Sila Tito, Vic, at Joey
Hing KANTA-LOGY: PANIMULANG PAGSUSURI SA MGA KANTANG PINATANYAG NINA TITO, VIC AT JOEY SA ‘TOUGH HITS’
ni Jeffrey James A. Hoyla
INTRODUKSYON
Ang musikang Pilipino ay hindi maaaring bigyan lamang ng isang kahulugan. Una, ang musikang Pilipino ay sumasakop sa mga musikang nilikha sa iba’t ibang rehiyon ng bansa. Ang mga mamamayan sa bawat rehiyon ay may iba’t ibang kaugalian at kapaligiran na siyang sumasalamin sa mga musikang kanilang nalilikha. Pangalawa, ang musikang Pilipino ay nagdaan sa mga pagbabago, at nagbabago pa rin hanggang sa kasalukuyan, mula sa katutubo hanggang sa kontemporaryo, na siyang nagbibigay dito ng iba’t ibang kahulugan sa iba’t ibang panahon. Samakatuwid, ang musikang Pilipino ay malawak hindi lamang sa sakop, pati na rin sa panahon.
Sapagkat hindi pa itinuturing bilang mga Pilipino, ang mga mamamayan sa Pilipinas ay nagkakalayo at naiiba ayon sa tribo na kanilang kinabibilangan. Ang mga kanta noong bago dumating ang mga Kastila ay naglalarawan sa mga gawain sa loob ng tribo. Halimbawa, ang uyayi ay para sa pagpapatulog sa mga bata. Ayon kay Agoncillo (1990), ang uyayi ay payak sa diksyon at sa musika, at ito ay magandang pakinggan. Isa pang halimbawa ay ang mga awitin para sa mga kaganapan tulad ng kasal. Isa na rito ang chua-ay ng mga Igorot at ang katulad sa mga Tagalog na ihiman. Ayon pa kay Agoncillo (1990), isa pa ang kundiman, na tanyag sa Batangas, na basal sa Pilipinas:
Hayo na’t dimugin ang bato mong puso
Sa pait ng aking luhang tumutulo,
Nang ang mailap mong awa’y nang umamo
Sa walang hangganang tapat kong pagsuyo.
Isa pang uri ng kanta na ipinamalas ng mga katutubo ay ang mga kantang pandigma halimbawa na ang Iddem-dem Mallida ng mga Itneg. Ang dal-lot naman, ng mga Ilokano, ay kinakanta kapag may binibinyagan, ikinakasal o may piyesta.
Sa pagdating naman ng mga Kastila, napasok sa musikang Pilipino ang impluwensya ng Kristiyanismo. Hango mula sa dulang panrelihiyon tulad ng sinakulo ang pasyon. Isa pa rito ang moro-moro, na ayon kay Federico Sebastian (1973), ay siyang kinalulugdang panoorin ng mga mamamayan bago sumapit ang himagsikan laban sa mga Espanyol. Ayon naman kay Agoncillo (1990), ang moro-moro ay isang dramatikong bersyon ng awit, corrido at metrical romances na ang paksa ay tungkol sa Digmaan ng Moro. At ito ay isa sa mga paraan ng mga Espanyol upang maikalat ang Kristiyanismo.
Isa rin sa pinatanyag ng mga Kastila ay ang zarzuela. Ayon kay Fernandez (1978), ang pagpapakilala nito ay pinasimulan sa Maynila ni Dario Cespedes noong 1878 o 1879. Ngunit si Alejandro Cubero naman ang nagturo sa mga Pilipino upang itanghal ito. Ipinapakita ng zarzuela ang katayuan ng lipunan: ang pagkakahati ng mayayaman at mahihirap,at ang masama at mabuti.
Ang zarzuela rin ang naging sandata ng mga Pilipino upang maghimagsik laban sa mga Kastila. Ayon kay Sebastian (1973), sa dula pinagsumikapan ng mga manunulat na itanghal ang nag-aalab na damdamin ng mga mamamayan. Iba’t iba ang banghay at tagpuan ng mga tauhan sa bawat dula ngunit ang mga ito ay may iisang tema: ang tuligsain ang mga prayle at ang pamahalaang Kastila. Isa sa mga dulang ito ay ang ‘Ang Katipunan’ ni Gabriel Beato Francisco. Si Severino Reyes naman na itinuturing na ‘Ama ng dulang Tagalog’ ang nagtatag ng Gran Compaña de Zarzuela Tagala. Ayon pa kay Sebastian (1973), itinanghal ni Reyes ang Walang Sugat noong 1902 na inabot sa umaga ang mga tao upang panoorin ito.
