing dahilan kung kaya naman kakaunti lamang ang may alam na nabubuhay ang indie.

Table 4

Mga Pilipinong indies na napanood kamakailan


ADMU

CSB

FEU

UPD

Pepot Artista




1

Mga Pusang Gala

1


1

3

Pagdadalaga ni Maximo Oliveros




3

Bikini Open

1

2

1

3

WALA

19

17

18

17

Tulad ng naisaad kanina, ang kakulangan sa publicity ang maaaring dahilan kung bakit kakaunti lamang ang nakakanood ng mga indies. Isa pa, hindi sila ipinapalabas ng isang linggo sa mga sinehan, tulad ng mga komersyal na pelikula. Kitang-kita na kakaunti lamang ang nakapanood ng mga indie films kahit na sa taong ito namamayagpag ang mga ito dala ng maraming festivals. Iba pang indie na napanood ay Jose Rizal, The Camiling Story at Sa aking pagkakagising mula sa kamulatan.

Sa mga nakapanood nito, nailalarawan nila ang mga indies na may malalim at makabuluhan na istorya kahit hindi maganda ang visual effects. Sila rin ay kadalasang simple dahil maliit ang badyet at di gaanong naaadvertise. Makabago, matapang at hindi tipikal na mga istorya, na kumakatawan sa totoong kalagayan ng mga Pilipino at mga tunay na pangyayari sa lipunan. Ang pagiging “expressionistic” at natural ang naghihiwalay nito sa mga mainstream films.

Mas maraming nagsasabing ang pelikulang Pilipino sa kasalukuyan ay wala nang kwenta at palubog na, kulang sa kalidad, at gaya-gaya lamang sa mga pelikulang Hollywood. Ngunit ang iba naman ay naniniwalang bumabangon at gumaganda ang mga ito.

Marami (66.25%) pa ring malakas ang paniniwalang ang pelikulang Pilipino ay may pag-asang gumanda at umasenso sa hinaharap kung pagbubutihin ng mga direktor ang paggawa at kung susuportahan ng mga tao ang kanilang mga likha. Hindi sinasarado ng mga respondents ang kanilang pananaw sa pag-asenso nito kahit na karamihan ay negatibo ang tingin sa pelikulang Pilipino sa kasalukuyan.

XI. Kongklusyon

Ang mga Filipino Indie Films, na nagpapakita sa yaman ng ating kultura at sa mga katotohanan ng buhay, ang nagpapatunay na sa gitna ng palubog na industriya ng pelikula, may mapapatunayan pa rin ang mga Pilipino. Sa kasamaang palad, hindi pa ito masyadong kilala at kakaunti lamang ang nabibigyan ng pagkakataon upang mapanood ang mga ito dala ng maraming salik tulad ng kakulangan sa pablisidad at bilang na mga araw at lugar kung saan sila makikita.

XII. Sanggunian

(n.a.). ASEAN country reports on film. Manila: Office of the Media Affairs, 1983.

Joel David. Wages of Cinema: Film in Philippine Perspective. Q.C.: University of the

Philippines, 1998.

YEHEY! Corporation. “YEHEY! Entertainment.” Online. Internet. 2005. Available

URL: http://www.yehey.com/entertainment/movies/article.aspx?i=7585.

Stephen Nottingham. “The French New Wave.” Online. Internet. June 1998. Available

URL:http://ourworld.compuserve.com/homepages/Stephen_Nottingham/cintxt2.htm.

Joan Ariete. “Indie Films” YES! Magazine July 2005: 29-30.

Joan Ariete. “Indie Films” YES! Magazine September 2005: 47-49.

Ed Lejano. “Postscript to Cinemalaya: The buzz on the ‘indie’” Philippine Daily Inquirer

8 August 2005: D2.

Joel David. The National Pastime: Contemporary Philippine Cinema. Pasig: Anvil, 1990.

Nick de Ocampo. Short Film: Emergence of a New Philippine Cinema.

M.M.: Communication Foundation for Asia, 1985.

Del Mundo, Clodualdo. E-mail interview. 20 July 2005.

Co, Teddy. Personal Interview. 25 August 2005.

Dela Cruz, Khan. E-mail interview. 10 August 2005.

Ongkeko-Marfil, Ellen. Email interview. 17 September 2005.

APPENDIX:

Ang questionnaire

Magandang araw! Ako si Kris Navarrete, isang mag-aaral ng UP. Bilang bahagi ng aking tesis ukol sa mga Filipino Indie Films, malaking bagay ang pagsagot mo ng sarbey na ito. Maraming salamat.

Edad: __________

Kasarian: ____________

Paaralan: _________________________

1.) Gaano ka kadalas manood sa sinehan?

___Linggo-linggo (weekly)

___Minsan sa loob ng dalawang linggo

___Minsan sa isang buwan

___Minsan sa isang taon

2.) Nanonood ka ba ng mga pelikulang Pilipino?

___Oo (pumunta sa tanong # 4)

___Hindi (pumunta sa tanong # 3)

3.) Anu-anong mga dahilan kung bakit hindi?

___panget ang effects

___pauli-ulit ang istorya

___hindi magagaling ang mga artista

iba pang dahilan: _____________________

___________________________________

4.) Alam mo ba kung ano ang Indie/ Independent Film?

___Oo

___Di ako sigurado

___Hindi

5.) Anong (mga) Filipino indie film ang napanood mo kamakailan?

___Pepot Artista

___Mga Pusang Gala

___Pagdadalaga ni Maximo Oliveros

___Bikini Open

___Diliman

Iba pa: ______________________________

____________________________________

___Wala (pumunta sa tanong # 7)

6.) Paano mo mailalarawan ito/ang mga ito? ____________________________________

________________________________________________________________________

7.) Gamit ang 1 hanggang 3 salita, paano mo mailalarawan ang pelikulang Pilipino sa kasalukuyan? ________________________

___________________________________

8.) Tingin mo ba’y maganda ang kinabukasan ng pelikulang Pilipino?

___Oo

___Hindi

Pakikipanayam kay Ginoong Teddy Co

Kris: Good Evening po.

Teddy: Good Evening din.

K: Okay, ano na po, first question, agad. Ano po ba ang mga independent films?

T: Ah, okay, independent films, sa salita…Mas gusto mo English diretso o Tagalog?

K: Tagalog po kasi po tagalog yung thesis.

T: Okay. Ang independent film ay sa salita ng independent, ibig sabihin ah ay makalaya siya, ‘no? Kasi pag sinabi mong independent ang tatanungin mo, independent kontra ano. So, ang kabaligtaran ng independent ay yung commercial films. So para malaman natin kung ano ang independent, kailangan alamin natin yung commercial film. Ang commercial film, siya yung tinatawag na mainstream. Naka-establish na siya, kung saan ang pinakatanyag na quality niya ay yung pagka-commercial niya na binabase yung film sa kung gaano karami, kalaking pera ang nilalabas niya sa manonood. Kaya ang tawag diyan ay commercial. So pag commercial, syempre, ang mas malaking papel diyan yung ano, yung producer. Kaya yung producer nakakadikta siya sa direktor, sa mga filmmakers, kung anong klaseng film ang gusto niyang lumabas. Kahit na ibang klaseng film ang gusto ng mga lumlikiha ng films, kung sabi ng producer ito ang mas kikita, yan ang gagawin natin. So, ang sa commecial films marami ang kompromiso. Kung direktor ka na may napakatanyag na vision na sarili mo lang galing, hindi mo rin magagawa ‘yon ng one hundred percent dahil maraming ibang konsiderasyon: mga gusto ng producer mo, yung sabi ng producer mo yan ang hinahanap ng audience. So talagang minsan masyadong maraming nagdidikta kung ano ang kondisyon dapat ng pelikula mo, parang nakatali ang kamay mo. Ngayon, di naman ibig sabihin lahat ng commercial films ganon. Dahil may mga commercial films din na medyo pinagbibigyan ka rin ng producer. Minsan one hundred percent pang total freedom pero bihirang-bihira lang ‘yon. So karamihan ng commercial films may kompromiso. So ang independent, yan yung halos wala kang kompromiso. Ang kompromiso mo lang siguro ay dahil gipit ka sa budget. Pero pag dating sa idea, libre ka para gumawa ng kahit ano mang gusto mong ilikha na ayon sa vision mo bilang isang filmmaker.