Ngunit dahil naging salat sa mga gamit para sa pagtatanghal ng zarzuela, unti-unti itong napalitan ng vaudeville at pelikula. Sa pagsakop sa Pilipinas ng mga Amerikano, lubos itong nakilala. Ang vaudeville ay lubos na lumaganap dahil sa pagpapakilala nito sa mga pahayagan. Ayon kay Borromeo Lou, sa pamamagitan ni Fernandez (1978), ang vaudeville ay classic-jazz music. Patunay lamang ito na ang vaudeville ay nanggaling sa Amerika.
Samantala, ang pelikula ay inilunsad din kasabay ng vaudeville. Ang kaibahan lamang ay pawang mga may pangalan sa lipunan ang may kakanyahan na makapanood nito. Dagdag pa nito, ang mga sinehan ay naging lugar ng pagtitipon ng mga pinakakilalang pamilya sa Maynila. Ayon naman kay Sebastian (1973), ang pelikulang Tagalog naman na nagsimula noong 1912 ang naghatid sa Pilipinas ng kakaibang kaugaliang Kanluranin.
Sa pagputok ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig, sumilang ang tinatawag na musikang popular sa Pilipinas. Ayon sa
Pagkatapos ng digmaan, nagsimulang lumaganap ang telebisyon at radyo sa Pilipinas. Muling nanumbalik ang impluwensiya ng Amerika sa musikang Pilipino. Ayon sa CCP (1994), simula sa gitnang dekada ’50 hanggang dekada ‘ 60, naging popular ang rock ‘n roll, kung saan ang mga kanta nina Billy Haley, Chubby Checker, Bubby Holly, Cliff Richards at Elvis Presley ay lubos na tinangkilik. Nagkaroon pa ng mga patimpalak katulad ng sa Student Canteen at Tawag ng Tanghalan upang maghanap ng mga mang-aawit na magagaya ang tinig sa pag-awit nina Neil Sedaka, Nat King Cole, Tom Jones at Perry Como.
Ngunit noong dekada ’70, ang musikang popular ay nagkaroon ng bagong anyo. Ayon sa CCP (1994), ang musikang popular ay na-‘Filipinize’ dahil sa national reawakening noong mga panahong iyon. Ilan sa mga ito ay ang ‘Ngayon at Kailanman’ ni George Canseco, ‘Magsimula Ka’ ni Gines Tan, at ‘Ewan’ ni Louie Ocampo. Kasabay naman sa pagbabagong ito ang Pinoy Rock. Ayon kay Fortunato (1997), ang Pinoy Rock ay bunga ng eksperimentasyon nina Joey Smith at ng Juan de la Cruz Band. Isa sa layunin ng Pinoy Rock ay ang pagtangkilik ng mga tao sa musikang Pilipino. Ilan sa mga kanta na Pinoy Rock ay ang ‘Himig Natin’ ng Juan de la Cruz Band, ‘Laki sa Layaw (Jeproks)’ ni Mike Hanopol at ang ‘Bonggahan’ ng Sampaguita.
Tatlo pang anyo ang sumilang sa pagyabong ng musikang popular sa Pilipinas, ito ay ang: Manila Sound, Pinoy Folk at Pinoy Disco. Ayon kay Fortunato (1997), ang Manila Sound ay gumagamit ng mga bagong pagtatalinghaga, ilang kolokyalismo sa pananalita at parirala upang mailarawan ang ibig ipahiwatig ng kanta. Dagdag pa rito, gumagamit ito ng orihinal na titik ngunit nananatiling hiram ang himig at musika. Ayon sa CCP (1994), ang grupong Hotdog ang nagpasimula ng Manila Sound sa pamamagitan ng mga kantang ‘Ikaw Ang Miss Universe ng Buhay Ko’, ‘Pers Lab’, ‘Manila’, ‘Bitin Ako Sa Iyo’, ‘Annie Batungbakal’, at ‘Bongga Ka Day’.
Ang Pinoy Folk naman ay sumilang upang gamitin para maitalastas ang kaisipang nasyonalismo. Ayon sa CCP (1994), ang mga kantang ito ay maaaring diatribe laban sa pag-iisip na kolonyal sa mga Pilipino, pagpapalaya mula sa kalupitan at pagpapahayag ng positibong kaugalian ng mga Pilipino. Ang Pinoy Folk ay lalo pang nakilala nang ito ay gamitin sa demonstrasyon sa lansangan. Ayon kay Fortunato (1997), naging tanyag ang mga awiting ‘Handog ng Pilipino sa Mundo’, ‘Magkaisa’, at ‘Bayan Ko’.