K: Ang mga independent films po ba ay madalas po siguro low-budget, pero, medyo naguguluhan po ako. Pwede rin po bang magkaroon ng malaking budget ang isang independent film? Pwede rin po siyang ilabas sa lahat ng sinehan? Pwede pong mangyari ‘yon?

T: Pwede rin, alam mo kung, kasi pag sinabi mong independent tapos yung gusto ng direktor ay ganon. Tapos nagkataon din na nagustuhan ng mga manonood, na bihirang-bihira itong mangyari, pero kung minsan nangyayari ‘yan. Pwede kong banggitin yung The Godfather ni Francis Coppola. Actually commercial yon pero habang ginagawa niya naipasok niya, marami siyang sariling ideas na naipasok. Mga artistang gusto niya pinaglaban niya, nakuha niya. Yung papel ni Al Pacino dapat Bert Renolds yan. Sabi ng producer, sino ba ‘tong Al Pacino, sino bang manonood niyan. Pero pinaglaban ni Coppola na ipasok si Al Pacino, at tignan mo nanalo ng acting award ‘yan. Yung ehemplo ng Godfather ay napaka-bihirang-bihira lang talaga. Ganon.

K: Ah, nabanggit niyo po yung sikat na independent film sa ibang bansa. Ano pong alam ninyong independent film ang talagang sumikat dito sa Pilipinas at saka napanood ng halos maraming tao?

T: Unang-una sa modern times. Kasi meron din gumawa dati, wala tayong masyadong impormasyon tulad nung ‘30s, ‘40s, ‘50s. Pero yung talagang pinakasikat at maraming nakakaalam, yung ginawa ni Lino Brocka, Tinimbang ka ngunit kulang na talagang kwento yan, mga kwentong narinig niya nung bata pa siya sa probinsya nila, sa Nueva Ecija. Tapos ewan ko kung ano, yung sa pagkagawa, parang wala masyadong kompromiso dahil siya rin yung producer at yung mga investors niya, sila Raul Roco, sila Christian Monsod, di naman siya pinakialaman o ano. O eto lagay mo, lagay mo itong artista. Mag-shoot kayo doon. Kailangan may sex dito. Kailangan may putukan diyan. Walang naman nagdikta sa kanya ng ganon. So, itong Tinimbang ka ngunit kulang, isa sa mga pinaktanyag na matatawag nating independent film na sumikat din commercially. At, eto ah, nung nag-casting sila, si Christopher de Leon, hindi pa siya kilala. So, talagang sugal ito. Pero maganda rin naman ang resulta, kumita itong pelikula. Tapos yung sumunod, Maynila sa kuko ng liwanag, ganon din, pwedeng masabing indepdendent din siya na dinaan naman yung distribution sa commercial mainstream.

K: Ba’t po kaya, lalo na po ngayon, ba’t po ano, konti lang po yung mga taong may alam sa independent films?

T: Ah, alam mo kasi, ngayon lang talagang lumilitaw yung term na independent. Nung araw pag sinabi mong independent, napaka-exclusive non. Kasi yung independent film community noon ay napakaliit at halos walang commercial showing. Di naman pinapalabas sa TV, wala naming sinehan kasi gawa lang sa super 8 o sa 16 o minsan sa video lang. Maliit lang yung film stock niya. Halos walang publicity parang pwede mong sabihin na parang sila-sila lang e. Pero maraming gumagawa non, films, documentaries. Hindi lang natin napapansin kasi hindi sila pinapalaas commercially. At kung may screening man sa public minsan word of mouth lang. Nalaman mo, pinalabas pala sa isang, sa German Cultural Center. Pinalabas lang sa San Miguel Auditorium. Kaya, ang term na independent, ngayon lang medyo lumilitaw kasi nagkaroon ng malaking krisis sa commercial industry, pabagsak na e. Ang mahal kasi tapos hindi pa kumikita. Ngayon, may ilang commercial film directors itong mga huling taon, tulad sila Mario delos Reyes, sila Laurice Guillen, tsaka may ibang producers din na sinabing wag na lang natin sundan yung style ng industry, gawin natin na independent style. Ngayon, ginawa nila itong mga films nila, tapos pinalabas din commercially, ngayon kaya medyo sumisikat ang salitang independent.

K: Hindi rin po kaya, kung bakit hindi masyadong kilala po ang mga independent films ay dahil yung mga tao natatakot magsayang ng pera para sa kunwari, wala dun yung paborito nilang artista, katulad po ng mga sikat na Starstruck?

T: Pwede rin yon kasi malakas din ang dating kung meron kang artistang kilala. Kaya yan yung, tignan mo, yung strategy nila Lino Brocka, nila Mike de Leon noon. More or less mga independent naman ang gawa nila pero kumuha sila ng mga artistang galing sa ano, hindi naman yung mga malalaki pero may pangalan din. Kumuha sila ng mga artistang lumalabas sa commercial films. So, pinagsama nila yan sa mga kwento nila, sa mga vision nila tapos yung distribution nila sa sinehan. Kasi kung wala silang artistang sikat, talagang kokonti lang talaga manonood. Maliban lang yung tulad nang nangyari sa Tinimbang, yung kay Christopher, first starring rle niya yun e. Pero tignan mo, nandiyan naman si Eddie Garcia, nandiyan si Pinky de Leon, nandiyan si Lolita Rodriguez. Pero yung lahat, talagang mga unknowns. Kumuha lang sila ng mga isa o dalawang artistang sikat o medyo sikat na para tumulong sa pablisidad ng pelikula. Iba yung pablisidad sa kalidad ng film. Kaya hindi natin naririnig ng tulad ng Kidlat Tahimik, ibang films ni Raymond Red e kasi maiigi rin yung pagkagawa, kaya lang wala silang publicity. Ngayon isang paraan para magkaroon ka ng publicity, meron kang isang kilalang artista na kasama sa cast mo. Kasi kilala ng mga tao yan e, yan ang pwedeng magdala sa film para makilala siya.

K: Tungkol po dun sa mga artista, sa mga independent films po ba, nagpapabayad po sila?

T: Ganito yan e, kasi yung mga nakakaintindi, tulad nila, madalas sila Ronnie Lazaro, Joel Torre, si Pen Medina, alam mo mga artist din yun e. Nakakaintindi sila ng sentimyento ng mga independent filmmakers, na inuuna yung art kaysa sa pera. Tsaka in the first place, alam nilang halos walang pera yung mga gunagawa. Out of love lang yon. Salamat din na meron tayong mga ganong klaseng artista na nakakaintindi sa sitwasyon, kasi mga artist din sila. Alam nila na, pwede tayong gumawa ng limang commercial films diyan, palagay ko sa loob ng singkwentang taon meron pang naghahanap nito. Samantalang yung commercial film ko baka kinalimutan na. Kasi ibang klase ito at mataas ang quality. Ngayon willing sila na na to work for ano, para mas maliit yung sweldo, pinagbibigyan nila yung direktor o producer. Minsan libre pa nga e, pakainin mo lang. Pero sa tingin ko ngayon kasi pag nakita nila, lalo ngayon, may mga independent films din na kumikita, syempre manghihingi rin ng wastong bayad sa kanila. So ang mangyayari ngayon, may mga films na sisikat na yung usapan siguro sa umpisa ay mababa lang yung bayad o TY. Pero oras na kumita yung film, pag prorated din, malamang hihingi ng dagdag yung artista.

K: Bilang isa pong film student, tingin niyo rin po ba meron akong…Kasi gusto ko rin po po talagang tahakin ang daan ng paggawa ng pelikula. Tingin niyo po ba may mangyayari sa buhay ko sa hinaharap? Kikita po ba ko o gagawin ko lang po ba ito para sa passion ko sa art?

T: Tulad ng nasabi ko, marami naming paraan yun e. Kung ang style mo parang kay Kidlat Tahimik, ginagawa lang niya para sa sarili niya muna. Pag nagkataon may ibang gustong manood, ok lang. Pero kung wala, at least nasatisfy niya yung sarili niyang gusto. Pero kayang-kaya niya yan kasi may kaya yung pamilya niya e. Pwede rin yung mga ano, tignan mo itong Pusang Gala o, yung ginawa ni Ellen Ongkeko. Independent din yon, nagumpisa digital lang. Pero maswerte rin si Ellen dahil may kaya ang pamilya, tumulong din kahit papano. At ngayon pinalabas nila commercially sa tulong ng isang distributor. Ang balita ko kumikita naman. Ang maganda dito sa style naman ni Ellen, sinubukan na ipalabas sa sinehan, mas maraming nakakapanood dahil meron siyang outlet. Yung kay Kidlat Tahimik, patsamba-tsamba lang, pag narinig mo lang, ay palabas dito, palabas diyan, tatakbo ka. Tsaka eventually yung kay Ellen, mabebenta sa TV yan. Maaaring kumita siya. Pero lahat ng filmmaking, sugal yon. Pwede kang kumita, pwede ka ring maging pobre.