Ang Pinoy Disco naman ay bersyon ng mga Pilipino ng mga musikang disco na ginawa ng mga Amerikano. Ayon sa CCP (1994), isa ang VST and Co. na nagpasimula ng Pinoy Disco sa paggaya nito sa boses ng Bee Gees sa mga kantang ‘Disco Fever’ at ‘Awitin Mo’.
Ngunit hindi lamang sa Pinoy Disco naging tanyag ang mga miyembro ng VST na sina Tito, Vic at Joey. Naipakilala nila ang ‘tough hits’ na nagsimula sa palabas na Iskul Bukol sa telebisyon.
Naniniwala ang may-akda na ang mga kantang napapabilang sa ‘tough hits’ ay naglalaman ng panunuligsa sa kaisipang kolonyal sa mga Pilipino. Dahil dito, inilagay sa pag-aaral ng may-akda ang mga piling kanta na napapabilang sa ‘tough hits’ upang mapatunayan ito.
TESIS NA PANGUNGUSAP
Panimulang pagsusuri sa tatlong kanta na kasama sa tinaguriang ‘tough hits’ nina Tito, Vic at Joey, na ang mga titik ng mga kanta ay naglalaman ng panunuligsa sa kaisipang kolonyal ng mga Pilipino.
SULIRANIN
Paano nanunuligsa sa kaisipang kolonyal ang wika sa titik ng mga kanta nina Tito, Vic at Joey?
SARBEY NG KAUGNAY NA PAG-AARAL
Parody
Ayon kay Dentith (2000), ang parody ay ang kasaklawan ng magkakaugnay na mga kaugaliang kultural na maaaring gayahin ng iba pang kultura, kung saan ang panggagaya ay may iba’t ibang antas. Ang parody ay mayroon pang ibang anyo katulad ng travesty, pastiche at spoof. Sa lahat ng ito, ang namamayaning katangian ay ang pagkakaroon ng kaugnayan sa tekstong objek ng parody ng tekstong gumagamit nito. Ang teksto ay hindi lamang iniuukol sa libro kundi sa iba’t ibang bagay na maaaring pag-ukulan ng pag-aaral o ‘pagbasa’.
Upang maging mabisa, ang parody ay dumadaan sa eksperimentasyon. Nilalayon nitong mahanap ang mga mahahalagang bahagi ng isang teksto upang sa paggawa ng parody tungkol dito ay naaaninag pa rin ng mga mambabasa ang katangian ng tekstong pinaghanguan ng bagong teksto, ang gumagaya. Ang panggagayang ito ay maaaring maglagay ng iba’t ibang dating (effect) sa mga mambabasa. Ayon kay Tolentino (2004), sa pamamagitan ng parody ay nagkakaroon ng iba’t ibang timpla ang panlasa- ang mataas ay nagiging mababa at vice-versa. Ayon pa kay Dentith (2000), ang parody ay isa sa mga paraan kung saan ang wika ng ibang grupo ay ginagawang katawa-tawa at tinutuligsa naman ang bagong istilong pampanitikan.
Ang parody ay nagbibigay ng bagong anyo sa mga lumang teksto. Isa sa mga nagpapatunay rito ay si Rolando Tolentino (2004) kung saan, sa kanyang libro tungkol sa kulturang popular, ay ginamit na halimbawa ang Bubble Gang. Sa kanyang halimbawa ay ipinakita niya ang pag-uugnay ng segment na ‘Ang Dating Doon’ sa isang palabas pa rin sa telebisyon na ‘Ang Dating Daan’. Ayon pa kay Tolentino (2004), nagkakaroon ng bagong paraan sa pag-unawa sa mga institusyong tulad ng relihiyon, politika, showbiz, wika at ang iba't ibang relasyong pangkapangyarihang ioopensiba ng parody.
May ibang pag-aaral pa na binabanggit ang parody sa pagpapaliwanag ng namamayaning kaayusan sa lipunan. Isa sa mga pag-aaral na ito ay ang ginawa ni John Fiske tungkol kay Madonna. Sa pag-aaral ni Fiske (1997), napag-alaman na ang katauhan ni Madonna ay punung-puno ng mga simbolismo na naiuugnay sa mga institusyon tulad ng simbahan at ideolohiya tulad ng patriarchy. Ang pag-uugnay na ito ay naisakatuparan dahil sa parody. Ayon pa kay Fiske (1997), ang parody ay isang mabisang kasangkapan upang maglagay ng hamon sa namamayaning ideolohiya. Ang paghahamong ito ay nagpabago sa pagtingin ng tao, lalo na sa mga babae, sa kanyang sarili. Halimbawa nito ay ang mga imaheng gawa ni Madonna sa kanyang music videos, na ayon kay Fiske (1997), ay nagpapabago sa pagtingin ng mga kababaihan sa kanilang sekswalidad at maaari nila itong ibatay sa kanilang hilig at hindi sa pagtingin sa kanila ng mga kalalakihan.