K: Bakit po ganon, kailangan po talaga ng distributors para mapalabas, kunwari sa mga SM Malls, ganon po?

T: Yan kasi ang sistema nung araw pa, nung umpisa pa. May mga negosyante naisipan nila, o eto yung magandang sistema. Tsaka hawig din tayo sa Hollywood e. Kahit sa anong parte ng mundo, ganon yung sistema, naging standard siya. Kasi, o sige mag-concentrate kayo sa theater, kami naman sa filmmaking. Yung iba may nagtitinda pa ng popcorn diyan. Di may kanya-kanyang linya diba? May kanya-kanyang parte. Parang profit-sharing din yon. Kikita yung sinehan, kikita rin yung films. Pag kumita yung films, kikita rin yung mga nagtrabaho diyan. Or dahil kumita yung film, may kasunod pa. Ngayon pwede rin naming di kumita yung film, pwede mong gawin for self-satisfaction. Kasi, total, halos walang budget naman yan e, no? Sarili ko lang yan e, tsaka nakamana ko ng ilang milyon diyan, walang problema diyan. May ibang filmmakers, tama na yung ganon, yung satisfaction na nakagawa sila, yung self-fulfillment as an artist. So hindi na nila iniisip na idaan pa sa commercial. Ngayon, kung kumita ang film, salamat, swerte. Kung hindi naman, ok lang. Pero syempre sa commercial kasi ang laki ng budget, kailangan talagang maibalik yung pera.

K: Ngayon po, ano pong mga institusyon ang tumutulong sa mga independent filmmakers?

T: Nung ‘80s tiyaka ‘90s malaking papel ang ginanap ng Mowelfund sa Film Institute dahil maraming studyanteng nag-training diyan e no. Meron pa silang equipment. Tsaka yung mga nagtuturo noon nakakaintindi sila kung ano ang independent film. Tapos yung sa Cultural Center of the Philippines film division, malaki ring papel dahil taun-taon nagkakaroon sila ng competition sa mga independent films na maikli, short films, 60 minutes and below. Diyan maraming naging filmmakers na independent, halos ito ang naging outlet nila. Mga competitions na ganyan. Kasi ilan lang e, hindi mo naman pwedeng ilabas sa TV yan. Iikutin nila mga film festivals. Eto pa minsan, kadalasan bagama’t hindi naman posibleng maicommercial release yung mga short films nila, pero nakakatulong yan sa pagikot nila sa mundo. Kasi ang daming film fests, lampas isang libo plus film festivals sa mundo. Baka may festivals diyan na babagay ang short films mo o independent films mo. Minsan may mga pinalad na filmmakers, naimbitahan sila, ganon. Libre lahat ano, pati pasahe nila,yung hotel nila. Minsan may pera pang binibigay sa kanila, ganon. Di naman lahat. Pero yan, yan ang isang perks kasi tulad ng mga pintor, may exhibition sa ano, nagiimbita talaga sila.

K: Kailangan po ba talaga nakatapos ang isang, kung gusto mong gumawa ng isang pelikula, kailangan nakatapos ka kunwari ng, sa UP, Film and Audio-Visual Communication?

T: Hindi naman, hindi naman. Nakalimutan ko pala, yung since the ‘90s din, diyan inumpisahan ng UP Film, sa Mass Communications din, sa Film Center, nagkaroon ng training. Isang ring dahilan yan kung bakit dumami ang filmmakers. Pati sa Ateneo tsaka dela Salle no. In fact sa Ateneo tsaka La Salle, nung ‘80s pa meron na rin e. Meron ng film program, di lang natin masyadong napapansin. Sa UST minsan meron din. Marami. Di pa natin alam sa mga probinsya. Malamang sa Cebu may mga nagtuturo din diyan. Ang tanong mo naman, kung kailangan talagang nag-aral ka ng film. Alam mo nung araw wala naming film school e. Sa tingin ko ang importante yung obserbasyon mo. Yung abilidad mo na mag-absorb ng impormasyon. Manood ka ng isa, dalawang pelikula, ano bang natutunan mo? Minsan wala sa libro yun e, ‘di ba? Pero kung sa tingin niyo nakakatulong ang environment ng isang eskwela, na may naglelecture tapos may mga classmates ka, tapos pwede kayong magdiskusyon. Kung sa tingin niyo mas mabisa ang ganong paraan, di mag-enroll ka. Pero ang dami naman diyan di naman sila talagang nag-aral ng filmmaking. Although marami diyan may alam sa photography. Dahil naguumpisa sa photography yan e, yung image, yung visuals. Painting, may galing din sa painting.

K: Nabanggit niyo po kanina yung short film, ang ibig sabihin po ba talaga ng short film, 60 minutes and below? Yun po ang pinagkaiba niya sa full-length feature?

T: Yeah. Definition ng short film, anything less than 60 minutes is a short film. Wala naman talagang awtoridad na nagsabi na kailangan ganon lang e. Dapat siguro meron tayong short, medium and long, and then tapos meron pang super long. Mga gawa nila Diaz.

K: Last question na lang po. Ano po ba ang hinaharap o “future” ng independent films sa Pilipinas?

T: Basta nakakamura pa sa equipment. Tsaka marami pang gustong gumawa. Tsaka lalo na marami pang gustong manood. Ibig sabihin kahit na gumawa ka ng isang film, sampung piso lang budget mo, tapos may dalawang taong nanood, nagbayad sila ng tig-lilimang piso, sulit na yon. Basta wag lang lumaki ng lumaki yung budget. Kaya ang maganda sa digital technology, nagbago ang rules e. Nagbago ang patakaran ng filmmaking. Talagang bumagsak ang budget kaya mas nakakarami ang binigyan ng pagkakataon para gumawa ng pelikula. At wala ng decision kung sinabing video or film. Kasi iisa na lang yan e, cinema.

K: Maraming-maraming salamat po.

Pakikipanayam kay Ginoong Clodualdo del Mundo

Si Clodualdo del Mundo ang nasa likuran ng “Pepot Artista”, isang digital, independent film na nagawaran ng Best Film in full-length feature category sa Cinemalaya Philippine Independent Film Festival 2005.

1.) Ano ang isang indie film? Anong kaibahan nito sa isang pelikula na pinapalabas sa mga sikat na sinehan?

Ang isang indie film ay independent sa mainstream film industry. Malaya ito sa sistema ng mainstream filmmaking; malaya sa mga kumbensyon ng paggawa ng pelikula; malaya sa formula at genres; malaya sa motibong gumawa ng pelikula para makagawa ng pera.

Iba ang motivation ng indie filmmaker. Gumagawa ng pelikula ang indie filmmaker dahil gusto niyang gawin ang pelikulang malapit sa kanyang puso o isip. Ang mga pelikulang ginagawa sa mainstream, lalung-lalo na sa sentro ng mainstream, ay mga komoditi - binebenta para makagawa ng pera.

2.) Bakit hindi masyadong sumisikat ang mga ito at kaunti lamang ang nakakaalam tungkol dito?

Limitado ang outlet ng indie films. Ngayon, ang medium ng mga indie filmmaker ay digital video. Wala pang sapat na equipment ang mga sinehan para magpalabas ng ganitong format. At dahil naiiba ang mga pelikulang ito sa nakasanayan na ng madla, maliit pa lamang ang audience nito. Pero sa maliit na audience na ito, mayroon nang mga sikat na pelikula.


3.) Palubog na nga ba ang pelikulang Pilipino?
Sa tulong kaya ng mga indies maiaahon ito?

Nahihirapan ang industriya sa pagtapat ng mga pelikula sa malalaking pelikula ng Hollywood. Malaking kumpetensya rin ang telebisyon, cable, at CD / DVD. Walang kinalaman ang indies sa pag-ahon ng mainstream film industry.