Ginamit din ang parody upang tuligsain ang mapang-aping pamahalaan at ang mga may katungkulang nagmamalabis sa kanilang kapangyarihan. Isa na rito ang ‘Amain Namin’ ni Marcelo H. del Pilar na hango sa dasal na ‘Ama Namin’:
Our uncle who art in the convent,
cursed be thy name,
may we be delivered from thy greed,
may thy throat be slit here on earth as it is in heaven.
Give back this day our daily rice
Thou hast stolen from us and draw our laughter
By thy lowing as thou laughest when thou stealest our money;
And deliver us from thine temptation
and save us from thine foul mouth. Amen.
Ginamit na rin ang parody sa pag-unawa sa namamayaning kaayusan sa pelikulang Pilipino. Ayon sa www.thewilyfilipino.com, ginamit ni Joey de Leon ang mga simbolo ng kulturang Amerikano sa pelikula upang tuligsain ang pamamayani ng kulturang Kanluranin. Sabi pa nito, ang gusto pang ipahayag ng mga pelikula ni de Leon ay ang pagtanggap ng mga bayaning Pilipino sa pelikula.
Pag-aaral sa titik bilang pagpapahalaga sa nilalaman ng kanta
Ang kanta ay ginawa hindi upang kantahin lamang. Ito ay isang sining sapagkat nakapaloob dito ang iba’t ibang karanasan ng tao.
Ang kanta ay may musika at titik. Ang pag-aaral sa dalawang aspetong ito ay nakapaloob sa musicology. Ayon pa kay Middleton, sa pamamagitan ni Shuker (2001), ang musicology ay:
The whole body of systematized knowledge about music, which results from the application of a scientific method of investigation or research, or of philosophical speculation and rational systematization to the facts, the process and development of musical art, and to the relation of man in general.
Sa pag-aaral na ito rin nalalaman ang mga mensahe ng kanta sapagkat iniuugnay nito ang kanta sa tao. Ngunit sa pagdating ng mga bagong genre tulad ng rock at musikang popular, nagbago ang pagtingin dito. May mga bagong konsepto na pumapasok sa musika na lalo pang nagpapahirap upang unawain ang nilalaman ng isang kanta. Ayon pa kay Shuker (2001), ang pagnanais na baguhin ang ibang konsepto sa traditional musicology upang iugnay sa musikang popular ay nabigo at nagkakaroon pa ng balakid sa mga ‘musically non-literate’ upang maunawaan ito.
Ang pag-unawa sa isang kanta ay mas makakamit kung lalawakan pa natin ang pag-aaral nito. Hindi lamang kailangan pag-aralan ang kaugnayan ng kanta sa damdamin ng tao, kung hindi, kailangan din pag-aralan ang dating nito sa kanyang paligid. Ayon pa kay Shuker (2001), kailangan pa ng mas malawak ng pag-unawa sa kanta sa pamamagitan ng kaugnayan nito sa tagapakinig, at sa generic at historical na kalagayan ng teksto sa kanta at ang gumawa nito.
Ang lawak ng pag-unawang ito ay naisagawa sa pamamagitan ng pag-aaral sa mga titik ng kanta. Ayon pa kay Frith, sa pamamagitan ni Shuker (2001), maaaring mabasa sa titik ng kanta ang mga salik sa lipunan ang gumawa nito. Ito ay sinang-ayunan pa ni Cooper nang sinabi niya na ang mga salita sa kanta ay nagpapahayag ng kalagayang panlipunan at dahil ang mga gumawa ng mga titik ay bahagi rin ng lipunan, naipahayag niya ang kalagayang ito sa kanta (2001). Ito rin ang pananaw nina Shepherd at
…a consequence of an intense dialectical interaction between text, other adjacent texts (lyrics, images, movement) and social, cultural and biographical contexts.