Ang mahalaga ay patuloy ang paggawa ng pelikula, maski sa labas ng industriya. Mayroon tayong buhay na buhay na filmmaking dahil sa bagong teknolohiya na accessible sa mga indie filmmaker. Ang Philippine Cinema ay di lamang ang mainstream cinema. Mayroong sangay ng Philippine Cinema na buhay na buhay - ito ang mga pelikula ng mga independent filmmaker.

4.) Anu-anong mga institusyon o programa ang tumutulong upang mapalago ang mga independent films?

Malaking bagay ang nagawa ng Cinemalaya Independent Film Festival, na inisponsor ng Film Development Council of the Philippines, Cultural Center of the Philippines, at Philippine Multimedia Systems, Inc. Dahil dito, nagkaroon ng pagkakataon ang ilang filmmaker na makagawa ng full-length movies. Sa unang festival ngayong 2005, siyam na pelikula ang naiprodyus. Makikita sa mga pelikulang ito na iba talaga ang resulta kapag ang motivation ay makagawa ng pelikula per se, at hindi ng komoditing ibebenta para lamang makagawa ng pera.

May suporta ring nanggagaling sa National Commission for Culture and the Arts. May binibigay itong mga grant para sa mga independent filmmaker.

Mayroon tayong mga seryosong filmmaker na dapat suportahan at alagaan. Ang Cinemalaya Film Festival ay isang paraan para magawa ito.

5.) Maliban sa Pepot Artista, mayroon pa po ba kayong ibang obra?

Mga documentary, gaya ng "Maid in Singapore." Sa feature films, may ilan akong nagawang screenplay.

6.) Saan po makakakuha ng mga kopya ng mga independent films?

Wala pa akong alam na distributor ng mga local independent films. Kadalasan, sa mga filnmmaker mismo makakakuha ng kopya ng mga pelikula nila.

(Pinaboran ni Mr. Del Mundo ang pakikipanayam sa pamamagitan ng electronic mail o e-mail sa kadahilanang abala siya sa maraming bagay at ito na ang pinakamadaling paraan upang masagot niya ang mga katanungan ng awtor.)

 
Pakikipanayam kay Ginoong Khan dela Cruz
1.) Ano ang isang indie film? Anong kaibahan nito sa isang pelikula na pinapalabas sa mga sikat na sinehan?
Indie from the word independent. Independent of major studios. Ang mga pelikula ngayon sa sikat na sinehan ay galing Hollywood. Ang mga pinalalabas naman na local productions ay ginagaya ang hollywood. Ang pinoy indie films as much as possible ay nagdedeviate sa Hollywood norm/formula.
 
2.) Ano po ang kadalasang tema (theme) ng mga pelikulang indie?
Magkakaiba ang tema.
 
3.) Bakit hindi masyadong sumisikat ang mga ito at kaunti lamang ang nakakaalam tungkol dito?
Walang publicity makinarya dahil puro payolado ang media natin.
 
4.) Palubog na nga ba ang pelikulang Pilipino? Sa tulong kaya ng mga indies maiaahon ito?
Indie na lang ang pag-asa ng pelikulang pilipino.
 
5.) Anu-anong mga institusyon o programa ang tumutulong upang mapalago ang mga independent films?
Double-bladed ang sitwasyon. Maraming nakakatulong pero at the same time, kulang din ang pagtulong, o may negatibo naman kaakibat ang pagtulong. 

*Ito ay mga “quickie” lamang na kasagutan ayon kay Ginoong dela Cruz. Ninais niyang mainterbyu ng personal ngunit dahil sa kakapusan ng oras, hindi ito napaunlakan ng awtor ng tesis.

Pakikipanayam kay Ellen Ongkeko-Marfil

Si Ellen Ongkeko-Marfil ang direktor ng Mga Pusang Gala na pinagbibidahan nina Irma Adlawan at Ricky Davao. Ito ay napalabas sa mga komersyal na sinehan sa bansa.