Post-kolonyalismo
Ang Pilipinas ay naging kolonya ng tatlong bansa sa loob ng humigit-kumulang limang daantaon. At sa loob ng panahong ito, nagtagumpay ang mga kolonisador sa pagpapalaganap ng kanilang ideolohiya upang ang Pilipinas ay sakupin at inabuso nila ang mga likas na yaman dito. Sa pisikal na paglaya ng Pilipinas, ito ay nagkaroon ng sariling pamahalaan noong 1946. Ngunit ang paglaya nito ay hindi nangangahulugan na ang impluwensiya ng mga nanakop ay nawal na sa mga isipan ng mga Pilipino. Ito ay nag-iwan ng tatak sa mga Pilipino na sila ay kolonya pa rin ng mga kolonisador, ngunit ito ay hindi hayag. Ito ang naglalarawan sa sinasabing neokolonyalismo. Ayon pa kay Lichauco (1978), ang mga neokolonya ay karamihan na sa komunidad ng mga papaunlad na bansa na tinatawag pa rin na
Sa kabilang banda, hindi lamang sa ekonomiya maaaring magamit o maabuso ang isang post-kolonyal na bansa. Isa pa, hindi lamang sa aspektong pang-ekonomiya nakikita ang isang bansa. Ito ay may mga mamamayang may kultura at may pulitikal na istruktura o sistema. At sa matagal na pananakop ng mga dayuhan sa Pilipinas, maaaring naiba na ang kultura at sistema ng pulitika nito. Ito ang mga aspektong pinag-aaralan sa postkolonyalismo mula sa epekto ng pagiging kolonya ng isang bansa sa mahabang panahon.
LAYUNIN
Patunayan na nanunuligsa sa kaisipang kolonyal ang wika sa titik, na kasama sa ‘tough hits’, ang mga sumusunod:
Iskul Bukol
Ang Mga Babong (I’m Coming Home)
‘Hey Jude’ ng Beatles Dept.
TEORETIKAL NA BALANGKAS
Ang mga kanta nina Tito, Vic at Joey ay isang pagtuligsa sa kaisipang kolonyal sa mga Pilipino. Pinaniniwalaan na ang mga ito ay nangungutya sa sistemang umiiral sa lipunan. Ipinapakita nito ang kalagayan ng mga Pilipino sa postkolonyalismo na pananaw at nilalabanan ang kaisipang kolonyal na ito sa pamamagitan ng pagtawa, na tumutugon sa teorya ng eskapismo, sa mga imaheng kumakatawan sa kaisipang kolonyal na ginamit sa mga titik ng kanta, na tumutugon sa konsepto ng parody.
DEPINISYON NG MGA TERMINO
Parody- labis na imitasyon o panggagaya sa isang teksto, o kadalasan ay istilo ng isang teksto, upang ilagay ito sa katatawanan.
Eskapismo- paraan ng pagtakas mula sa katotohanan o realidad na nangyayari sa mundo sa pamamagitan ng paghahanap ng aliw, pantasya o mga gawain kung saan magkakaroon ito ng dibersyon mula sa realidad.
Post-kolonyalismo- mga aspekto (ekonomik, pulitikal, panlipunan at iba pa) na naglalarawan sa mga bansang dating naging kolonya at kung paano naimpluwensiyahan ang mga aspetong ito ng mga patakaran (policies) ng kolonisador, at kung paano ito nabago ang pagkakakilanlan (identity) ng mga bansang dating naging kolonya.
Tough hits- mga kantang hango sa iba pang kanta ngunit ang titik nito ay pinalitan nina Tito, Vic at Joey upang ito ay maging katatawanan.
METODOLOHIYA
Pagsasaliksik
Sinaliksik ng may-akda ang mga isteryotipiko at mga pangyayaring naglalarawan ng mga kaisipang kolonyal, lalo na sa maka-Kanluranin.
Pagsusuring intertextuwal
Sinuri ng may-akda kung paano ginamit ang mga bagay na naglalarawan sa kaisipang kolonyal sa pagtutuligsa dito. Sinuri rin ng may-akda ang mga institusyong naaapektuhan ng mga isyung inilalahad ng mga titik ng kanta patungkol sa kaisipang kolonyal sa mga Pilipino.
SAKLAW NG PAG-AARAL
Minabuti ng may-akda na limitahan sa tatlong kanta ang ilalagay sa pag-aaral upang mabigyang-pansin ang mga bagay na naglalarawan sa kaisipang kolonyal at ang mga institusyong naiuugnay tungkol dito.
Minabuti rin ng may-akda na pag-aralan lamang ang titik ng mga kanta sapagkat wala itong sapat na kaalaman upang pag-aralan ang aspektong pang-musika ng kanta.
KAGYAT NA PAGSUSURI
Ang ‘tough hits’ ang salitang ginamit nina Tito, Vic at Joey sa mga kantang hinango sa iba pang kanta ngunit pinalitan ang mga titik ng huli. Ang ‘tough hits’ ay unang ginamit sa Iskul Bukol, isang situational comedy noon na kinatatampukan din ng tatlong mang-aawit. Ito ay nalikha noong 1979, panahon kung saan ang musikang popular ay na-‘Filipinize’ dahil na rin sa kagustuhan ng mga Pilipino na maipahayag ang damdaming makabayan. Dahil dito, nagsulputan ang mga iba't ibang genre ng musika na may tatak Pilipino tulad ng PInoy Rock at Pinoy Folk. Naglalayon ang iba’t ibang genre na maipakita ang talento ng mga Pilipino sa musika at tangkilikin ito. Isa pa, gustong ipakita nito ang totoong kalagayan ng Pilipinas noong mga panahong iyon. Nilalarawan ng Pinoy Rock ang potensyal nito na ipakita ang panlipunang kalagayan at suliranin, tulad ng kaisipang kolonyal, kahirapan, prostitusyon, mailap na hustisya at iba pa.
Naniniwala ang may-akda na ang mga kanta na kasama sa ‘tough hits’ na pinatanyag nina Tito, Vic at Joey ay naglalarawan din ng kalagayan ng ating lipunan at ang kalagayan ng pagkakaroon ng kaisipang kolonyal sa mga Pilipino ay tinutuligsa sa kanta sa pamamagitan ng paggamit ng mga bagay o imahe, na may kaugnayan sa pagiging kolonya ng Pilipinas, sa katatawanan.
Iskul Bukol
Ito ay ilan sa mga titik mula sa kantang ‘Iskul Bukol’. Ang kantang ito ay hango, o parody, sa nakakatawang palabas na Iskul Bukol:
Iskuwelang kuwela ‘to
Dito’y enjoy ako
Konting aral lang at konting bulakbol
Nandito nang lahat, madaldal at bulol
Ito na nga. Iskul Bukol!
Hanggang sa umuwi mula pa sa roll call
Lahat ay magulo but okey lang it’s cool
Ito ay terrible, ito’y buhul-buhol
Ito na nga, Iskul Bukol!
Sa school namin ay sigurado ka
Sa happening at sa katatawa
Sigurado ang mga pabongga
Ang ‘di lang sure ang pagpasa.
Maliwanag na makikita sa mga titik na ang paaralan ang institusyong isa sa mga naaapektuhan ng kaisipang kolonyal. Alam natin na ang pinakamahalagang pamana sa atin ng mga Amerikano ay ang edukasyon. Ngunit ang sistema ng edukasyon na inilatag sa atin, ayon kay Lichauco (1978), ay sistema na nagpapayabong ng colonial complex at nagpapatuloy sa pagtangkilik sa ugali, gawain at mga institusyon na produkto ng kasaysayan, kabihasnan at kulturang hindi sa atin. Samahan pa ito ng istratehiyang paggamit sa romantisismo, sa mga aklat na pinapabasa sa mga mag-aaral noon, upang hadlangan ang damdaming mapagpalaya na tinataglay ng mga katutubo, ani Pefianco (1999). Ito ay nagdulot, ayon kay Lichauco (1978), ng pagkiling ng katapatan ng mga Pilipino sa dalawang bansa, sa Pilipinas at sa Amerika.
Ang kaisipang kolonyal na ito ay tinutuligsa naman ng wika sa titik ng kanta. Mapapansin na ginamit sa kanta ang mga salitang enjoy at cool. Nangangahulugan ito na ang mang-aawit ay masaya. Ngunit ang kasiyahan na nadarama na mang-aawit ay hindi dahil sa siya ay nasa paaralan kung hindi ay dahil magulo sa paaralan. Mapapansin na ginamit ang salitang bulakbol. Ang bulakbol ay hango sa salitang Ingles na blackball na ang ibig sabihin ay slacker o pagtakas sa gawain. Ang mang-aawit ay nasisiyahan sa magulong kalagayan ng paaralan at ang pagtakas nito sa mga gawain sa paaralan. Kung ilalagay na ang paaralan na tinutukoy rito ay representasyon ng sistema ng edukasyon ng mga Amerikano, nagiging pagsuway ito sa sistema sa pamamagitan ng pagiging masaya ng mang-aawit sa magulong kalagayan ng paaralan at sa pag-iwas nito sa mga gawain sa paaralan. Ito ay masasabi ring pagrerebelde sapagkat hindi sinusunod ng mang-aawit, bilang mag-aaral, ang mga patakaran ng paaralan bagkus ay pinagtatawanan niya ang kaguluhang dulot ng mga patakarang ito. Ang kaguluhan na nangyayari sa loob ng sistemang ito ay tinatawag sa kanta na Iskul Bukol.