1.) Ano ang isang indie film? Ano ang kaibahan nito sa isang pelikula na pinapalabas sa mga sikat na sinehan?
     Indie, shortcut for independent film, meaning, independently produced from major film and tv studios- technically, hindi pinondohan ng mga ito.  Maaring bagong investor, grant o sariling sikap.  Sa ngayon, kadalasan napagpapalit-palit ang paggamit ng terminong ito sa digital film pero hindi necessary na kapag indie, digital ang gamit.  Kaya lang kapag indie, generally, hindi mahaba ang pisi kaya mas pabor na digital para medyo low-budget.  Ideologically, kapag indie, although, again, not necessarily so, nangangahulugan na ang nilalaman, estilo, pamamaraan at pati na organizational-set-up ay taliwas sa kaugalian sa mainstream- halimbawa, hindi formula,hindi big star, hindi glossy etc…
 
2.) Bakit hindi masyadong sumisikat ang mga ito at kaunti lamang ang nakakaalam tungkol dito?
     Kasi nga, kadalasan, limitado ang pondo para sa promo.  At kapag digital, paisa-isang teatro lang kasi wala pa naming mga digital theaters.  Kailangan mag-renta pa ng projector.  At pangatlo, naghahabol ka pa rin ng audience, kasi nga, iba ang estilo, pananaw etc.
 
3.) Palubog na nga ba ang pelikulang Pilipino?
     Sa tulong kaya ng mga indies maiaahon ito? Dati mga 200 films a year, ngayon, mga 30 – 50 na lang.  Sa tingin ko, ang sasalba ay kumbinasyon ng maraming bagay. Technically, puedeng kahit mainstream mag-digital para low-budget, at mas madaling makabawi sa takilya.  Tanong, sawa na nga ba ang tao sa mga formula o napakataas na ng presyo ng sinehan, kaya’t mas middle class na ang nanonood na mas mahilig sa Hollywood by virtue of miseducation, too? Sana sawa na but I don’t think so.  Maraming ibang dahilan.  Pero maganda ang sitwasyon for ideologically indie films kasi may puwang kahit na limited pa rin. 
 
4.) Anu-anong mga institusyon o programa ang tumutulong upang mapalago ang mga independent films? 
     The cinemalaya group is helping the cinemalaya entries.  The cinema one helping its own, too.  The indie-indie, kailangan ng suporta ng lahat, nariyan ang gobyerno, ncca, ngo groups, schools etc.
 
5.) Bukod po sa Mga Pusang Gala, ano pa po ang iba ninyong obra?
     Angels, Star Cinema, and Walang Bakas, GMA. Check website www.pusanggala.com-director’s notes.
6.) Ang paggawa po ba ng indie film ay isa lamang 'outlet' ng isang direktor o maaari ring
pagkakitaan, lalong-lalo na sa ating bansa? May maganda po bang hinaharap ang mga indies?
     Just like any film, it is risky business pero magastos siya para sa isang hobby lamang. Dumarami na ang success stories ng mga indie kaya magiging part ng industriya ito.Masaya yan, pero malungkot din, kasi labanan pa rin ng komersiyo, but in the end, because budget is lower, there is room for greater experimentation, for bravery and truth.

4 Comments:

  • malaki talga ang pinagkaiba noon at ngayon dahil sa mga makabagong teknolohiya...napakalaki ng epekto nito sa ngayon...ano kayang mangyayari sa susunod na henerasyon kapag ang lahat na ng gamit natin hi-tech.hhaaayyy

    By Anonymous Anonymous, at 4:50 AM  

  • magandang araw!
    ako po ay isang mag-aaral ng UST. commerce po ang field ko, pero meron po kaming research paper na ginagawa and we saw your thesis containing several points regarding our topic. nabasa rin po namin yung mga pag-uusap niyo ng ilang taong alam naming malaki ang maitutulong sa aming research, at nais po sana namin silang personal na makapanayam. hinihingi po namin ang inyong tulong upang magkaroon ng contact sa mga taong iyon. iiwan ko po ang aking cp number para masagot po ninyo ang aming hiling. maraming salamat po.

    - marife n. gumba, 09086833733

    By Anonymous Anonymous, at 4:45 PM  

  • this writing is poorly constructed; boring introduction, incoherent paragraphs. i dare not take any more information by reading beyond the first three lines. please consider composing your thoughts before publishing anything that carries your name juxtaposed to that of the university.

    By Anonymous Anonymous, at 9:27 PM  

  • http://orderviagrageneric.net/ order viagra
    http://prixviagragenerique25mg.net/ acheter viagra
    http://comprarviagragenerico150mg.net/ viagra
    http://acquistoviagragenerico.net/ prezzo viagra

    By Anonymous Anonymous, at 8:27 AM  

Post a Comment

<< Home