Sa malawakang pagtingin, ginawang di-sibilisado ang mga mag-aaral sa kanta sa loob ng sistema na ang layunin ay ang kaayusan at ang pagka-sibilisado ng mga mag-aaral. Nangangahulugan ito na tinutuligsa ng wika sa titik ng kanta ang nosyon ng mga kolonisador na ang kolonisado, halimbawa na ang Pilipinas, ay katutubo, marahas at hindi sibilisado, na ayon kay Pefianco (1999), kailangan ng kolonisado ang kolonisador na maging isang gurong magdadala ng urbanidad sa buhay ng katutubo. Sa pamamagitan ng paglagay ng mga hindi sibilisadong mag-aaral sa sistema, ipinapakita nito na hindi mabisa ang sistema upang gawing sibilisado ang hindi normal na tao. Ipinapakita nito na magiging sibilisado at mahinahon lamang ang mag-aaral, na kumakatawan sa mga Pilipino, kung aalisin ang sistema na nakakasama rito.
Ang Mga Babong (I’m Coming Home)
Ang kantang ito ay parody ng ‘I’m Coming Home’ na pinatanyag ng grupong Reed. Babong ang iba pang katawagan sa mga kababaihan. Ang salitang ito ay naging tanyag din noong dekada ’70.
May mga babong nalulungkot taun-taon
Pagkat ang kulubot nila’y nadagdagan.
May mga babong kahit hindi na lumamon
Basta makasunod lang sa uso ngayon.
Mayroong mga babong
Make-up lang at mahjong
Kumpleto na ang buhay niya.
Pagkagising niya, ligo at paganda
Sala at halo na.
May mga babong makasunod lang sa moda
Nag-mi-mini kahit ang legs niya ay maxi.
May mga babong makasunod lang sa moda
Nag-so-short siya kahit apat ang hita niya.
May mga babong mas lagi sa salon
Kaysa sa tahanan nila.
At mas matagal pa
ito sa salamin
kaysa sa asawa.
May mga babong makasunod lang sa moda
Nag-so-short siya kahit apat ang hita niya.
Makikita natin sa mga titik na ito na ang pamilya, bilang institusyon, ay naaapektuhan ng isyu sa kaisipang kolonyal. Tumatalakay ito sa mga babae, matrona man, may asawa o wala, na mahilig sa mga materyal na bagay na sa tingin nito ay ito ang pinakamataas na antas ng kaligayahan. Kung babalikan ang kasaysayan, maaari itong iugnay sa paglalagay ng produktong Amerikano sa Pilipinas. At sa haba ng panahon na ang ekonomiya natin ay nakasandal sa Amerika, naging pamantayan na natin ng buhay ang pamantayan na sinusunod ng mga Amerikano. Ayon pa kay Agoncillo (1990), ito ay nagdulot ng pagwawalang-bahala, paglimot at pagkamatay ng mga industriya sa Pilipinas. Dito nagsimulang tawaging ‘bakya’ ang mga produktong hindi galing sa Amerika, mga produktong gawa sa Pilipinas. Natatak sa mga kababaihan na ang uso o moda ay kailangang tangkilikin at mahalin hanggang sa umabot sa hindi pagmamahal sa sarili at sa kanyang pamilya, at sa bansa.
Dito rin natatak sa mga kababaihan, at pati na rin sa mga Pilipino, ang konsepto ng kagandahan ng Kanluranin. Nalimot na ng karamihan sa mga Pilipino na ang kagandahan ay hindi nakikita sa panlabas na anyo kung hindi na rin sa kagandahang-loob. Ayon pa kay Hall (2001),
Once Filipinas who migrate West have idealized light skin, they may develop a racist self-concept reflected in the bleaching of hair and other cosmetic alteration.
Dito rin sa materyalismong ito nagdulot ng pagkiling ng mga kababaihan sa mga Amerikano bilang asawa sa hinaharap. Ayon kay Hall (2001), ito ay tinatawag na psychological colonization na mapapansin sa mga migranteng Filipina. At aniya,
This form of Western group access is no doubt an extension of Western influence.
At ang impluwensiyang ito ang nagbigay sa atin ng kaisipang kolonyal sa mahabang panahon.
Isa pang isyu na tinatalakay ng kanta na may kaugnayan sa pamilya ay ang mahjong na representasyon ng pagsusugal. Noon pa man bago dumating ang mga Kastila, nagsusugal na ang ating mga ninuno. Ngunit ang pagsusugal na ito ay pangkatuwaan lamang. Subalit sa pagdating ng mga Kastila, ang pagsusugal ay naging bisyo na ng maraming Pilipino. Ayon pa kay
Nanunuligsa ang wika sa titik ng kanta sa kaisipang kolonyal sa pamamagitan ng paglalahad ng masamang epekto ng impluwensiya ng Kanluran. At sa kantang ito, ginawang pokus ang pamilya sa paglalahad ng masamang epekto. Inilahad dito kung paano ang labis na pagtangkilik sa konsepto ng kagandahan ng Kanluran ay nakasasama na umabot na sa pagwawalang-bahala ng babae sa tungkulin niya sa pamilya bilang asawa at ina. Isa pa, inilahad sa kanta ang masamang dulot ng labis na pagsusugal, na naging kasangkapan ng mga kolonisador sa pagpaparupok ng karakter ng mga Pilipino, sa pagsasama ng pamilya. Ayon kay
Dahil sa pagsusugal, maraming buhay ang hindi maligaya. At ayon sa surbey, ito ay nagiging dahilan ng paghihiwalay ng mag-asawa at ng umpisa ng pakawasak ng katahimikan sa pamilya sa dahilang napapabayaan ng ama o ina ang kanilang tungkulin bilang magulang kung sila’y nagsusugal. Minsan, ang salaping dapat iukol sa mga pangngailangan ng pamilya ay nauubos sa bahay-pasugalan at dahil dito’y kinakapos ng pambili ng mga kailangan ng katawan.
‘Hey Jude’ ng Beatles Dept.
Ang kantang ito ay hango rin sa parehas na pamagat ng kanta ng Beatles:
Saint Jude dalangin ko
Makakita ng trabaho
Si misis ‘pag siya ay nasa office
Akong naiiwan para mag-la-la-la-la
Laba ng bra.
Makikita rito ang kaugnayan ng lipunan at relihiyon sa isyu ng kaisipang kolonyal. Sa lipunan bago pa man dumating ang mga Kastila, malaki na ang ginagampanan ng babae sa lipunan. Siya ang nagsilbing tagapamagitan sa diyos na kanilang sinasamba at ng mga tao (babaylan) at namumuno sa kanilang nasasakupan (raja). Ngunit sa pagdating ng mga Espanyol, iwinaksi ng mga prayle ang katutubong pananampalataya kasabay ng pagtali sa mga babae na maging
Nagrerebelde ang wika sa titik ng kanta sa pamamagitan ng paghingi ng tulong ng lalaki kay St. Jude, santo ng mga walang pag-asa, upang ito ay magka-trabaho. Inilalahad nito ang kagustuhan na matanggal sa pagkakapako ang mga babae mula sa pananaw ng Kanluranin na ang babae ay nasa tahanan lamang dapat, partikular na sa pananaw ng mga Espanyol na ang mga babae ay nakatali sa pagdadasal lamang. Isinasaad pa nga rito ang ‘women empowerment’ na kailangan ng atin bansa ngayon. Ayon pa kay Andres (1981),
Filipino women must be permitted to play an important role in society. We can enhance society by improving “woman power.” If this is not done so, female potential for productivity is wasted. They have their share in societal development. To educate society, we must educate the women.
KONKLUSYON
Tinutuligsa sa mga titik ng kanta, na pinatanyag nina Tito, Vic at Joey na kasama sa ‘tough hits’, ang kaisipang kolonyal sa mga Pilipino.
Sinubukan nitong hamunin ang namamayaning kaayusan sa lipunan sa pamamagitan ng pagtatalakay ng mga institusyong naaapektuhan ng kaisipang kolonyal tulad ng paaralan, simbahan at pamilya.
BIBLIOGRAPIYA
Agoncillo, Teodoro A. History of the Filipino People.
Garcia Publishing Co. 1990.
Andres Tomas D. Understanding Filipino Values: A Management Approach.
Angeles, Ma. Teresa B. and Marissa P. Barlaan. “Pinoy Rock: Batayan sa Pagkilala sa Kasalukuyang Kultura, Lipunan at Pagkataong Pilipino.” Mga Pananaliksik sa Sikolohiya ng Wika. Comp. Virgilio Enriquez.
Cultural Center of the
Dentith, Simon. Parody.
Fiske, John. Understanding Popular Culture. n.p. 1997.
Fernandez, Doreen G. The
Fortunato, Teresita. “Ang Musikang Pilipino: Dekada ‘70-’80.” Batingaw.
Sebastian, Federico B. Ang Dulaang Tagalog.
Shepherd, John and Jennifer Giles-Davis. “On The Negotiation of Meaning.” Music, Culture and Society: A Reader.
Shuker, Roy. Understanding Popular Music.
Tolentino, Rolando B. Ang Bago, Bawal at Kasalukuyan. Vol. 4 of Kulturang Popular.
http://www.thewilyfilipino.com/blog/archives/000447.html
Basahin ang Papel!
